Pagmulat ko ng aking mga mata, bumungad sa akin ang mga apparatong nakasaksak sa aking katawan. Nakagapos ako sa isang matigas na higaan na para bang pag-eexperimentuhan. Nawindang ako nang sa isang lalaking may hawak na ineksyon sa 'di kalayuan. Kinabahan ako bigla, tumibok ng pagkabilis- bilis ang aking puso.
Kinislot-kislot ko ang aking katawan ngunit hindi ko magawa. Ang katawan ko'y parang patay, hindi ko maigalaw. Nais ko ring magsalita ngunit hindi ko maibuka ang aking bibig. Ano ang ginawa niya sa akin?
"Mabuti naman at gising ka na, Anastasya." Bungad niya sa aking harapan sabay ngiti na nakakaunsyami.
Itinaas niya ang ineksyong hawak at unti-unting inilapit sa akin.
"Kung hindi ka mapupunta sa akin, sisiguraduhin kong hindi ka mapupunta sa kaniya! Haha!" Turan niya habang humahalaklak na parang tinakasan na ng bait. Kamukat-mukat ko, isinaksak niya na pala ang ineksyon sa aking braso. Tumirik bigla ang aking mata, nangingisay-ngisay naman ang aking katawan.
"Haha! Tingnan natin kung may magmahal pa sayo kapag nakita nila ang itsura mo." Humahagalpak na tawa niya habang ako'y kaniyang binubuska.
"Ah!" Sigaw ko dahil may kakaiba na akong nararamdaman sa aking katawan.
"Ah!" Napasigaw ako nang maging makaliskis ang aking buong katawan. Ang buhok ko ay biglang nag-iba ang kulay. Kung dati ay itim, ngayon ay berde na. Nanlalabo rin ang aking paningin. Ang dila ko nama'y biglang umurong at napalitan ng karima-rimarim na dila ng ahas. Gumaan din ang aking pakiramdam na parang ang lakas-lakas ko na.
"Kahanga-hanga ka! Nagtagumpay ako sa aking pag-eeksperimento sayo! Haha!" Bungad niya nang tuluyan na ngang magbago ang aking anyo.
Isang salamin ang inihain niya sa akin. Napaluha na lang ako sa kasuklam-suklam kong itsura. Hindi na ako normal, isa na akong halimaw na dapat katakutan.
"Sinisigurado kong hindi ka na niya mamahalin. Haha! Magdusa ka! Babaeng ahas! Hindi ka na magiging maligaya pa! Haha!" Panunuya niya habang pagak ang kaniyang pagtawa.
"Hindi! Magbabayad ka sa paglalapastangan mo sa aking pagkatao!" Sigaw ko dulot ng galit. Nagulat ako dahil tumalas bigla ang aking paningin, para bang gusto ko na siyang patayin.
Hindi ko inaasahang kikilos bigla ang aking katawan. Hindi ko alam kung paano ko siya nilingkis, at sa isang pagdila ko lang sa kaniyang leeg, nagkasugat kaagad ito at bigla siyang namalipit sa sakit.
Kumawala ako sa kaniya at pasuray-suray siya sa paglalakad habang hawak ang leeg niya. Nagulat ako ng biglang magbago ang kulay ng kaniyang balat, ito'y naging kulay lila. Maya-maya pa'y bumagsak na siya sa sahig at wala na ring buhay.
Nilapitan ko siya para siguraduhing patay na siya. "Patawad Karl, kasalanan mo ang lahat. Kung hindi mo ako ginanito, maayos pa sana ang lahat." Pagsusumamo ko habang nakaupo sa harapan niya.
"Anastasya, nandito na ako para iligtas ka!" Sigaw ng isang lalaki sa labas. Si Josh! Siya nga iyon!
Bumukas ang pinto at tama nga ang aking tinuran. Isang makisig na binata ang tumambad sa aking harapan.
"Josh, mahal ko." Napatayo ako dahil sa tuwa. Mahal na mahal niya nga ako.
Dali-dali akong tumakbo sa kinaroroonan niya at niyakap siya nang pagkahigpit-higpit.
"Salamat Josh at pinuntahan mo ako rito. Mahal na mahal mo nga ako." Bulong ko sa kaniyang tainga habang yakap ko siya.
Napabitaw ako sa kaniya nang itulak niya ako nang pagkalakas-lakas. Nagdulot iyon para mapasandig ako sa pader.
"Hindi ikaw si Anastasya! Ilabas mo siya!" Sigaw niya sa akin habang dinuduro niya ako.
May parte sa aking dibdib na biglang sumakit dahil sa kaniyang tinuran. Nanghihina ako dahil sa binitiwan niyang salita.
"Josh ako ito, maniwala ka sa akin. May itinurok sa akin si Karl para magbago ang aking anyo! Hipuin mo man itong puso ko, mararamdaman mong ikaw lang ang tinitibok nito." Paliwanag ko habang unti-unti akong lumalapit sa kaniyang kinaroroonan.
"Huwag kang lalapit! Diyan ka lang!" Pagpigil niya sa akin na para bang takot na takot siya. Namumuo ang pawis sa kaniyang noo kaya hindi maipagkakaila.
"Sabi mo pa nga sa akin noon, 'Kumulot man ang iyong balat, ako lang ang patuloy sayong sisipat.' Sinabi mo sa akin iyan noong pinagmamasdan natin ang mga bituin sa buong namin." Paalala ko sa kaniya. Nanlaki bigla ang kaniyang mga mata.
"Tapos sabi mo pa nga noon, 'Hindi kita iiwan. Magsasama tayo hanggang sa katapusan.' Iyan ang pinanghahawakan ko mula noon hanggang ngayon." Dugtong ko pa.
"Hindi! Hindi ikaw si Anastasya! Siya ay tao at hindi halimaw! Hindi mo ako maloloko! Isa kang dyablo!" Anas niya at bigla niya akong hinagisan ng matagis na bagay. Tumama iyon sa aking ulo kaya nawalan ako ng malay.
Pagkagising ko, wala na siya. Iniwan niya na akong sugatan, at luhaan. Nagbago lang ang aking anyo, kinasuklaman niya na ako.
Maramihan sa mga tao, tumitingin sila sa panlabas na anyo. Ang sakit pala na masabihan kang dyablo nang taong mahal mo. Sagad sa buto, mismo.
Para akong basahan na tinatapak-tapakan. Wala na akong silbi sa lipunan. Marapat lang siguro na ipataw ko sa sarili ko ang kamatayan. Hindi na nila ako kailangan, hatid ko pa sa kanila'y kapahamakan.
Ayokong masaktan pang muli. Galit sa puso ang sa aki'y namumutawi. Sa kabilang buhay, sana kami'y magkita pa. Para maipaalala sa kaniya, na mayroong Anastasyang mahal na mahal siya.
BINABASA MO ANG
Elmo's Everything
NezařaditelnéCompilation of Short stories, One shot, Poems at kung anu-ano pa na bumabagabag sa aking isipan.