Kabanata 12

7 1 0
                                    

GANDELOUNE
The Prophecy of The Tyrant Emperror

Chapter 12: Clyde, The Prince of the Empire V
Ripario City, Medaba District
Winter 1610 | Morning, same day

"Pst, kawal, ano palang ginagawa mo rito?"

"..." hindi sumagot si Marcela at binigyan lamang ng tingin ang nagtanong na matanda. Magulo ang buhok nito at gusot rin ang kanyang damit ngunit hindi naman ito mukhang pulubi dahil malinis ang katawan at damit nito.

"Nagsasanay rin ang anak ko upang maging kawal siya. Sana'y makaabot rin siya sa palasyo." pagkwento ng nakakatandang lalaki habang kumain. Nakatabi ito sa kanya dahil puro magkakakilala ang nakaupo sa mga mesa at nakita nito si Marcela na nakaupo ng mag-isa.

"Nako, napakakulit ng batang iyon. Kahit anong sabi kong mahirap ang trabaho ninyong mga kawal ay nagpumilit pa rin siya."

"...Magtiwala lang kayo po sa anak ninyo." sambit nito pabalik at tumingin sa baba kung nasaan ang kanyang pagkain.

"May tiwala naman ako ngunit napakalamya ng batang iyon! Nako! Kung makita mo lang ang itsura non! Isang pitik na lang at liliparin na siya."

"Ah... haha.." pilit na tawa ni Marcela.

Dumaldal pa nang dumaldal ang matanda tungkol sa anak nito. Wala namang ibang ginawa si Marcela kundi ang kumain at makinig na lamang habang tumatango. Hindi kasi nito alam ang iba pang sasabihin.

"Aalis na po ako." paalam ni Marcela sa matandang lalaki.

"Paalam, sa susunod muli!" pagpapaalam ng matanda sa kanya.

Tumalikod na ito at naglakad pataas sa pangatlong palapag kung nasaan ang kwarto ng prinsipe. Wala naman siyang naramdaman na lumabas o pumasok sa kwarto kaya't panatag ang loob nito na ligtas ang dalawa. Dahan-dahang binuksan ni Marcela ang pinto at;

"Miss Ri—?"

"Shh.."

Tinikom ni Marcela ang kanyang bibig. Tiningnan niya ang prinsipeng nakahiga at nakalagay ang daliri sa kanyang labi. Gising na pala ito?

Tumayo ng ayos si Marcela at binuksan nang mas malaki ang pintuan. Doon niya nakita na nakahiga pala sa tabi nito si Rishelle at natutulog ng mahimbing. "Isara mo ang pinto." mahinang sabi ni Clyde. Pumikit ang kawal at tumungo sa prinsipe bago isara ng dahan-dahan ang pinto.

Nakatayo lamang siya sa tapat ng pinto at nagiisip. Tama ba ang iniisip niya? Napapansin ni Marcela na kakaiba rin kung itrato ni Clyde si Rishelle kumpara sa ibang babae na lumalapit sa kanya. Alam niyang mabait ito ngunit kung ganoon niya tratuhin ang babaeng nasa kwarto niya ngayon... hindi ba at parang may namamagitan sa kanila?

Kahit anak lamang ng isang Viscount si Marcela ay alam nitong malaking bagay pa rin sa mga aristokrat o mga anak ng aristokrat— lalo na kung mayroon itong mataas na posisyon— ang magkakaroon ng relasyon sa isang commoner. Panigurado ay magkakaroon ng mga tsismis sa aristokrat kung malaman nila ito.

Dapat rin ba niyang i-ulat ito sa emperador? Ngunit... hindi naman sinabi ng emperador na i-ulat sa kanya ang mga ganitong bagay. Ang utos lamang nito ay bantayan ang prinsipe at huwag itong iaaalis sa paningin niya.

Gandeloune: The Prophecy of The Tyrant Emperor Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon