Timbang

32 0 0
                                    

Ikatlong buwan ng lockdown.

Limitado ang mga tao.

Tanghaling tapat.

Sa isang resettlement area ng Cavite, ikaw ay lumaki at nagkaisip. Gayun din ang iyong mga malalapit na kaibigan. Tanging si Lorena lamang ang malapit ang distansya sa iyo. Magkapitbahay kayo  sa iisang purok sapagkat sa isang eskinita at anim na bahay lamang ang pagitan ng inyong mga bahay. Sa loob ng may katamtamang lawak na bakuran nila Lorena ay halos tatlong oras na kayong nakatambay ni Tangos. Kayong dalawa ay payapang naghihintay  na matapos sa abalang kaibigan na inyong binisita. Nakaupo  sa puting upuan na yari sa matibay na platisk at nakasilong sa isang malaking trapal na lona upang hindi madalso sa init ng katanghaliang tapat. 

Maaamoy ang tila kandilang nauupos  na may kasamang bulaklak ng sampaguita. Mayroong ilang matatandang ginang na mahinang nag-uusap at nagmumuni na nakasuot ng maliliit na pagtitis na mask na nakasalakab sa bahaging ilong at bibig. Nakikisimpatya dahilan ng biglaang pagkamatay ng tatay ni Lorena na kailan lang ay napakalakas at masigla noong huling pagbisita ninyo noong nakaraang isang linggo lamang.

"Mare, ano raw ba ang kinamatay?" usisa ng isa sa isa.

"Naku mare, pulmonya daw. E di positive sa Covid19 at hindi na naagapan." sumagot naman itong isa.

"Wushu! Paanong magiging positive yan, eh negatibo sa test 'yan bago makauwi dito sa Pilipinas." patakli naman ng isa.

"Malamang at nahawa kaagad. At eto pa!Malakas talaga ang kapit ng virus, di 'ba?" Sabi naman ng isa.

"Ah basta sigurado ako. Covid talaga yan!"

Ikatlong araw pa lamang ng burol. Naglagay sila sa bakuran ng isang maliit na lamesa na may puting sapin at dalawang kandilang nakalagay sa baso katabi ng  berdeng urna at napapaligiran ito ng mga bulaklak kasama ng solong larawan na siyang nagsilbing altar para sa abo ng namayapang ama ni Lorena. Dahil sa hindi pa maluwag ang kuwarantiya, iilan lamang ang mga nakikiramay dito- may mga katrabaho sa call center ni Lorena, may mga  kaibigang bakla at tomboy na malapit sa pamilya at may iba din na malapit na kamag-anak at hindi kakilala ng yumao na nakisimpatya at sandali lang ay nag-uwian na.

Nangangalumata na halatang galing sa pag-iyak ang napansin mo sa mga mabilog na mata ni Lorena nang papalapit ito sa inyong kinauupuan. Kahit nakatakip ng itim na facemask ang mukha nito, bakas sa mata ang lungkot dahil nababawasan na ang mga hiblang buhok na itinanim upang humaba ang pilik-mata, walang kolorete ang manipis nitong kilay at hindi pa masyadong nasusuklay ang itim at tuwid na mahabang buhok. Ngunit pansin sa mahinhin nitong kilos ang taglay nitong ganda at hulmang tunay na babae kahit na ito'y pinanganak na lalaki. Sapagkat maririnig na hindi angkop ang boses nito sa kanyang itsura. Mistulang may titik "w" sa mga pantig ng bawat salita. Suklay at gunting na lang ay parlor na. Suot ang maiksing bestidang kulay puti na hindi umabot sa tuhod ang tabas. 

Mapag-isa at tahimik ito kapag marami ang tao sa paligid. Masayahin at makulit sa mga malapit na kaibigan at pamilya. Ganun pa man, mapagkakatiwalaan sa oras ng pangangailangan sapagkat praktikal sa lahat ng bagay. Isang manager ito sa opisinang kanyang pinapasukan sapagkat magaling at matalino rin ito. Mahalaga sa kanya ang paniniwala at tradisyon na kanyang kinamulatan na itinuro sa kanya ng kayang magulang.

Mahinahon kahit bakas ang lungkot na iaabot ang bitbit nitong tray na may dalawang mangko ng sopas upang iaalok sa inyo. Tatayo si Tangos at aagapay sa daladala ng kaibigan, suot ang maluwang na  kulay itim na sando na abot bewang ang pagkakatabas sa magkabilaang gilid nito na mahahalatang malaki at brusko ang pangangatawan at preskong kulay berde at maiksing pambaba. Maginoong iaalay ang isang silya para kay Lorena.

Timang, Timbang, TimpiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon