Kabanata CXXIII: Ang Pagbabalik sa Akademya

22.8K 967 1.2K
                                    

Kabanata 123: Kabanata CXXIII (Ang Pagbabalik sa Akademya)

- Dos - 

Bumabaon pa rin hanggang buto ang galit at pagkamuhi ni Dos sa babaeng nagdulot sa kanya ng ilang baling mga buto at mga malalalim na sugat sa katawan. Ilang araw na ang nakalilipas magmula nang magtuos sila ng ikapitong Prinsesa ng Cymopoleia ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin naiibsan ang nanunuot na hapdi at sakit sa kanyang katawan lalo na ang malalim niyang tama sa binti na noong mga oras na iyon ay buntot. 

Naisip niya pa na mukhang mag-iiwan pa ito ng peklat sa katawan dahilan para mapahawak siya muli sa kanyang baba. Tingin niya kasi ay pamilyar ang sakit ng binti niya sa sakit na nadama niya noong natanggap niya rin ang peklat sa kanyang baba, bagay na hanggang ngayon ay hindi niya pa rin masyado maalala kung si Elaine nga ba ang nagbigay nito sa kanya o hindi.

Isinantabi na lang niya ang kaisipang iyon dahil lalong sumasakit ang kanyang ulo sa pag-alala. Napansin niya rin na nakatingin sa kanya ang kasama na si Cero at nginisihan lang siya nito wari'y nang-aasar. Hindi na niya ito pinagtuunan pa ng pansin.

Kasalukuyan naman ngayon nakaupo si Dos sa isang kulay gintong trono katabi ang iba pang pinagkakatiwalaan ng Haring Weoford ng Maura. Bukod dito ay may mga nakapalibot din sa kanila na mga opisyal sa kaharian ng Maura at mga kawal. Kasama rin nila sa malawak at eleganteng silid ang pitong mandirigma na tahimik lamang at pare-parehong naghihintay ng kalalabasan ngayong ebalwasyon ng Anthanite na dala nila. 

Ilang araw matapos nilang nakawin ang Anthanite ay ngayong araw napagdesisyunan ng Haring Weoford na kumpirmahin ang lakas na taglay ng Anthanite. Nakapuwesto na rin ngayon ang hari sa gitna habang dala ang mahiwagang kulay asul na bato na gawa sa purong Aquamarine at mahika. Kumikinang-kinang ito at masisilayan ang gandang taglay ng bato kaya nasisiguro nilang ito nga ang isa sa mga anthanite na hinahanap nila. Katabi rin niya ang isang may edad ng babae na mayroong pulang buhok at asul na mga mata at nakasuot ito ng itim na itim na bestida na sumasayad sa sahig ngunit hapit na hapit sa katawan. 

"Mukhang hindi na lang ikaw ang malandi sa Maura, Tres. Tinatalo ka na ng matandang iyan," dinig pa ni Dos na pahayag muli ni Cero habang prente itong nakaupo sa trene at nilalaro ang mga daliri.  

Mula naman sa pagpapaikot ng alak sa kopita ay nag-angat ng mga mata ang dalaga na may pulang buhok at nakangisi nitong tiningnan ang naunang nagsalita. 

"May asim pa talaga at balak pang ngayon magpakita ng motibo kay Ama," iritable nitong saad at nakipagtawanan pa ito sa pilyong lalaki saka pinagtuunan ang babae na nasa harap at naghihintay ng kautusan sa hari. 

"Louwe'sz shanoh" (Let's begin.) panimula ng Hari gamit ang lenggwahe mismo ng Maura na kaagad naman naiintindihan ng babae. 

Ilang sandali lamang ay nagliwanag ang asul nitong mga mata ng kulay pula saka nito itinaas ang tungkod na hawak at makailang beses na pinatama ang dulo nito sa sahig dahilan para ang kada lapat nito sa lupa ay nag-iiba ang lugar na kanilang kinalalagyan ngunit nananatili lamang sila sa iisang puwesto at kinauupuan. Nakatatlong patunog pa ng baston ang babae bago ito huminto sa kalagitnaan ng isang lugar na wala halos makikitang kahit na anong liwanag. 

Ang kagubatan na kanilang kinalalagyan ngayon ay parte ng Najwa o Black Forest na tinagurian  din sa buong emperyo na ang Kagubatan ng Kamatayan. Ito ang pinakamalawak, pinakadelikado, at pinakakinatatakutang kagubatan sa buong emperyo lalo na at ito rin ang kagubatan na siyang nakapalibot at sumasakop sa kaharian ng Maura.

Walang nilalang ng kabutihan ang nabubuhay pa rito pagka't ang buong kagubatan ay pinamumugaran na ng iba't-ibang uri  ng halimaw. Patay na rin ang halos lahat ng puno, nakalalason ang hangin, at itim na itim ang lupang kanilang tinatapakan. May mga kakaiba at nakalalason na mga halaman na rin ang tumubo at namunga rito.

Reincarnated as the Seventh Princess Book 3 Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon