CHAPTER 18 - Mylene

1K 44 19
                                    

Mahigit sampung minuto na naming hinihintay si Homer pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya bumabalik. Kasalukuyang tamihik ang aking mga kasama at walang anumang takot ang pumapa-ibabaw sa aming lahat. Si Ailee ay kasalukuyang pinapalakas ang loob ang kasama kong nabaril kanina na si Arianne. Nilapitan ko sila upang kamustahin. "Wag kang mag-alala. Pagbalik ni Homer, makakatakas din tayo dito at hinding-hindi nila tayo mapipigilan." Lumingon si Ailee sa akin at agad na nagbigay ng opinyon. "Kung sakaling makakalabas tayo, mukhang mahihirapan tayong takasan ang mga pulis. Paano yan?" Mas lumapit pa siya sa akin at may isang bagay siyang ibinulong, "Natatakot ako para sa ating lahat."

Naiisip ko rin ang mga bagay na 'yon pero hindi nalang ako nagsasalita dahil ayokong kabahan silang lahat. Ayokong mapuno ng takot ang kanilang mga puso at ang gusto ko lang mangyari ay matigil na ang kalokohang 'to. "Wag kang mag-alala Ailee. Nandiyan ang Diyos... Ang Diyos na ang bahala sa ating lahat at alam kong hinding-hindi niya tayo papabayaan. Maniwala ka sa kanya."

Hindi ko akalain na makakapag-sabi ako ng ganong klaseng bagay. Hindi kasi ako mahilig mag-simba o mag-dasal pero hindi ako makapaniwala sa aking sarili na masasabi ko ang mga bagay na 'yon kay Ailee. Bigla namang sumingit si Arianne matapos kong magsalita. "Diyos? Hanggang ngayon ba, naniniwala ka pa rin d'yan?"

"Ahh... Oo naman. Kahit na hindi ako nag-sisimba. Naniniwala pa rin ako sa kanya." Biglang napa-ngiti si Arianne at muli siyang nag-salita. "Kung merong Diyos, nasaan na siya ngayon? Bakit hindi niya tayo tulungan na maka-alis dito? Bakit niya hinayaang mangyari sa akin 'to?" Napahinto si Arianne upang huminga ng malalim at muli niyang ipinagpatuloy ang pag-sasalita. "Lumingon ka nga sa paligid mo Mylene." Sabay turo sa akin. "Lumingon ka at tignan mo kung ano ba ang nangyayari sa mundo na'tin ngayon. Kahirapan, korupsyon, at patayan. Sa tingin mo, nasaan ang Diyos at ngayong kailangan natin siya sa mga oras na 'to?"

Mukhang may malalim na pinanghuhugutan si Arianne sa kanyang mga sinasabi at nakikita ko sa kanyang mga mata kung gaano kasakit ang kanyang pinagdaraanan. "Hindi ko alam. Hindi ko alam kung nandito ba siya, kung napapanuod ba niya tayo pero alam kong nakikinig siya sa atin ngayon. Maaaring hindi natin siya nakikita o naririnig pero alam ko kung nasaan siya." At saka ko itinuro ang kanyang kaliwang dibdib. "Dito... Nandito ang Diyos at alam kong hindi niya tayo papabayaan lalo na't kailangan natin siya ngayon. Wag kang mag-alala. Makakaligtas tayo at matitigil din 'to."

Biglang humagulgol si Arianne at saka niya sinabi ang mga bagay na kanyang kinikimkim sa mahabang panahon. "Yung mga kapatid ko. Yung mga magulang ko. Namatay silang lahat habang nakikinig lang ng misa sa simbahan." Natulala ako at hindi ko maintindihan ang sinasabi niya. Biglang nagsalita si Ailee at maging siya ay nagtataka rin, "Huh? Paano mo naman nasabi yan Arianne?"

Tumingin siya sa bintana at pinagmasdan niya ang mga bituin sa kalangitan at saka niya ipinagpatuloy ang pag ku-kwento. "Noong isang taon, naaalala ko pa kung kailan nangyari ang pangyayaring 'yon. September 23, 2046. Linggo. Matapos kasing maisabatas ang Camp Horizon ay nanguna nang tumutol ang simbahan. Ang mga pari at pastor ay kaagad na nag-rally upang tutulan ang batas na 'yon. Ang buong akala ko ay mamamatay na silang lahat at pagbababarilin ng mga pulis pero hindi nila iyon ginawa. Kaya inimbitahan ang lahat ng mga tao na mag-simba upang magpasalamat dahil hindi hinayaan ng Diyos na mapahamak silang lahat. Kasama ng buong pamilya ko ay kaagad kaming nagtungo sa Quiapo Church upang mag-simba. Napuno nang napakaraming mga tao ang simbahan at habang nakikinig lamang kami sa kanyang sermon ay biglang binaril ang paring nagmimisa. Sa sobrang dami ng mga tao ay hindi na ko na nakita kung sino man ang namaril. Kaagad siyang namatay at ang lahat ng mga tao sa loob ng simbahan ay nagkagulo." Muling tumigil si Arianne sa pag ku-kwento upang huminga at saka niya muling ipinagpatuloy ang pagsasalita. "Habang nagsisipagtakbuhan kami papalabas ay bigla kong nabitawan si Papa mula sa pagkakahawak at hindi ko na sila muling natagpuan pa. Sigaw ako ng sigaw ng kanilang mga pangalan pero alam kong hindi nila ako maririnig dahil sa sobrang lakas ng mga tilian. Mabilis akong nadala ng mga alon ng tao hanggang sa nakarating na ako sa labas ng simbahan. Mabilis akong tumakbo mula sa kabilang gusali upang silipin mula doon sina Mama, Papa, at ang mga kapatid ko. Pero imbes na sa simbahan ako tumingin ay bigla akong napatingala dahil may isang Hover Plane ang mabilis na dumaan sa simbahan. Mas lalong nag-kagulo ang mga tao at bigla kong nakita ang pamilya ko sa kalagitnaan ng napakaraming mga tao at kahit anong pagsigaw at pagkaway ang gawin ko ay hindi sila tumitingin sa akin hanggang sa bigla akong itinuro ng kapatid ko na si Shirley, sina Mama at Papa naman ay nakita na rin ako matapos itong sabihin ni Shirley sa kanila. Napangiti sila at tila nabunutan ng tinik sa kanilang mga dibdib. Nang bigla nanamang dumaan ang Hover Plane sa simbahan, pero sa pagkakataon ngayon ay may ibinagsak na itong isang napakalakas na missile. Tumama ito sa mismong simbahan at mabilis na sumabog! Sa sobrang lakas nito ay napatalsik ako sa pader at ang tunog ng pagsabog ay sobrang nakakabingi talaga. Kaagad akong bumangon at nang paglingon ko sa simbahan ay bigla akong nanghina sa mga nakita ko. Wala na ang simbahan at ang mga taong nagtatakbuhan kani-kanina lang ay tuluyan nang nasunog at namatay. Kasama doon ang mga kapatid ko, maging sina Mama at Papa ay tuluyan na ring naabo. Hindi ako tumigil sa kakaiyak at hanggang ngayon ay sariwa pa rin iyon sa akin. Kaya paano ko masasabing may Diyos kung ang sarili niyang tahanan na punong-puno ng mga taong naniniwala sa kanya ay hindi niya na-protektahan. Nami-miss ko na silang lahat at gusto ko na talaga silang makita ulet. Alam kong wala nang silbi ang buhay ko dito at mukhang wala nang dahilan para mabuhay pa ako."

Camp Horizon (Filipino Dystopian Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon