Copyright © ajeomma
All Rights Reserved
Ako si Jay. Salamat sa pagsabay sa girlfriend ko, pare.", nakangiting sabi ng lalakeng estranghero sabay lahad ng kamay upang makipag kamay.
Hindi ito pinansin ng teknisyan at tinitigan lang. Tila sinusukat ang kakayanan ng kaharap. Hindi naman nagpasindak ang bagong dating. Nakita kong bahagyang kumunot ang noo nito at nagsalubong ang magkabilang kilay.
Bahagya akong napaurong nang bumaba sa bisikleta ang lalake. Hindi inaalis ang pagkakatitig sa teknisyang biglang lumiit sa matangkad na kaharap.
"Bakit pare, may problema ba?", tanong ng lalakeng para sa akin ay isang tagapagligtas. Matikas ang tinig nito at nagbabanta. Puno ng kumpyansa at parang anumang oras ay iigkas ang mga kamao.
Umiling ang teknisyan. Pumihit ito at dahan-dahang humakbang palayo.
Nakita kong sinundan ito ng tingin ng lalakeng matikas. Sa tingin ko ay nakahanda ito kung sakaling patraydor na aatake ang kasamahan ko sa pabrikang pinapasukan.
Ngunit hindi naman nangyari. Matapos akong tignan ng teknisyan ay naglakad na ito nang tuluyan palayo sa amin.
"Mukhang loko ang isang yon ah?", narinig kong sabi ng lalake kaya napatingin ako sa kanya at inalis na ang pagsunod ko ng tingin sa teknisyang malayo na.
"Boyfriend mo? O ex na?", tanong uli nito.
Umiling lang ako at hindi direktang sumagot. "Maraming salamat sayo, ha. Kung hindi ka dumating ay baka kung napaano na ako.", sinserong pasasalamat ko sa kanya.
Napakamot sa batok ang lalaki at bahagyang umiling.
"Wala yon! Napansin ko kasi na pinipilit ka niya. Hindi sana ako makikialam dahil baka may L.Q lang kayo. Kaya lang nakita kong parang nasasaktan ka kaya hindi na ako nakatiis. Pakiramdam ko kasi ako si Superman. Kailangan mo ng tulong kaya to the rescue agad ako..", nakangiti nitong sabi sa akin.
Napangiti rin ako. Sa totoo lang ay nawala na ang takot na nararamdaman ko kanina.
"Ako si Jay, binata at walang magagalit kahit ihatid kita sa inyo.", nakangiti niyang sabi. Bahagya pa siyang napayuko matapos ang pagpapakilalang ginawa na narinig ko na kanina.
Barbers cut ang buhok niya. Makapal ang kilay na bumagay sa mabilog at mapupungay na mga mata. Malantik ang kanyang mga pilik at matangos ang kanyang ilong. May manipis na bigote at ang mga labi ay tamang-tama ang kapal. Maganda siyang ngumiti at pantay-pantay ang mapuputing ngipin.
Sa palagay ko ay hindi siya purong pinoy. Madilim ngunit hindi na kailangan pa ang liwanag upang mapansin ang lalaking lalaki niyang aura. Matangkad na ako ngunit nakatingala pa ako habang kausap siya.
"Ako naman si Lourdes. Pero tawagin mo na lang akong Lou para hindi masyadong mahaba. Kung hindi ako makakaabala....."
"Naku, hindi!" agad niyang putol sa sasabihin ko.
Napangiti ako at nag-umpisang maglakad.
"Ah.., eh.., Lou.", tila nahihiyang tawag niya sa akin kaya napalinga ako sa gawi niya.
"Ano kasi.., baka kasi nakatingin pa sa atin si kulet.", sabi niya na ang tinutukoy ay ang teknisyan kanina.
Napatingin tuloy ako sa gawi ng kalsada na nilakaran ng kasamahan ko sa pabrika.
"Wala na siya.", sabi ko naman.
"Baka kasi nakatago lang siya at pinanonood tayo ngayon. Kung hindi ka aangkas sa akin ay baka hindi natin siya mapaniwalang girlfriend kita. Naisip ko lang na baka lapitan ka na naman niya pagpasok mo bukas. Kailangan nating makasiguro. Kung makikita niyang may boyfriend ka na pala, mas malamang na itigil na niya ang pagdiskarte sa iyo. Makakaiwas ka na sa pangungulit niya.", paliwanag niya sa akin.
May point naman ang kanyang sinabi kaya pumayag na ako sa suggestion niya. Muli siyang sumakay sa bisekleta at pagkatapos ay binigyan ako ng puwang upang makasakay. Patagilid akong naupo sa gawing harapan niya. Ang makabila niyang braso na nakahawak sa manibela ay parang mga harang upang protektahan ako upang hindi mahulog.
"Hindi ka ba hirap?", tanong niya na nakapagpagaan sa pakiramdam ko. Apat na salitang libu-libong kilig at tuwa ang hatid sa akin.
"Okey na.", matipid kong sagot. Kaya nag umpisa na kaming umandar.
Nang malapit na kami sa mga lalaking nakatambay sa may poste ay pasimpleng nagsikuhan ang mga ito pagkakita sa amin. Halata ko sa mga kilos nila at sa mga pigil na ngiti ang pangangantyaw kay Jay. Magalang akong binati ng mga lalaking ipinakilala niya sa akin na mga kabarkada. Saglit pa at nagpaalam na si Jay sa mga ito.
Umaandar na kami nang magpahabol pa ang ilan sa mga kaibigan niya. Ingat daw..., ingat daw ako kay Jay.
"Huwag kang masyadong maniniwala sa dalawang yun, Lou. Mga alaskador lang yun. Makukulit pero mababait naman lalo na kapag tulog.", natatawang sabi niya sa akin. Naririnig ko ang mahina niyang paghingal. Pagod na siguro siya sa pagpadyak sa pidal ng bisekleta niya. Nakaramdam ako ng hiya kaya tinanong ko siya kung kaya pa ba niya. Malayu-layo pa kasi ang sa amin.
"Sisiw lang ito, Lou. Medyo dinadaga lang ang dibdib ko kaya habol hininga ako. Alam mo na, dalaga ang angkas ko eh. Madalas ang ate kong dabyana ang nagpapa angkas sa akin pero nakakaya ko. Minsan nga lang itong mga gulong ko ang sumusuko. Kung nakakapagsalita lang siguro ang mga ito ay nagmakaawa na sa ate ko na huwag na umangkas.", natatawa pa rin niyang sabi.
Natatawa rin ako sa kwento niya. Mabilis nawala ang pagkailang ko sa kanya. At sa iilang sandali pa lang ay naging palagay na ang aking loob. Parang matagal na kaming magkakilala..., parang ganun. Hanggang sa makarating na kami sa amin.
Sa gawing looban pa ang bahay namin. Hindi siya pumayag na sa labasan lang ako ihatid. Bumaba ako sa bisekleta, ganun din ang ginawa niya at magkasabay na kaming naglakad papasok.
"Dito ako nakatira.", sabi ko nang mapatapat na kami sa isang lumang bungalow. Medyo nahiya ako dahil hindi presentable ang bahay na tinitirhan ko.
"Gusto mo bang pumasok muna?", naitanong ko na lang. Wala kasi akong ibang maisip sabihin ng mga oras na yon.
"Hindi na para makapagpahinga ka na.", sabi niya. Hindi ko matiyak ang naramdaman ko pagkarinig ko sa sinabi niya. May isang bahagi sa damdamin ko ang nakaramdam ng panghihinayang.
"Maraming salamat sa lahat, Jay.", sabi ko.
"Wala yun, Lou. Sige tuloy na ako ha.", nakangiti niyang paalam pagkaraang makasakay sa bisikleta.
"Ingat ka.", sagot ko naman. Tinanaw ko pa siya hanggang sa tuluyang makalabas.
BINABASA MO ANG
The Confessions of an Unfaithful Wife #1
Ficción GeneralPaano kung dumating ang pag ibig na hindi na maaaring angkinin? Lalaki lamang ba ang maaaring patawarin kapag nagkamali? Sadya bang ang paghusga ay ipinapataw agad kahit ang paliwanag ay hindi pa naririnig? Totoo ba o gawa-gawa lamang ng malisyo at...