"Hoy! Gumising na kayo anong oras na? Mag-aalas otso na naman hindi pa kayo nakakapag-almusal at nakakaligo!" sigaw ni Nanay sa aming anim na magkakapatid na pawang tabi-tabi matulog sa iisang maliit na kwarto. Hindi pa ako nakakabangon mula sa pagkakahiga sa banig nang marinig ko naman ang sunod-sunod na palahaw ng bunsong kapatid kong babae na dalawang taong gulang pa lamang.
"Nubayan! Kay aga-aga ang ingay-ingay mo naman, Estelita!" bulyaw naman ni Tatay kay Nanay habang abala ito sa paghithit-buga ng kanyang paboritong brand ng sigarilyo.
"Eh, paano ba naman 'yang mga anak mo alam nang may pasok ngunit kukupad-kupad pa rin kumilos. Akala pa yata't sabado pa lamang ngayon." Sagot naman ni Nanay na halos magkanda-hilo na sa pag-aasikaso ng almusal namin sa hapagkainan.
Bumangon na ang ika-apat kong kapatid, si Erik, kasalukuyang nasa Grade 6, first year high school na sana kaso umulit kasi nagbulakbol — panay cutting class dahil sumasama sa mga kaklase niyang gala. Parang hapo itong naglalakad patungong kusina halatang tinatamad pumasok sa paaralan. Sabi pa nga niya minsan sa amin ng Ate Lucille ko, ayaw niya talagang mag-aral kasi nakakabagot.
'Yong Ate Lucille ko naman, panganay namin ay kasalukuyang nasa kolehiyo na, nag-aaral para maging elementary teacher. Hindi niya talaga gusto 'yong kursong pinakuha sa kanya ni Nanay kaso wala siyang magawa. Mahal mag-aral ng engineering, hindi kaya ng mga magulang ko. 'Yong ikalawa si Ate Janine, hindi na nag-aaral, mas bata lang ng dalawang taon kay Ate Lucille, apat na buwan ng buntis at hindi pinanagutan ng kanyang kasintahan. Siya ang malaking problema ngayon nina Nanay kaya makikita sa mga mata ng Ate Janine namin ang labis na pagkapahiya. Samantala ako, nasa third year high school na at hindi ko maamin ang tinatagong sekswalidad.
"Lucille! Nasa'n na si Alicia?" dinig kong pasigaw na tanong ni Nanay kaya napabangon na ako ng higa sa banig.
"Heto na! Heto na po ako!" sagot ko at dali-dali na akong nagtungo sa kusina baka mapagalitan pa ako ni Nanay.
"Kahit kailan talaga Alicia ang kupad-kupad mo kumilos para kang Ate Lucille mo, pareho kayong parang pagong!" sabi pa ni Nanay habang naglalagay ng kanin sa pinggan ni Elmer 'yong panglima namin na Grade 2 naman ngayon. "Hay naku! Kailan niyo ba ipapasok diyan sa kukote niyo na sa tuwing may pasok huwag babagal-bagal kumilos. Alam niyo namang may pasok din ako kay Donya Minerva, buti naman sana kung hindi masungit ang matandang iyon."
"Eh, Nay, bakit hindi na lang kayo umalis do'n? Hanap na lang kayo ng bagong mapapasukan. Marami namang mayayaman sa panahon ngayon kaya marami rin ang maghahanap ng kasambahay." Suhestiyon ni Ate Lucille habang kinakain ang pinaghatian naming pritong itlog.
Napailing-iling si Nanay habang sinusubuan ng pagkain ang kapatid kong si Elmer. "At paano naman ako makakaalis kaagad, aber? Ang dami kong utang, panay ako bale. Naiinis na nga sa'kin minsan ang matanda. Eh, paano ba naman 'yang Tatay niyo panay sugal, panay himas ng manok. Hindi naghahanap ng permanenteng trabaho." Pagpaparinig naman nito kay Tatay na nasa labas ng bahay na abala sa pagpapausok at paghimas ng kanyang panabong.
"Narinig ko 'yang sinabi mo, Este!" sigaw ni Tatay sa labas.
Napabuga ng hangin si Nanay at pinakain ulit si Elmer. "Kita niyo na? 'Yang Tatay niyo walang pangarap para sa pamilyang ito pero sa mga manok niya meron!"
Mahirap talaga kapag nasa iskwater ka nakatira, dikit-dikit ang mga bahay, mula umaga hanggang gabi dinig mo ang sigawan ng mga kapitbahay namin. Maski sigawan nina Nanay at Tatay ay dinig din nila kahit do'n pa sa kalapit bahay. Marami ring mga batang paslit ang makikita mo sa kahit saang sulok ng lugar: naghahabulan, nagtataguan, nag-iiyakan, at nag-aaway. 'Yong iba wala pa minsang saplot sa katawan, maski short o t-shirt na lamang. 'Yong iba uhugin pa, sisinok-sinok pa, parang walang pakialam ang mga magulang dahil mas inuuna pa minsan ang bingo, mahjong, tong-its, o magtsismisan magdamag.
Katulad na lamang nang magbuntis ang Ate Janine ko, mas una pa naming nalaman mula sa mga kapitbahay namin kumpara sa kapatid ko. Nang malaman iyon ni Nanay ay hindi ito nakapagtimpi. Kulang na lamang ay mapatay niya ito nang makumpirma niya ang umuugong na tsismis dito sa aming lugar. Samantala si Tatay ang pinaka-nasaktan, matalino si Ate Janine at pinaka-paborito niya sa lahat.
"Hoy, Erik!" sita ni Ate Lucille kay Erik na kasabay naming naglalakad patungong sakayan ng jeep. "May nakapagsabi sa akin na naninigarilyo ka na raw."
Gulat namang napatingin ako sa kapatid ko samantala siya naman ay napatingin sa pwesto ni Ate Lucille.
"H-Hindi, ah!" depensa naman nito. "Bakit ko naman gagawin 'yon?"
Naningkit ang mga mata ni Ate Lucille. "Huwag mo nga akong utuin diyan. Kahit ilang beses mo pang kuskusin ng toothbrush 'yang bibig mo ay hindi pa rin matatanggal ang amoy ng sigarilyo diyan sa hininga mo. Ayus-ayusin mo mga desisyon sa buhay, Erik. Kawawa naman ang Nanay."
Hindi na nagsalita pa ang kapatid ko, tumakbo na lamang ito nang pagkatulin-tulin at iniwan niya sa amin si Elmer na ihahatid niya sana sa klase.
"Batang 'yon ako pa ang uutuin." Sabi ni Ate Lucille at kinalkal ang loob ng kanyang bag. "Kapag nalaman 'yon ng Tatay paniguradong yari siya."
Nang makarating na kami sa may sakayan ay binigyan kami ni Ate Lucille ng tig-sampung piso ni Elmer saka na ito pumasok sa loob ng jeep. Nagba-bye pa si Elmer kay Ate Lucille at saka naman ito ngumiti sa amin. Hindi pa umaandar ang jeep ay nakita ko muna si Ate Lucille na naglagay ng pulang lipstick sa kanyang labi at saka naman ito nag-ayos ng kanyang buhok.
Huli na kami sa flag ceremony kaya inihatid ko na lamang si Elmer sa kanyang klase. Nagbilin pa ako sa kanya na huwag niyang ibibili ng chichirya ang sampung piso na ibinigay ni Ate Lucille. Pagkatapos no'n ay nagtungo na ako sa aking klase do'n sa may pang-high school na building.
"Good morning, Cia!" bati sa akin ni Charmaine, ang muse namin sa klase. Matagal na akong may lihim na pagtingin sa kanya simula pa noong second year. Maganda, mabait, matalino si Charmaine, marami ang nagkakagusto sa kanya kahit sa iba pang seksyon. "Hindi ka yata nakapag-flag ngayon?"
Umupo ako sa aking pwesto at inilagay ko na sa tabi ang aking bag na pinaglumaan pa ni Ate Janine noong nag-aaral pa siya.
"Huli rin ng gising, eh." Sagot ko sa kanya.
"Oh, ba't ka naman nakabusangot diyan?" tanong naman nito sa akin at tumabi sa upuan. Hindi pa naman dumarating ang guro namin para sa first subject namin ngayon.
"Naiisip ko lang si Nanay, Charmaine. Mukhang hindi niya na kami kayang papag-aralin ng sabay-sabay. Nasa college na ang Ate Lucille ko, 'yong Ate Janine ko naman ay buntis, si Erik may bisyo kanina ko lang nalaman, samantala si Tatay wala namang permanenteng trabaho." Kwento ko sa kanya.
"Kaya pala ganyan ang mukha mo ngayon," mahinang tugon nito sa akin.
"Oo, Charmaine. Mahirap talaga. Mahirap ang maging mahirap." Tanging nasabi ko na lamang hanggang sa naglakbay na sa kung saan ang aking isipan.
BINABASA MO ANG
Pasan Ko Ang Daigdig
General FictionMula sa maralitang pamilya ating matutunghayan ang pag-usad ng labing-limang taong gulang na si Alicia "Cia" Feleo patungo sa karimarimarim na yugto ng kanyang buhay.