Order my published books at WARRANJ SUAREZ MONASTERIO on Facebook.
—
Chapter 45: Defeat
Tama naman siya. Hindi lang siya ang may kasalanan. Hindi ko siya dapat pagkaitan ng pagkakataon na makipagusap sa akin. Ako ang nagsimula. Wala akong karapatan sumbatan siya sa pangloloko niya sa akin dahil ako naman ang naunang magloko.
"Tama ka. Kailangan nga siguro natin mag-usap," sabi ko habang malamig na nakatitig sa kaniya. Kitang kita kung paanong nagliwanag ang mga mata niya dahil doon. "Ito na lang rin marahil ang kailangan bago natin tapusin ang lahat sa atin."
Bumalik ang dilim sa ekpresyon ng mukha niya. Tumalikod na ako, hindi na siya hinintay pang magsalita. Naglakad ako papasok sa loob ng bahay. Kaagad sumunod sina Nanay sa akin.
"Kanina pa siya dito, Elianna. Kinausap niya rin kami ng Tatay mo at humingi ng pasensiya. Saan kayo mag-uusap? Sa kwarto mo ba?"
Salubong ang mga kilay ko nang tingnan si Nanay matapos niyang itanong iyon.
"Sa kwarto? Bakit po doon? Dito lang kami sa sala. Kung maaari ay sa labas na muna kayo, Nay. Sandali lang po ito."
Ayaw ko nang patagalin pa.
"O-Oo naman! Doon muna kami sa may tindahan ni Tammy."
Tiningnan ko ang kapatid ko, ang dahilan kung bakit ko kinailangan magsinungaling at mangloko ng tao. Pero hindi ako nagsisisi. Gagawin ko ang lahat, nakakahiya man, mapagtapos ko lang siya sa pag-aaral.
Habang nakatingin kay Tammy ay nakita ko ang pagsulpot ni Dustine sa may pintuan. Kaagad nagtama ang mga mata namin. Titig na titig siya sa akin. Pinilit ko iyong labanan at umastang kaswal.
Nilingon siya ni Nanay at Tammy bago muling ibinalik ang tingin sa akin.
"Lalabas na kami."
Tumango ako. Tumalikod na sila. Kitang kita kung paanong tumungo si Dustine nang dumaan sila. Sa isang banda ay gusto kong malaman kung ano ang mga sinabi niya sa mga magulang ko. Sinabi niya ba ang katotohanan?
"Pasok ka. Maliit lang ang bahay namin." sabi ko at binalingan na ang silya para hilahin ito.
Naupo ako, nasa kawalan kaagad ang mga mata dahil hindi ko siya magawang tingnan ng diretso.
"Anywhere is fine."
Pasimple ko siyang sinulyapan. Hila ang silya sa harapan ko, mas lalong nagmukhang maliit ang bahay namin dahil sa tangkad niya.
Naupo siya. Nang ituon niya ang mga mata sa akin ay mabilis akong nag-iwas. Hangga't maaari, ayaw kong makita niya ako na nakatitig sa kaniya.
Sa bawat segundong lumilipas na hindi siya nagsasalita at ramdam kong pinagmamasdan niya ako, pilit kong iniisip kung paano namin uumpisahan ang usapan na ito. Sino ba ang dapat na mauna? Kailangan bang ako dahil ako naman ang unang nagkamali?
Siguro nga.
"Sandali lang ang oras na mayroon ako dahil magluluto pa ako ng hapunan." dahilan ko bago buong tapang siyang tiningnan sa mga mata.
Mariin siyang nakatitig sa akin, magkasalikop ang mga kamay. Tila ba ayaw niyang kumurap dahil kapag ginawa niya iyon, mabilis akong mawawala sa paningin niya.
"Gusto kong mag-sorry. Niloko kita, nagsinungaling ako tungkol sa kasarian ko at nagpanggap bilang lalaki..." huminga ako nang malalim. "Ginawa ko lang iyon dahil kailangan ko ng pera para sa kapatid ko. Pangpaaral."
Hindi siya gumawa ng kahit anong reaksyon, titig na titig siya sa mukha ko na para bang ngayon niya lang ako nakita sa buong buhay niya.
Sa wakas ay inalis niya ang mga mata sa akin. Tumungo siya, huminga nang malalim bago muling nag-angat ng tingin sa akin.
BINABASA MO ANG
Monasterio Series 7: The Dare Not To Fall
RomanceThe start of the third generation Monasterio Series 7: The Dare Not to Fall Walang ibang gusto si Elianna kung hindi ang maiahon sa kahirapan ang pamilya niya. Nga lang ay alam niyang hindi magiging sapat ang kinikita niya sa pamamasada ng tricycle...