Chapter 2: Dancing With Your Ghost

6 1 0
                                    

Phoenix Marshal

Minsan ba naiisip mo rin kung gaano kagago ang mundo. Yung tipong kahit anong gawin mo, wala ka pa ring nakikitang kahit ni-katiting na pagbabago sa buhay mo. 

Minsan nga mapapaisip ka nalang na, "Ginagawa ko naman ang lahat pero bakit parang wala pa ring nangyayari? Bakit walang nagbabago?" Na para bang paulit-ulit-ulit na lang ang lahat. 

Para bang nakakulong ka sa isang lumang record player na may nakakabit na sirang plakang paulit-ulit na tinutugtog ang nag-iisang musika. 

Nakakasawang pakinggan pero wala kang magagawa. Lalo na kung parang wala na itong katapusan.

Paulit-ulit. Habang nandito ka, nakakulong at nagtatanong kung hanggang kailan ba ito hahantong sa katapusan. 

Nakapanghihina nang kalooban. 

Pakiramdam ko'y kahit anong gawin ko at kahit anong pagsubok ko ay hindi kailanman magiging sapat. Hindi kailanman naging sapat. 

"When will you be brave?"

Ngumiti ako nang bahagya nang biglang pumasok sa akin ang tanong na iyan habang nagbabalik-tanaw sa lahat ng nangyari sa buhay ko. Sa pagkakatanda ko ay 'yan palagi ang tinatanong sa akin ni Halley kapag pinanghihinaan ako ng loob. 

Kung tama ang pagkaka-alala ko ay nabasa niya ito sa isa sa mga paborito niyang libro kaya sinubukan niyang isabuhay.

Ginagamit na rin niya ito sa akin sa tuwing may hindi magandang nangyayari sa'kin na nagiging dahilan kung bakit ako natatakot at pinanghihinaan ng loob gawin ang isang bagay na nais kong gawin. 

Pero tingin mo Halley, kung nandito ka pa sa tabi ko, paano ako magkakaroon ng lakas ng loob ngayon gawin ang isang bagay kung ang tanging nakalagay na lamang doon ay ang kalimutan ka? 

Paano kung ang nararapat ko na lamang gawin ay ang pagkalimot sa mga alaalang sabay nating ginawa? Masasabi mo pa kaya sa'kin ang mga salitang 'yan? 

 Isinara ko ang laptop ko at huminga nang malalim. Hindi ko pa kayang magsulat ulit. 

Ininom ko rin ang natitirang wine sa baso ko at tumitig sa bintanang katapat nang kinauupuan ko. 

Nakalagay kasi sa may tabi ng bintana ang lamesa at upuan kung saan ako madalas na nagtatrabaho kaya naman madali kong makita ang kapaligiran sa labas. Malaking tulong na rin ang naibibigay na ilaw ng lampshade sa tabi ng laptop ko kaya kahit papaano ay may kaunting liwanag naman dito sa kinalulugaran ko. 

Madilim na rin kasi ang kaulapan at malamig na rin ang simoy ng hangin. Kakatapos lamang nang pag-ulan kanina. Hunyo ngayon kaya madalas ang pag-ulan dito sa apartment na tinutuluyan ko.

    Nasa kalagitnaan ako nang pagtulala nang biglang lumiwanag ang madilim kong kwarto dahil sa pagtunog ng selpon ko, senyales na may nagnotif. 

Nag-text si Mikey, ang step-sister ko. Hindi ko ito pinansin at saka pinagmasdan ang lockscreen ng selpon ko. 

Litrato namin ito ng fiancé ko noon. Hindi ko pa pala ito napapalitan. Hindi ko pa kaya. Wala rin akong balak palitan. 

    Tumunog ulit nang sunod-sunod ang selpon ko, senyales na sunod-sunod din ang mga text messages na ipinadala ng walang iba kung ‘di ni Mikey. Bumuntong hininga ako at saka ito isa-isang binasa.

Mikey: Hindi ka pa rin ba uuwi, Phoenix? Tatlong taon ka na naming hindi nakikita. 

Mikey: Ipagluluto ka raw ni Mama ng paborito mo. Umuwi ka na. Buhay ka pa ba? 

Mikey: Miss ka na ni Tito.

Mikey: Miss ka na namin. 

Mikey: Miss na kita, kuya. 

Look How The Stars ShineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon