CHAPTER TWO: THE NIGHTMARE

19 3 1
                                    

Jaden

Nagising na lang ako nang makita ko ang sarili ko na nasa gitna ng kadiliman. Pilitin ko mang idilat maigi ang mga mata ko, ngunit wala pa rin akong ibang nakikita kundi ang lugar na nababalot sa kadiliman.

Dahil sa walang liwanag sa paligid, naisip kong maghanap ng pwedeng gawing ilaw kaya't bumangon ako mula sa pagkahiga at sinubukan maglakad sa pagbabakasakaling makahanap na ako ng liwanag.

"Teka, nasaan ba ako?" pagtataka ko.

Sa oras din na iyon bigla akong nakaramdam ng kaba.

Masyadong mabigat sa pakiramdam ang paligid. Parang may mangyayaraing trahedya anumang oras.

Ilang sandali, biglang may lumiyab na asul na apoy sa paligid. Napaatras ako ng bahagya sa takot at tila nais magpanik ng kaluluwa ko.

Gumapang ang asul na apoy sa lupa patungo sa kinaroroonan ko. Nandilat ang mga mata ko at ramdam ko ang biglang pagbilis ng tibok ng puso ko.

Tumakbo ako palayo dahil sa pangambang may mangyari sa aking masama kapag naabutan ako ng asul na apoy.

Sa kakatakbo ko, bigla akong natisod. Sinubukan kong tumayo ngunit tumama ang asul na apoy sa isang direksyon malapit sa kinaroroonan ko. Nagsilbi itong tanglaw sa lugar kaya naaninagan ko ang paligid.

Biglang tumindig ang balahibo sa buong katawan ko nang makita ko ang mga nagkukumpulang kalansay ng tao sa lupang inaapakan ko. Ang mas nakakatakot pa, tila may binubulong ang mga ito sa akin.

Napaatras ako ng bahagya, sanhi ng pagkagulat at takot na naramdaman ko. Nanlalambot ang mga tuhod ko at hindi ko magawang maiglaw man lang ang mga ito.

Sa hindi inaasahan, may isang estrangherong lalaki ang tumambad sa aking harapan. Mas lalong lumakas ang nararamdaman kong takot nang makita ko kung ano ang wangis nito: Hindi kumukurap ang mga mata at may kalakihan ang bunganga. Nakangiti na parang isang demonyo at abot hanggang pisngi ang guhit ng kanyang labi.

Palapit ito nang palapit sa akin kaya sinubukan kong gumapang upang makalayo. Ngunit tila hindi ako makaalis sa aking kinaroroonan. Sa takot na baka maabutan niya ako, napasigaw ako ng 'saklolo!' pero parang walang nakakarinig at walang ibang tutulong sa akin.

Narinig kong nagtawanan muli ang mga kalansay sa paligid kaya mas lalong nadagdagan ang nararamdaman kong takot. Lumalakas maigi ang tibok ng puso ko at hindi ko na magawang mapigilang hindi mapaiyak.

Napasigaw muli ako nang biglang hilahin ng lalaki ang mga paa ko. Kinaladkad niya ako hangang sa tumilapon ang katawan ko sa kabilang dako ng lugar.

Sa pangalawang pagkakataon, pinilit ko muling tumayo. Nanginginig pa nga ang braso ko matapos ko itong itukod. Ilang sandali at paglingon ko, tumambad sa akin ang isang eksena. May sinasakal siyang isang lalaking hindi masilayan ang mukha. Tanging sa leeg lang niya ito hinahawakan at binuhat sa ere na parang walang kahirap-hirap.

Bigla niya itong sinaksak gamit ang isang patalim. Pinaikot pa ito sa dibdib ng lalaki na parang nagbubutas lang sa buhangin.

Sumirit ang dugo nito at nagtalsikan sa mukha ko. Wala ako nagawa kundi ang mapasigaw dahil sa naramdamang takot.

"JADEEEEN, ANAK! GUMISING KA!!!"

Nagising ako matapos kong marinig ang sumisigaw kong magulang.

Unti-unti akong dumilat at naaninagan ko ang dalawang mag-asawang nakapaligid sa higaan ko.

"JADEN, ANAK, GUMISING KA BINABANGUNGOT KA!" nag-aalalang sabi ni papa habang tintatapik niya ang pisngi ko.

Maya-maya lang at tuluyan na akong nagising.

THE AWAKENING POWER (On-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon