Ang "aswang"

157 7 6
                                    

“Walang aswang, Mang Boy.”

“K-kung gayon, anong tawag mo sa iyong kapatid. Hindi ba’t para na rin siyang aswang kung kumitil ng buhay!”

Ilang saglit pa habang nakatayo si Clara sa harap ni Mang Boy ay pumasok ang kapatid na si Clarisse dala ang isang itak. Kita sa katawan ni Clarisse ang mga pawis at magulong buhok. Nagulat ito subalit walang kabang malaman ng kapatid ang kaniyang ginawa.

“Clara! Andyan ka pala.” Natutuwang bungad ni Clarisse.

Hindi na mawari pa ang emosyon sa mukha ni Clara at patuloy na lamang ito sa pagluha.

“Anong ginawa mo?” nangangatal na sabi ni Clara.

“Ito naman, parang walang alam.. sabi ko naman sayo hanapin natin ang aswang e, ayaw mo naman.” Sarkastikong sambit niya. Ibinaba ni Clarisse ang itak sa sahig upang mapanatag ang kapatid. Pinaikutan niya ang kapatid.

“Alam ko kung anong binabalak nina Aling Myrna kay Mang Boy.” Ibinaling niya ang tingin kay Mang Boy. “Hindi ka po ba masaya na nawala na ang mga taong pinaghihinalaan kayo? Tinapos ko na sila.. bago pa nila kayo tapusin.” Bumalik muli ang tingin niya sa kapatid.

“E mukhang hindi sya masaya at gustong sumunod kina Aling Myrna e, walang akong magagawa kung di ang pagbigyan siya, Clara. Magsusumbong pa yata at sasabihing tayo ang pamilya aswang.. kahit wala naman talagang aswang.”

Mariing napapikit si Clara bago magsalita. “Hayaan mo na si Mang Boy, Ate.. umalis na tayo sa lugar na to at huwag nang bumalik kahit kailan.”

Napataas ng kilay si Clarisse sa pagtawag sa kaniya ni Clara ng ‘ate’. “Ilang taon na kong nagtitiis sa mga brutal ninyong gawain nila mama, ate. Kada taon na lang akong nagiging tagapanood.. at alam kong wala akong magagawa kundi ang manahimik. Unang beses na narinig ko sa balita, alam kong ikaw ang dahilan ng pagkawala ng batang lalaki sa Plaza pero inisip ko na baka tama sila.. na may totoong aswang! Alam ko ring pinagtangkaan mong basagin ang plorera kay Liam noong pangalawang araw natin dito.. gusto kong maniwala na lang sa mga kapitbahay natin na baka nga may aswang.”

“Ginanti lang kita, Clara. At saka, hindi ko naman tutuluyan si Liam e.”

Hindi matigil sa paghikbi si Clara habang inaalala ang mga karumal-dumal na pangyayari sa Maynila.

“Isa rin akong tanga na pinapaniwala ang aking sarili na may aswang, ngunit hindi ko aakalain na sa maraming taon ay nakakasama ko na pala ang mga ito."

Napatigil si Clarisse at bumagsak ang mukha.

"Tama na. Walang ginawang masama si Mang Boy sa atin, ate. Lumayo na lang tayo rito. Bumalik ka sa bahay, kunin si Liam at mag-impake. Tulad ng palagi nating ginagawa.” utos ni Clara. “..sinubukan kong mawala at magpakatiwakal na lang para makatakas sa mga karumal-dumal niyong gawain. Ngunit pinigilan ako ni papa. Sabi niya, lalayo na lang tayo para magbago, subalit sa bawat lugar kung saan tayo napapadpad sa Maynila ay may mga naglalaho. Ang hinala ng mga tao rito ay isinisisi sa inosenteng tao, na alam kong taon-taon ay ikaw at kayo ang gumagawa!”

Bumuntong-hininga si Clarisse. “Sige. Madali naman akong kausap, mahal kong kapatid. Tutal, wala na rin namang manghihinala sa kaniya. Oo na. Aalis na ulit tayo.”

Dahan-dahang lumabas ng bahay na dampa si Clarisse at iniwan ang itak upang makasigurado si Clara. Isinara niya ang pinto at humakbang ng bahagya. Naiwan sa loob ang kapatid at ang takot na takot na si Mang Boy. Maya-maya ay inihagis ni Clarisse ang nakabukas na panindi sa dampa. Mabilis itong nagliyab dahil sa langis na kaniyang ikinalat bago pa dumating si Clara. Sa loob, kung saan naroon ang kapatid ay hindi na nakalabas nang buhay.

“Gaya ng sabi mo, wala kang magagawa kundi ang manahimik. Ngayon, tahimik ka na talaga, Clara.” Sambit niya habang dinadaanan ang mga iilang tirahan sa Baryo Dekada Sitenta kung saan tuluyan nang mananahimik ang mga tao sa maling hinala at alingawngaw. “..walang aswang na pumapatay sa baryong ito.. ang imahinasyon at hinala ng tao ang tunay na papatay sa kanila.”

Pagkabalik sa bahay ay naabutan niyang naglilinis ng mga kagamitan ang mag-asawa na halos maligo sa dugo ng mga biktima.

"Napa-aga ang liwanag, anak, magaling kang tunay." sambit ni Marion.

Nag-ayos at nag-handa nang umalis ang mag-anak. Sa paglabas ng pinto ay napaisip si Georgia kung may nakaligtaang gamit.

“May nakalimutan ba tayo?”

“Si Liam.” Ani Marion. Bumalik si Clarisse sa kwarto upang tignan ang natutulog na si Liam.

“Mahimbing pa rin ang tulog, mama. Tara na. Hayaan niyo na siya, wala na rin naman yung tunay niyang kapatid e.”






Wakas.

FORSAKENTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon