Eliana's
Alas-dyis na ng gabi sa akademya at kasalukuyan na akong nasa aking dormitoryo habang abala ako sa pananahi ng ilang bestida na kinakailangan ko pang tapusin sa gabing ito.
Sa halos limang oras ko nang nakaupo sa aking puwesto ay maka-ilang beses ko na rin natutusok ang sarili kong daliri dahil wala sa aking ginagawa ang aking atensyon ngayon. Tila ba lumulutang ang isipan ko sa naging sagutan nina Ellionoir at Zephyr kanina maging ang kinahantungan nang muli nilang pagkikita ni Caedmon.
"Ayoko na. Inaantok na ako," inis kong saad at itinabi ko na muna ang mga itinatahi ko bago ako pabagsak na nahiga sa aking kama.
"Magpahinga ka na, Prinsesa Eliana. Marami na rin naman tayong natapos ngayong gabi," mahinahong pahayag ni Leandra habang dinadagdagan ang kahoy sa may tsimenea upang mas lalong uminit ang aking silid.
Hindi naman na ako sumagot sa kanya dahil napatulala na lamang ako sa chandelier na nakakabit sa aking silid habang inaalala ang mga kaganapan kanina.
"C. . . Caedmon?" gulat kong pahayag habang titig pa rin ako sa malapad at matipunong likuran ng kapatid ko na siya rin humaharang sa aking paningin para makita si Zephyr.
Hindi naman ako pinansin ni Caedmon kahit alam kong narinig niya ako dahil abala siya parehas kina Ellionoir at Zephyr.
"K. . . Kuya Caedmon?" gulat na gulat at tila ba nahihintatakutan na pahayag ni Ellionoir habang sinusubukan nitong tumayo nang maayos.
Inalalayan naman siya ni Caedmon saka pinasadahan ng tingin ang kanyang mukha.
"Neola, gamutin niyo ni Eliana ang mga sugat ni Ellionoir," malamig na pahayag niya bago marahang itinulak si Ellionoir sa kanyang likuran kung saan nakaabang si Neola na kaagad siyang inalalayan makatayo.
Hindi naman na umangal si Ellionoir dahil mukhang nagsisimula na rin mamanhid ang kanyang sugat. Mukhang nakaramdam din siya na kung magpapatuloy lang siya sa pagmamakaawa kay Zephyr sa harapan ni Caedmon ay lalo lamang magiging malala ang sitwasyon.
"Bakit mo binubuntung sa kapatid ko ang sisi sa kaduwagan mo, Zephyrus? Lahat na lang ba ng mga kapatid kong babae ay sasaktan mo?" sarkastiko niyang tanong sa kaharap dahilan para mas lalo lamang tumalim ang tingin ni Zephyr sa kanya.
"Wala kang alam sa ginawa sa akin ni Ellionoir, Caedmon. Hindi mo kilala ang ugali ng sarili mong kapatid."
"At kilala mo? Ikaw? Kilala mo ba talaga si Ellionoir sa loob ng higit pa sa isang dekada na pagkakaibigan niyo? Kilala mo ba talaga ang kapatid ko, Zephyr?" makahulugang tanong din ni Caedmon sabay itinaas pa nito ang isang kilay bago magpatuloy. "Kinilala mo ba talaga ng lubos ang kapatid ko?" at naging hudyat iyon para bahagyang matameme si Zephyr at hindi kaagad nakapagsalita.
Bumalik din sa humihikbing Ellionoir ang tingin ni Zephyr at tila ba may pagtataka at kalituhan na makikita sa kanyang mga mata bago niya ibinalik ang tingin kay Caedmon. Hindi rin halos makatingin si Ellionoir sa kanya dahil na rin sa matinding pagluha.
"Walang patutunguhan ang usapang ito," iwas tingin na pahayag ni Zephyr at iiling-iling na itong tumalikod sa amin. "Hindi na sana magtagpo pa ang mga landas nating lahat," hahakbang na sana siya paalis nang muling magsalita si Caedmon.
"Diyan ka magaling, Zephyrus. Ang talikuran ang lahat ng problema na ikaw din ang gumawa dahil duwag ka, dahil ayaw mong wakasan at mas pipiliin mong magdusa nang mag-isa kaysa humingi ng tulong sa iba---"
"Wala kang alam sa pinagdadaanan ko!" galit na sigaw ni Zephyr habang bahagyang nanginginig na ito dahil sa bugso ng damdamin. Bahagya pang nagliliwanag ng kulay berde ang mga mata niya hudyat na nagkukumawala na ang kanyang kapangyarihan dahil sa masidhing emosyon.
BINABASA MO ANG
Reincarnated as the Seventh Princess Book 3
FantasyReincarnated as the Seventh Princess (Book 3/3) Trilogy Read RATSP Book 1 and RATSP Book 2 ❗️ Language: Filipino | English Genre: Reincarnation | Fantasy | Action | Romance Happy Ending is such a bizarre and cliché word for Yvonne as she never got...