Pagdating ng hapon ay tinungo ko na si Elmer sa kanyang klase, hinanap ko na rin si Erik upang sabay-sabay kaming umuwi ng bahay ngunit wala siya do'n. Tinanong ko si Elmer kung nakita niya ba ang kuya niya ngunit hindi niya raw ito namataan mula kanina kahit noong recess. Lalabas na sana kami ng paaralan nang makita ko ang class adviser ni Erik na si Ma'am Ongpauco.
"Hello, ikaw ba ang kapatid ni Erikson Feleo?" tanong nito sa akin.
"Opo, ako nga po Ma'am. Bakit po?" sabi ko naman saka humawak sa damit ko si Elmer.
"Tungkol sana sa kapatid mo. Nais ko sanang makausap ang parents niyo. Isang linggo na kasing hindi pumapasok sa klase itong si Erikson. Nababahala lang ako sa kapatid mo. Baka kako maging dropout." Sumbong ni Ma'am Ongpauco na nagpabagsak ng magkabila kong balikat. Nanikip ang dibdib ko, naisip ko na naman si Nanay, naisip ko na naman ang estado namin. Nasaktan ulit ako para sa kapatid ko.
"I-Imposible po yata Ma'am sabay naman kaming pumapasok ng kapatid ko." Pilit kong depensa sa gurong nasa harapan ko.
"I'm sorry...?"
"Alicia po, Ma'am."
"I'm sorry, Alicia. Pero 'yan ang totoo. Tama ang dinig mo sa sinabi ko. Sabay nga kayong pumapasok ngunit isang linggo ko nang hindi nakikita ang mukha ng kapatid mo sa loob ng klase ko."
Nanlumo ako sa narinig. Hindi na rin ako nakasagot pa kay Ma'am Ongpauco. Nakakahiyang makipag-usap ulit. Nakakahiya ring mapakinggan ang lahat ng kanyang sinasabi tungkol sa pag-aaral ng kapatid ko. Bigla tuloy sumagi sa isipan ko ang sinabi nito sa amin ni Ate Lucille na ayaw talaga nitong mag-aral. Ngunit paano naman siya matitigil kung pinipilit naman ito ni Nanay para sa kanyang kinabukasan.
Minsan na ring sinabi sa amin ni Tatay na sa panahon ngayon mahirap kapag wala kang pinag-aralan. Magmumukha kang kaapi-api sa mundo ng mga alta. Gagawing kang tanga kapag makikipagtalastasan. Mahirap ding makakuha ng trabaho kapag walang tinapos. Kahit na may alam ka pa ngunit wala kang diploma, dadaigin ka pa ng may diploma ngunit wala naman talagang laman ang utak. Kasi raw kapag may diploma ang tingin nila sa'yo ay isang bathalang mahirap abutin sa langit, pagkagaling-galing, at bukod tangi sa lahat. Samantala, kung wala ka namang diploma habambuhay ka na lamang pupulutin sa lupa kasama ng mga isinuka ng lipunan. Isang kahiya-hiyang mamamayan. Isang kahiya-hiya nilalang ng sanlibutan.
"Maraming salamat po," tanging nasabi ko na lamang.
Tumango naman ito. "You're welcome. Please inform your parents na lang, hija."
Napahigpit na lamang ang kapit ko sa gutay-gutay na strap ng aking bag. Inakbayan ko na rin ang nakababata kong kapatid. Mabigat ang loob na uuwi ako ng bahay at mayroong dala-dalang masamang balita.
Papalubog na ang araw nang makarating na kami ng Barangay Paraiso. Ito ang pangalan ng aming lugar kung saan kami nakatirang mag-anak. Kung ano ang ikinaganda at ikinabango ng pangalan ng aming barangay ay siya namang taliwas sa totoong nakikita ng mga mata; isang malawak, madumi, at magulong paraiso sa mundong ibabaw.
"Cia! Cia!"
Napalingon ako sa tumatawag sa akin kaya napatigil na rin kami pareho ni Elmer. Mula sa isang maliit na tindahan na mukhang pinagtagpi-tagpi lamang ng mga luma at kinakalawang na yero ay lumabas si Aling Mameng na naka-kulay rosas pa na daster.
"Ano pong sa'tin, Aling Mameng?" tanong ko sa kanya nang makalapit na ito sa amin. Pansin ko pa sa kanya ang konting paghahabol ng hininga. May katabaan din kasi itong si Aling Mameng parang hindi na kakayanin ng katawan ang ilang metrong lakaran dahil sa sobrang taba.
"Sabihin mo nga pala sa Nanay mo na naniningil na ako. Ilang araw ko na siyang sinisingil puro bukas na lang ang sinasabi. Naku Alicia, namumuro na ako sa Nanay mo. Kung wala siyang ipapambayad eh, sabihin niya! Hindi puro paasa siya sa'kin. Wala na akong pinupuhunan sa mga ititinda ko. Hindi lang kayo ang kumakain, kami rin." Sermon nito sa akin at saka naglakad muli pabalik doon sa kanyang maliit na tindahan.
"Alam mo Ate, naiinis ako do'n kay Aling Mameng." Singit pa ng kapatid ko habang patuloy kami sa paglalakad. Parang may pista na nagaganap dito sa aming lugar dahil sa ingay at tambak na mga tao sa aming dinaraanan. Amoy usok pa ng sigarilyo dahil sa mga nanay at tatay na nagmumukhang tambutso na ng motor ang mga bibig sa kaka-yosi. May mga paunti-unti pang mga balat ng kendi at saka chichirya na nadidikit na sa lupa. Ang mas malala pa ay 'yong mga nanlilimahid ng diaper na nilalapa minsan ng mga aso.
"Ba't ka naman naiinis do'n?"
"Lagi na lang tayong inaaway kapag napapadaan tayo sa tindahan," sagot ng kapatid ko habang nakatingin sa kanyang paanan. Pinagmamasdan ang tsinelas na mayamaya'y mapipigtas na.
"Andami ng problema ni Nanay," sabi ko sa kanya. "Gusto mo buhatin na lang kita?"
Umiling ito. "Hindi na Ate. Malapit naman na tayo sa bahay."
"Sasabihin ko ba ang tungkol sa Kuya Erik mo?" tanong ko. Saglit din akong napaisip. Bakit ko pa tinatanong itong musmos na kapatid ko?
"Sabihin mo na lang. Malalaman lang din naman 'yan nina Nanay sa susunod." Sagot nito.
Naawa ako sa kapatid ko dahil sa murang edad nito ay maaga itong namumulat sa realidad ng buhay. Kung ang ibang tao ay napapasabi ng: ang sarap maging bata ulit. Sa pagtanda ng kapatid ko ay hindi niya masasabi ang mga katagang iyon. Sabi ng Nanay mas mabuti nga raw na maaga kaming namulat sa buhay kumpara sa mga batang nakakapaglaro at walang iniisip na aming kinaiinggitan. Kasi ang mga batang 'yon daw na galing sa masarap na buhay, sa paglaki nila ay doon nila makikita ang totong problema.
Pagkarating namin ng bahay ay dinig na dinig namin mula sa labas ang sigaw ni Ate Janine. Naririnig din namin pareho ang malakas na pag-iyak ng bunso namin na si Elsa.
"Uy, Alicia. 'Yong kapatid mong buntis kanina pa 'yan sigaw nang sigaw. Galit na galit na siguro sa bunso niyo. Naku, buntis pa naman baka lalong ma-stress!" balita sa akin ni Monica na sinasabi nilang pokpok daw dito sa amin. Magkatabi lang ang bahay namin kaya maririnig niya ang ingay. Nasa may tarangkahan siya ng kanyang bahay nakapwesto nang magsumbong ito sa akin. Abala ito sa pag-aayos ng kanyang mapupulang kuko sa daliri.
"Sige, sige! Maraming salamat. Pasensya ka na rin sa istorbo." Dali-dali ko pang wika sa kanya.
"Aysus! Okey lang 'yan. Matagal na akong sanay sa ingay dito sa'tin. Pati nga ingay ng jugjugan ng mga mag-asawa nasanay na rin ako." Humahalakhak pang tugon nito.
Pagkatapos ng usapan ay pumasok na kami sa loob ng bahay ni Elmer. Pagkapasok pa lang namin ay sumalubong na kaagad ang malakas na sigaw ni Ate Janine pati na rin ang iyak ng bunso namin.
"Kanina pa ako naiinis sa'yo, ha?! Kanina ko pa 'tong nililigpit, itong mga laruan mo! Kalat ka pa rin nang kalat! Asar na asar na ako!" nanggigigil na sigaw ni Ate Janine kay Elsa at saka niya ito binato ng isang maliit na teddy bear na kulay asul.
"Ate Ja! Tama na 'yan..." lapit ko sa kanya. "Hayaan mo na ako na ang magliligpit diyan."
"Buysit kasing bata 'yan. Hindi marunong makinig. Kalat nang kalat!" inis na saad pa nito.
"Tama na. Buntis ka pa naman, Ate Ja. Huwag ka nang magalit baka makasama pa sa beybi mo." Pagpapakalma ko sa kanya.
Napahinga nang malalim si Ate Janine ngunit kita ko pa rin sa kanyang mukha ang pagkainis at pagkagalit. Pansin ko rin ang pagpipigil na saktan ang bunso naming kapatid. Tumama ang tingin ko sa kanyang limang buwan ng tiyan. May kalakihan na rin at 'di magtatagal ay lalabas na rin ang sanggol sa sinapupunan.
"Ikaw na nga bahala diyan kay Elsa! Kapag 'yan narinig ko pang umiyak, susungalngalin ko na ang bibig niyan. Punyetang buhay 'to! Makaalis na nga!" maktol nito at lumabas ng bahay na hindi pinapaalam kung saan magpupunta.
![](https://img.wattpad.com/cover/327233252-288-k167282.jpg)
BINABASA MO ANG
Pasan Ko Ang Daigdig
Ficción GeneralMula sa maralitang pamilya ating matutunghayan ang pag-usad ng labing-limang taong gulang na si Alicia "Cia" Feleo patungo sa karimarimarim na yugto ng kanyang buhay.