Tatlo

17 1 0
                                    

Pagod ang Nanay nang makauwi ito ng bahay mula sa bahay nina Donya Minerva. Pasado alas-siyete na ng gabi ngunit hindi pa rin umuuwi si Ate Lucille galing paaralan, maski si Erik ay wala rin, si Ate Janine kauuwi pa lamang mula sa bahay ng kaibigan niyang si Donna, samantala si Tatay ay hindi pa rin dumarating.

Nasa hapag-kainan na kaming lima, ang tuyo at hipon sa hapag ay naghihintay na rin sa amin. Ang usok na mula sa mainit na kanin ay unti-unti nang naglalaho. Halata na rin sa mukha ni Mama ang pagkayamot. Magdi-dis oras na ng gabi ngunit hindi pa rin kami nakukumpleto. Nagugutom na ang bunso naming si Elsa na kanina lang ay sinisigaw-sigawan ni Ate Ja. Panay pa ang sumbong nito kanina kay Nanay sa ginawa sa kanya kaya malayo na naman ang loob ni Ate Janine sa aming ina.

"Nay..." basag ko sa katahimikan. Pansin kong hinihilot na ni Nanay ang kanyang sentido samantalang si Elmer ay nag-uumpisa nang kumain dahil nararamdaman ng gutom. "Nakausap ko po si Aling Mameng kanina. Naniningil na po siya ng utang."

"Opo, Nay." Segunda naman ni Elmer pagkatapos nitong magsandok ng kanin. "Sabi niya po sa'min ni Ate Cia kanina na hindi lang naman po tayo ang kumakain, pati rin po sila."

"Hayaan niyo na 'yang Mameng na 'yan. Napaka-atribida talaga ng matabang iyon. Eh, alangan namang ibayad ko sa kanya lahat ng sahod ko. Wala tayong kakainin niyan. Nag-aaral pa kayo, yung Ate Lucille niyo college na, pagkatapos itong si Janine pa, susmaryosep, mamamatay na ako sa kakaiisip dahil sa dami ng problema." Mahabang litanya ni Nanay.

Napatingin ako sa gawi ni Ate Janine, napansin ko ang kanyang pagyuko. Nakaramdam ng pagkapahiya dahil sa sinabi ni Nanay. Napahawak din ito sa kanyang tiyan na para bang prinoprotektahan ang walang kamuwang-muwang na sanggol sa mga masasakit na salita na maaari niyang marinig sa labas ng sinapupunan na kanyang kagigisnan.

"Pero anong oras na," wika pa ulit ni Nanay sabay tingin sa basag naming wall clock. "Wala pa yung magaling niyong ama, sina Erik at Lucille wala pa rin. Lagot talaga 'to sa'kin mamaya. Alam nang may pasok pa bukas."

Nakaramdam ako ng kaba para sa kapatid kong si Erik. Hindi ko pa nga sinasabi kay Nanay ang tungkol sa kanyang kalokohan ay nagsisimula na itong magalit sa kanya. Wala rin akong ideya kung nasaan man ngayon ang kapatid kong iyon. Kung nasa'n man siya sana ay matauhan na siya sa lahat ng mga kalokohan niya.

Walang ano-ano ay biglang kumalabog ang pintuan ng bahay at iniluwa nito si Tatay na akay-akay si Erik na halatang may pasa sa kanang bahagi ng kanyang mukha.

"Tarantado ka!" galit na sigaw ni Tatay at pagkatapos no'n ay itinulak nito si Erik sa sahig. Napatayo kami pareho ni Nanay sa aming kinauupuan, si Elmer ay napatigil sa pagkain, si Ate Janine ay todo hawak pa rin sa kanyang tiyan, at si Elsa naman ay nagsisimula nang humikbi dahil sa takot sa sigaw ni Tatay.

"Putangina mo, ha!" gigil na wika ni Tatay at kaagad na sinampal sa pisngi si Erik na nagpipigil sa pag-iyak. "Walang hiya ka. Ang alam naming lahat nag-aaral ka pagkatapos malaman-laman kong buong araw ka lang pala nakatambay sa may bilyaran!"

"A-Ano?!" gulat na saad ni Nanay at pagkatapos lumapit na ito sa kanilang dalawa. Tinignan ni Nanay si Erik at unti-unting yumuko upang mahawakan ang magkabilang balikat. "Totoo ba ang sinasabi ng Tatay mo, Erikson? Tama ba ang naririnig ko?"

Hindi umimik si Erik. Nakatingin siya kay Tatay na nanlilisik ang mata. Hindi ko alam kung saan hinuhugot ng kapatid ko ang lakas ng loob na titigan ng gano'n ang aming padre de pamilya.

"Totoo ang mga naririnig mo, Estelita. 'Yang magaling mong anak ay hindi na pumapasok sa eskwela! Doon sa bilyaran na 'yan naglalagi kasama ng mga barkada niyang pare-parehong mga walang kwenta katulad niya. Nakasabay ko kanina sa jeep si Pareng Rodel, yung may-ari ng bilyaran, siya yung nagsumbong sa'kin na halos araw-araw na 'yang naglalagi do'n." Kwento ni Tatay at hinataw na naman nito si Erik sa kanyang balikat gamit ang kaliwang kamay. "Napaka-walang modo mo! Walang kang isip! Tatanda ka nang nasa elementarya pa rin! Mauunahan ka pa siguro ni Elmer maka-graduate. Ano, ha? Bakit ganyan ka makatingin? Nagagalit ka? Susuntukin mo ako? Sige, palag! Pumalag kang putangina mo! Ilabas mo rito sa harapan ko ang angas mo sa bilyaran, punyeta ka. Naninigarilyo ka pang hayop ka!"

"Ayokong mag-aral!" sigaw na ni Erik ngunit sinampal ulit siya ni Tatay.

"Bakit? Anong gagawin mo? Tutulad ka sa'min ng Nanay mo? Walang tinapos kahit elementary? Yun ba ang gusto mo, ha? Maglustay ng pera sa bilyaran, sa mga bisyo mo? 'Yan ba ang gusto mong mangyari, Erik? Sumagot kang putangina mo!" sigaw ulit ni Tatay.

Napailing-iling si Nanay hanggang sa unti-unti na nitong hinampas-hampas sa balikat si Erik. "Ano ba ang pumapasok sa mga isip niyo, ha? Nagpapakahirap kaming magtrabaho para may makain tayo araw-araw, mapag-aral kayo kahit papa'no pagkatapos 'yan pa ang maririg ko mula sa bibig mo? Na ayaw mo nang mag-aral? Napaka-damot mo, Erik. Hindi namin ito ginagawa para sa sarili namin kundi para sa iyo, para kinabukasan niyong lahat! Kahit na mahirap tayo, gusto naming maging mayaman kayo sa kaalaman. Ayokong dumating ang panahon na pagsisisihan mo ang lahat ng ito, Erik."

Hindi umimik si Erik. Marahas itong tumayo mula sa pagkakasalampak sa sahig. Padabog itong naglakad patungong kwarto hanggang sa naririnig na namin ang paglagabog ng mga drawer. Kaagad siyang sinundan ni Nanay sa loob. Sumunod na rin kami pareho ni Elmer ngunit nakakapit siya sa akin.

"Sa'n ka pupunta?" tumaas na ang boses ni Nanay nang makita niyang sinisilid na ni Erik ang iilang mga damit niya sa loob ng bag.

Hinanap ko ng tingin si Tatay. Napaupo siya sa may gilid ng pintuan habang naghihithit-buga ng kanyang sigarilyo habang katabi nito ang pinaglumaang bag na may silid na mga gamit sa pagkakarpintero.

"Hayaan mo 'yan, Este! Alam niya ng buhayin ang sarili niya!" sigaw ni Tatay mula sa labas.

"Nababaliw ka na ba, Erik? Kung ano man ang iniisip mo ay itigil mo na 'yan ngayon din!" sigaw na ni Nanay at inagaw ang bag sa kanya.

"Aalis na ako rito, Nay! Ayoko nang magtiis pa rito! Aalis na ako!" sunod-sunod na sigaw nito at hinila nito pabalik ang bag na inagaw sa kanya ni Nanay. "Si Ate Janine lang naman ang nakakatiis dito, eh. Sawang-sawa na ako sa paninisi rito kung bakit hirap na hirap kayo sa'min. Hindi ko naman ginustong mabuhay. Wala naman akong ginusto ni isa rito. Kaya aalis na ako, Nay. Ayoko na po."

Naging matigas si Erik sa pagkakataon na ito. Sinunod niya ang gusto niyang mangyari. Bago pa ito makalabas ng kwarto ay tinapunan niya muna ako ng tingin. Tumitig lang ito sa akin. Walang ni isang salita. Si Elmer na nasa aking tabi ay bumulong pa ng, "Kuya."

Si Ate Janine ay wala ring nagawa. Nakaupo pa rin ito sa may hapag kasama si Elsa na mukhang litong-lito sa mga nangyayari.

At sino rin ang mag-aakala na sa edad na labing-isang taon ay maglalayas itong sumunod sa akin na si Erik?

Nilampasan ako ni Erik pagkatapos pati rin si Tatay. Hindi rin kumibo ang aming padre de pamilya. Halatang hanggang ngayon ay galit pa rin ito sa nalaman. Si Nanay ay wala na ring naging reaksyon. Parang namanhid na rin ito sa lahat ng mga nalalaman niya tungkol sa aming mga anak niya; simula kay Ate Janine at ngayon kay Erik naman.

Hindi na namin lahat nabigyan ng pansin ang oras. Hindi na rin kami nakaramdam ng gutom maliban sa mga nakababata kong kapatid. Malalim na rin ang gabi. Lumamig na ang pagkain sa hapag. Gusto kong magtanong sa sarili ko, nasa Barangay Paraiso pa rin ba kaya ako?

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 09, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Pasan Ko Ang DaigdigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon