Ang Pagbabalik

339 7 2
                                    

Tuwing buwan ng Oktubre, bumabalik ang pamilya nina Clara sa kanilang tirahan sa Baryo Dekada Sitenta. Tila pag-alpas sa magulong simboryo ng Maynila. Sa isang purok kung saan liblib ang mga kabahayan, nakatira sa isang bahay na bato ang mag-asawang Georgia at Marion, kasama ang kanilang tatlong anak. Clarisse, ang panganay, labing-syam na taon. Clara, ang pangalawa, labing-pitong taon, at Liam, ang bunso, apat na taong gulang. Iilang mga kabahayan lamang ang nakapaligid sa kanilang tirahan, isa na roon ang isang dampa na hindi mawari kung may tao ba o wala.

Nasisiyahang bumalik si Clara sa kanilang tirahan sa Baryo Dekada Sitenta. Sa lugar na iyon lamang niya nararamdaman ang tunay na pahinga, malayo sa paaralan, sa gulo, at sa dami ng mga tao. Tahimik at maaliwalas ang paligid, madalas pa niyang makasama ang mga kapatid, ang ina at ama, kumpara sa siyudad na halos hindi na nila makasama ang isa't-isa. Naisip ni Clara na kahit papaano'y nagkakasama sila. Halos mabibilang lang sa mga daliri ang bilang ng pamilyang nakatira roon. Sa kabila ng pagiging tahimik ng baryo ay ang mga malalakas na usap-usapan ng mga taga-roon ukol sa mga kakaibang nilalang tulad ng mga aswang. Dahil ito sa mga taon-taong pagkawala ng iba't-ibang mga tao sa hindi malamang dahilan. Sa kadahilanang liblib ang baryo ay umusbong na lamang na isang aswang ang walang awang dumadakip sa mga inosenteng mamamayan. Mas umigting ngayong taon ang kanilang mga paghihinala nang mapansin ang isang taong nakatira sa bahay na dampa.

Ngunit sa tingin ni Clara ay guni-guni lamang ang mga iyon, napapalibutan na ng kababalaghan ang utak ng mga mamamayan doon dahil sa kanilang paligid na laging madilim na ulap at walang tao.

Isang umaga sa kanilang balkonahe, nakatingin sa malayo si Clara na para bang malalim ang iniisip, natanaw niya ang dampa sa tapat ng kanilang bahay na ngayon lamang niya nakita. Makalipas ang kalahating oras na pagsipat sa paligid ay bumalik na siya sa loob. Naabutan niya sa sala ang nakatatandang kapatid na nagbabasa ng libro at ang bunsong kapatid na naglalaro sa lapag. Pabalik na siya ng kwarto nang may marinig siyang pagbagsak ng plorera at pag-iyak ni Liam, nilingon niya ito at nilapitan upang patahanin habang si Clarisse ay napatigil lamang sa kaniyang pagbabasa.

"Ikaw ba'y magiging sing-talino ni Freud kung mabasa mo ang lahat ng iyan imbis na alagaan at tignan mo ang kapatid mo, Clarisse?" wika ni Clara habang papalit sa kanila.

"Hindi ako ang nagluwal sa batang iyan, Clara. At isa pa, hindi ka ba talaga marunong gumalang sa mas nakakatanda sa iyo?" sagot ni Clarisse.

Hindi na nakipagtalo pa si Clara sa kaniyang kapatid at nilinis na lamang ang nagkalat na basag na plorera. Hapon na nang mailabas niya ang mga basura, naisipan niyang bumili sa tindahan malapit sa kanilang tirahan. Napansin niyang nagliligpit na ng mga paninda si Aling Myrna kung kaya't tinanong niya ito.

"Aling Myrna, magsasara na ho ba kayo? Kahapon ko pa napansin na alas-kwatro pa lang ay sarado na ang tindahan nyo." Napalingon si Aling Myrna kay Clara at inayos ang salamin upang mawari kung sino ang dalaga.

"Clara? Ikaw lang pala iyan. Kailangan ko nang magsara bago ang takipsilim." Nagmadali nang magsara ng tindahan si Aling Myrna at hindi na pinagbigyan pang bumili si Clara.

"Bukas ka na bumili, sige na at pumasok ka na sa loob ng inyong bahay." Bago tuluyang isara ang pinto ay pinaalis na niya si Clara. "Pasok na! Huwag mo na hayaang abutan ka ng dilim."

Wala nang nagawa ang dalaga kung kaya't bumalik na lamang siya sa bahay. Nagpahinga na lamang siya at nakipaglaro sa bunsong kapatid, matapos ay pinatulog na niya ito at nagbasa na lamang siya ng libro. Gabi na at si Clarisse ang naghain ng hapunan habang wala pa ang kanilang mga magulang. Umalis ito sa mesa dala ang pinggan upang sa kwarto kumain kung kaya't si Clara lamang ang mag-isang kumakain sa mesa.

Alas-onse na ng gabi nakauwi si Georgia at alas-dos ng madaling-araw naman si Marion. Hindi na nila naabutang gising ang mga anak dahil sa trabaho pa rin ang kanilang inaatupag sa probinsya.

FORSAKENTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon