Plaza

183 6 0
                                    

Naatasang mamili sa palengke si Clara kinaumagahan, maaliwalas ang kaniyang umaga dahil masisilayan niyang muli ang Plaza malapit sa palengke. Sinabihan naman siya ni Clarisse na susunod ito upang tulungan siya sa mga bitbitin. Nang makarating ay sinimulan na niyang maghanap at mamili, naghanap siya ng bilihan ng mga karne at pagkaroon ay binili niya ang ilang kilo ng karne at mga manok. Dahil sa dami ng binili ay tinanong siya ng ale kung saan ito gagamitin.

“Para ho hindi kami maubusan at hindi pabalik-balik sa palengke.” Sagot ni Clara.

“E taga-saan ka ba?” tanong ng isang matabang ale na palaging bitbit ang lalagyan ng mga barya.

“Sa dulo po, malapit sa bukid.” Napatigil ang ale, tinignan ang kasama at may binulong.

“Mauna na ho ako, salamat sa karne.” Ani Clara at ngumiti, na siyang ikinagulat ng ale at hindi na nagsalita.

Napailing si Clara sa inasta ng ale at namili na lamang ng iba pang kakailanganin. Matapos mamili ay nagtungo na siya sa Plaza upang doon hintayin si Clarisse. May mga batang naglalaro, mga nagsasanay, mga bendedor sa gilid, mga tricycle na nag-aabang ng pasahero, nilapitan siya ng isa upang tanungin kung saan ito tutungo.

“Sa dulo po, pero may inaantay pa ho ako e.”

“Sige iha, hindi na pala.” Sambit ng drayber.

Tila narinig ng mga batang naglalaro malapit sa kaniya ang usapan at napatitig sila kay Clara. Nagbulungan ang tatlo at tumawa, lumapit naman ang isa sa kaniya, isang batang lalaki na nasa edad labing-lima. Tinitigan niya si Clara mula ulo hanggang paa pati na rin ang mga pinamili nito.

“Taga Dekada Sitenta ka? Bihira lang mga taga baryo Dekada Sitenta ang pumupunta rito. Buti hindi ka pa patay.” Sabay tawanan ng dalawa niyang kasama. Napakunot ng noo ang dalaga at nagulat sa sinabi ng batang lalaki.

“E baka naman kase parte ng pamilyang aswang. Balita namen may aswang sa Dekada Sitenta, isa ka ba ron, ‘te?” Dagdag pa ng isang batang lalaki. Tumigil sa panunukso ang tatlo nang makita sa likod si Clarisse na masama ang titig sa kanila.

“Clara, halika na.” napalingon si Clara at nakita ang kapatid. Umalis na sila at nagpahatid na lamang sa kanto dahil madalas tanggihan ng mga drayber ang paghatid sa Dekada Sitenta.

Lumabas si Clara ng alas-tres ng hapon upang magtungo sa tindahan ni Aling Myrna. Nadaanan niya ang dampa na may pumasok na isang matandang lalaking nasa animnapu’t taon na. Nasigurado na niya na may nakatira sa bahay na dampang iyon. Kinausap niya si Aling Myrna tungkol sa mga nakapagtatakang pangyayari sa baryo.

“Naku, Clara. Hindi mo ba napapansin, ang lalaking nakatira sa bahay na dampa ay nagdadala ng kamalasan sa Baryo Dekada Sitenta. Kasabay ng inyong pag-uwi kada taon dito at tuwing buwan ng Oktubre lamang naming nasisilayan ang matanda, sa kabilang dako, maraming nawawalang mga taga Bayan.” Seryosong pagkukuwento ni Aling Myrna.

“Ngunit.. ngayon ko lamang nakita ang dampang iyan.”

“Dahil sa mga hinalang aswang siya, palipat-lipat siya ng tirahan. Isang araw, nakasalubong siya ng asawa ko na duguan, pasalamat na lang siya at hindi siya nakita. May pagkakataon pa na naglakas loob kaming bigyan siya ng gulay kabilang na ang bawang upang malaman kung siya’y aswang nga at alam mo ba, kinabukasan ay nakita namin ang mga ito sa basurahan. Hindi ba’t kataka-taka? Sa ngayon, wala pa siyang nabibiktima sa ating kapitbahayan. Basta, huwag ka na lang lumapit sa kaniya, magsasara na ko ng tindahan kaya’t umuwi ka na.”

Ilang gabing kinimkim ni Clara ang mga kakaibang asta ng mga tao sa matandang lalaking nakatira sa dampa, hindi niya ito mapigilang isipin kung kaya’t ibinahagi na niya ito kay Clarisse.

“Aswang? Sinong baliw ang maniniwala sa aswang? Walang aswang Clara, tigilan mo iyan.”

FORSAKENTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon