"Bakit ba ayaw mong pahawakan sa akin ang saranggola? Ikaw naman kaya ang humawak sa tali?" may papadyak-padyak pa ng paa si Renalyn habang hawak ni Snick ang saranggola.
"Hindi ka nga kasi mataas tumalon di ba?" nakangiting wika nito sa kanya. "Basta kapag sinabi kong game na hilahin mo na ang tali at tumakbo ka na."
"Binu-bully mo na ako. Bakit sa akin lahat ang mahirap pero ikaw ihahagis mo lang ang saranggola?" muling tanong nito sa binata.
"Ako naman ang hahawak niyan hanggang sa tawagin ka na pauwi. Lagi mo nga akong iniiwan sa pagpapalipad ng saranggola." Biro ni Snick pero totoo iyon.
Ipinagkibit balikat na lamang ni Renalyn ang sinabi ng kaibigan. Noong bata naman sila ay hindi ganoon ang sitwasyon. Nagpapalitan sila kung sino ang maghahagis ng saranggola at sino ang hahawak sa tali pero magmula nang tumuntong sila ng highschool ay palagi na lamang si Snick ang humahawak sa saranggola.
Pinagmasdan niyang mabuti ang kaibigan. Kailan nga ba nito nalampasan ang kanyang tangkad? Totoo naman mas matangkad ito sa kanya pero kailangan pa ba nitong ipagdiinan na maliit siya at hindi masyadong aangat ang saranggola kung siya mismo ang maghahagis ng saranggola? Naging ganoon na nga yata ka-prangka sa kanya ang kaibigan matapos nitong magsimulang sumikat sa eskwela lalo na sa mga kababaihan. Sa school nga ay nahihiya si Renalyn na lumapit sa kaibigan dahil para bang malayo ang personalidad nito sa kanya. Tanging si Snick nga lang ang kusang lumalapit sa kanya kapag nasa school sila. Pati na nga ang palayaw niya ditong Snick ay naging issue pa sa paaralang pinapasukan nila. Para bang nais ipahiwatig ng mga estudyante na wala siyang karapatan na maging malapit sa binata.
"Oh game na ha! Pagbilang ko hanggang three hatakin mo na."
"Oo na, kung makautos ka naman." Inis na wika ni Renalyn.
"One...two...three" hinagis ni Snick ang saranggola samantalang si Renalyn naman ay hinatak ang pisi ng saranggola habang umaatras. Nang makita ni Snick na medyo tumataas na ang saranggola ay inagaw niya kay Renalyn ang pisi at siya na ang nagpatuloy na magpalipad. Papaalagwahin ng husto iyon ni Snick at kapag nakita niyang tahimik na iyon na lumilipad sa mataas na kalangitan ay itatali niya iyon sa daliri sa paa niya at uupo silang dalawa ni Renalyn sa may damuhan. Pagkakataon na iyon para mag-uusap sila. Ganoon na ang nakasanayan nilang dalawa, parang paraan nila para makahabol sa nangyayari sa buhay ng bawat isa.
"Kumusta ka na?" tanong sa kanya ni Snick
"Okay naman, may mga times na niloloko pa rin ako ng ibang estudyante pero hindi ko na lang sila pinapansin?"
"Sino na namang nanloloko sa iyo? Sabi sa'yo sabihin mo sa akin kapag niloloko ka." Medyo tumaas ang boses ni Snick halata mong nainis ito sa sinabi ni Renalyn.
"Para ano pa? Para lalo nila akong lokohin. Okay naman ako hindi mo na kailangang mag-alala sa akin Snick."
"Isa pa 'yan, sa labas na lang ng school mo ako tinatawag na Snick pagdating sa school kung hindi Hoy, Psst ang tawag mo sa akin."
"Maganda na iyon. Naalala mo nang tinatawag kitang Snick sa harap ng maraming tao, napagkatuwaan lamang ako."
Nalungkot si Snick sa narinig sa dalaga. Parang ang lahat ng ka-miserablehan na nangyayari sa dalaga ay siya ang dahilan. Handa naman niyang ipagtanggol ito. 'Yun nga lang ayaw niyang pangunahan ang dalaga at baka magalit ito sa kanya. Natahimik ito sandali habang pinagmamasdan ang matayog na lipad ng saranggola. Hinihintay niya ang pagbagsak nito ngunit mukhang hindi ito mangyayari ngayon. Lingid sa kaalaman ni Renalyn ay gustong gustong kusang bumagsak ni Snick ang saranggola.
"Alam mo hindi mo na naman kailangan pang mag-alala sa akin. Lilipat na kami sa ibang lugar. Doon ko na rin siguro ipagpapatuloy ang pag-aaral ko." Matipid ang ngiting binitawan ni Renalyn.
BINABASA MO ANG
Amor Vincit Omnia (Part of Psicom's Stupid Love New Season)
RomanceCollection of one-shot love stories starring my loyal readers. This is my way of saying thank you to them.