"Kandila" (A Spoken Poetry)
Isinulat ni Thoughtache (Ruffa Mae Madel)I.
Bakit? Bakit nga ba may kandila sa aking harapan gayong maliwanag naman ang kapaligiran?
Bakit kailangan ko itong maranasan? Masaksihan? Kailangan ba talagang maramdaman?
Hindi ito kasama sa ating pinagusapan!
Gusto kong maunawaan, gusto kong magalit sa Makapangyarihan!
Gusto kong mabigyan ng kasagutan kung bakit? Bakit?
II.
Sa bawat minuto na narito ako ay siya ring pagbuhos ng likido ng kandila na nasa harapan ko.
Kinakanta ko ang ating awit habang nakatingin sa langit.
Ang larawan natin ay yakap kong mahigpit
Pinagdarasal na kahit isang saglit ang luha ko ay tumigil dahil kapag hindi ko ito pinigil
Ang puso ko'y magmimistulang baril na siyang puputok, sasabog at kikitil
sa sarili kong buhay na tila sinisikil...III.
Sa araw na ito ay may rosas na dala ako.
Patawad dahil kahit ayaw mo ng bulaklak ay itinabi ko ito sa kuwadro ng iyong litrato.
Ang kuwadro na siyang katabi ng isang kandila.
Mahal, tatangungin ulit kita.
Bakit ba may kandila sa aking harapan?
Bakit katabi ng rosas ang iyong larawan?
Maraming katanungan na pumapasok sa aking isipan.
Gusto kong sisihin ang ating kapalaran.
Gusto kong sumigaw! Gusto kong magalit!
Dahil Mahal, hindi ito kasama sa pangakong iyong iniwan.
Hindi! Hindi ito kasama sa ating pinag-usapan.IV.
Dati ang sabi mo may bituin sa aking mga mata,
nagningning ito tuwing ako'y tumatawa.
Gusto kitang sumbatan ngayong ako'y lumuluha na,
Dahil ang bituin, ay tuluyan ng nawalan ng ningning
na para bang nilamon na ng dilim o sinira ng kung anumang matalim na patalim.
Hindi na makaaahon sa karagatan ng pighati na sobrang lalim.V.
Ang kandila ay unti-unting nauupos
Pero 'yung sakit? Hindi pa rin nauubos!
Naiintindihan ko na kung bakit may kandila.
Ang kandila sa aking harapan..
Ay simbolo ng ating nasirang pangarap at kinabukasan.VI.
Habang hindi pa nauubos ang kandila na nasa harapan ko.
Nais kong isa isahin ang mga bagay na gustong gusto kong sabihin sa'yo.
Patawad kung minahal kita ng labis,
Na dahilan din ngayon kung bat labis labis din akong naghihinagpis.
Patawad kung hanggang ngayon ay nakakapit parin ako.
Patawad kung ayaw kong bumitaw sa'yo.
VII.
Naaala mo pa ba ang aking kwaderno
Kung saan mo sinulat ang pangalan mo?
Noo'y nginitian mo ako, sinabi mong ang pangalan mo'y pagmamayari ko.
Pero anong nangyari ngayon mahal ko?
Masisisi mo ba ako sa aking paghagulgol...
Kung ang pangalan mo'y nakaukit na sa marmol?