Episode 1: Nagbabagang Lihim

415 20 2
                                    

UMIIYAK na umupo si Adam sa harap ng isang mahabang lamesa na punong-puno ng pagkain. Ngunit ang mga pagkaing iyon ay galing mismo sa laman at katawan ng tao. Nangilabot siya.

Sa bandang gitna ng lamesa ay nakahapag ang pang-ibabaw na katawan ng isang babae. May mahabang sugat sa pagitan ng mga dibdib nito, wakwak ang tiyan at nakabaon doon ang mismong ulo nitong balot na balot ng sariling dugo.

Sa paligid naman nito ay nakapalibot ang putol-putol na mga daliri nito sa kamay at paa. Sa bandang ibaba naman ay nakapuwesto ang malaking juice bowl na dugo ang laman at may nakasabit pang apat na baso rito.

Ngunit ang pinakakinatatakutan ni Adam ay ang halimaw na kaharap niya sa hapag. Nakatitig lang ito sa kanya habang hinihintay siyang kainin ang ilan sa mga putahe roon.

Nilingon niya ang kanyang pinggan na punong-puno ng mga mata ng tao. Halos bumaligtad ang sikmura niya. Napapikit na lamang siya at umusal ng pagmamakaawa. Tinawanan lang siya roon ng halimaw.

Pagmulat niya, tuluyang pumatak ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Hindi talaga niya kaya ang pinagagawa nito. Batid niyang kaluluwa niya ang kapalit kapag hindi siya kumain doon. Ngunit parang mas pipiliin na lang niyang mamatay kaysa matikman ang mapait at masamang lasa ng kapwa niya tao.

"Kakain na ako. Gusto kong sabayan mo ako," wika ng malalim na tinig.

Nakita niya kung paano isubo ng halimaw ang utak ng tao na nasa pinggan nito. Napapikit muli siya at kinagat ang labi upang pigilan ang labis na pandidiri. Kaunti na lang talaga at masusuka na siya.

Napasigaw siya sa gulat nang pukpukin nito ang lamesa at umatungal. "Kung hindi ka kakain, ikaw ang susunod na ihahain ko rito para sa susunod na bisita ko!"

Lalong tumindi ang pagbuhos ng mga luha niya. Ayaw naman niyang maranasan ang malagim na sinapit ng babaeng nakahapag sa lamesa nila ngayon. Kahit mahirap, pinilit niyang damputin ang isang mata sa pinggan niya.

Nanginginig ang kanyang kamay habang pinagmamasdan ito. Ilang beses siyang nagtangka na isubo ito sa pinakamabilis na paraan upang agad lumipas ang pinakamapait na sandali. Subalit lagi siyang pinipigilan ng kanyang kamay. Ito ang kusang umaatras tuwing ilalapit niya ang bibig dito.

Huminga nang malalim si Adam at sinubukan muling isubo ang bilog na mata. Bago pa ito tuluyang makarating sa bibig niya, isang boses ang biglang sumigaw sa paligid.

"Cut!"

Doon pa lang niya binitiwan ang mata at pinunasan ang mga luha. Kasabay niyang tumayo ang lalaking naka-costume na halimaw sa lamesa at nilapitan nila ang direktor.

"Good job, guys! This is the last scene for today. Please prepare for tomorrow's scenes. Mas mabigat na ang mga eksenang isu-shoot natin. 'Yung mga script n'yo, ha?"

"Yes, Direk!" masiglang sagot niya rito. Nagpaalam na muna siya sa ilang mga staff doon. Saka siya nagtungo sa dressing room kung saan naghihintay sa kanya ang boyfriend niyang si Sandro.

"Ano, uwi na ba tayo, pare?" tanong nito sa kanya.

"Mamaya na. Pahinga lang akong konti," sagot niya rito saka ipinatong ang kabila niyang paa sa mga hita nito.

Walang nakakaalam sa relasyon nilang dalawa. Sa mata ng iba, magkaibigan lang sila. Pero ang totoo, may relasyon talaga sila.

Matagal nang lihim ni Adam ang pagiging bisexual niya. Katunayan nga, may asawa rin siya ngayon na naghihintay sa kanya sa bahay. At wala rin itong alam sa kababalaghang ginagawa niya. Malaking gulo at kahihiyan ang aabutin niya 'pag nagkataon. Lalo na't mga homophobic pa naman ang parents ng babae. Ito ang lihim niya na dadalhin niya hanggang sa hukay.

Burning FlowersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon