Chapter 8

38 1 0
                                    

Chapter Eight

“ART SAAN BA TAYO PUPUNTA? Akala ko ba pipili tayo ng mga bulaklak para sa kasal ninyo ni Lyneth?” usal ni Yao nang malagpasan na nila ang hilera ng mga tindahan ng bulaklak sa Dangwa.

            “Chill Yao..” natatawa nitong tugon sa katabi, “Lakwatsa muna tayo. Apat na araw naman tayo dito sa Baguio. Why don’t we enjoy the sceneries first? Hindi naman aalis ang Dangwa Market and we can choose the flowers on the fourth day bago tayo umalis dito.”

            “Trabaho po kasi muna bago saya.” pangaral niya.

            Huminto ang kotse at tinitigan siya ni Art, “Opo teacher!” at ngumisi ito sa kanya, “Pero mamaya na ang trabaho.” umibis ito mula sa sasakyan at pinagbuksan siya ng pinto.

            “Ewan ko sa’yo Art. Para kang bata na ngayon lang makakapag-bakasyon.” at bumuntong-hininga siya. Kaswal na lang sa kanila ang ganoong usapan. Pakiramdam niya nga ay magkaibigan na talaga sila nito. Palagi kasi silang nagaasaran, at hindi naman nagkakapikunan. Masarap itong kausap dahil makulit. Ang kaso nga lang ay sa sobrang pangungulit nito sa kanya, lalo namang nahuhulog ang loob niya dito na kung iisipin ay mali. Ikakasal na si Art kay Lyneth at masasaktan lang siya.

            Inabot nito ang kanyang kamay at inilalayan siya. Dinala siya nito sa Mines View Park. Ito ang unang pagkakataon na nakapunta siya sa Baguio kaya para siyang dakilang dayuhan kung makapaglibot. Nagawa niya ring sumakay sa kabayo at magpakuha ng litrato. Maging si Art ay nag-pose rin sa tabi niya. Matapos iyon ay nilibot nila ang mga tindahan doon. Marami siyang nabili tulad ng sumbrero, wood carvings, jacket, at kumot na labis na pinagtawanan ni Art dahil puro kuting ang mga prints niyon na binili niya.

            Nagawa rin nilang pumunta sa Mansion at Wright Park. Hataw naman siya sa pagpo-pose sa kahit anong makita niyang magandang lugar. Buti na lamang at hindi nagsasawa si Art na kuhanan siya ng litrato. Pansin din naman niya na nage-enjoy ito kaya hindi na siya nahiya pa. Matapos nila doon ay nagmaneho sila papunta sa Burnham Park.

            “Wow! Ngayon nasa harap ko na talaga siya! Sa pictures ko lang kasi ito nakikita. Bihira rin naman kasi kaming mag-tour ng pamilya ko, kaya pasensiya na ah kung medyo nababaliw ako sa Baguio.” wika niya kay Art na katabi niya sa paglalakad. Hawak nito ang kanyang kamay at hindi niya mapigilang kiligin. Todo na! Kung andito si Marieth, for sure, makiki-eksena rin ‘yon ng pagpi-PDA kasama ng boyfriend niya.

            Huminto na sila at nginitian siya nito, “We’re here.” at tiningnan niya ang mga patong bangka.

            “Sasakay tayo sa pato?” nawiwili niyang tanong dito.

            “Oo naman.” at inalalayan siya nitong makapasok sa bangkang pato. Matapos niyang makapasok ay sumunod ito. Magkaharap silang nakaupo sa loob niyon at si Art naman ay nagsimula nang magsagwan.Sandaling naalis sa isip niya na ikakasal na ito. Napaka-sweet para sa kanya na makasama ito sa bangka. Para silang magkasintahan.

            “Yao?” anito.

            “Hmmh?” at tiningnan niya ito.

            “I hope you’re enjoying your vacation. Sa totoo lang, first time ko rin uli na mag-out of town. Abala kasi ako sa trabaho kaya hindi ko na nagagawang magbakasyon. Pasensiya ka na kung pinapagod kita ah.”

            Tinapik niya ang balikat nito, “Ano ka ba? Enjoy na enjoy nga ako eh. Tsaka pansin ko naman na ganoon ka rin.Kaya huwag kang mag-alala dahil hindi pa talaga ako pagod.” at ngumisi siya dito.

Circle of Friends (The Fresh Graduate Series): 1- The Unexpected FallTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon