"Isabelle, mag-iisang taon na tayo pero hanggang ngayon eh hindi mo pa ako pinapakilala sa parents mo." May pagtatampong sabi ni Jonathan.
Matapos ang matagal na panliligaw ni Jonathan kay Isabelle ay sinagot din siya nito noong nakaraang taon. Ilang beses niyang inisip na baka wala siyang pag-asa dito pero nagpursige siyang suyuin ang dalagita hanggang sa naging kasintahan niya na nga ito. Ngunit hindi mawala sa isipan ng binata kung bakit ayaw siya nitong ipakilala sa kanyang mga magulang.
Si Jonathan ay isang estudyante ng Fine Arts sa isang Unibersidad. Mahaba ang buhok niya na nakapusod at medyo kulot. May mga maninipis na balahibo siya sa kanyang jawline at may nunal malapit sa kanyang prominenteng ilong. Makinis ang kutis niya na maputla na tulad ng mga nasa East-Asian na bansa.
"Pagtatalunan na naman ba natin iyan?" ani Isabelle. Tumayo ito sa kinauupuan nilang bench at tumalikod kay Jonathan.
Palagi na lamang nilang pinagtatalunan ni Jonathan ang bagay na iyon. Nagsimulang magtanong si Jonathan tungkol sa kanyang mga magulang isang buwan matapos maging sila. Siya naman ay hindi makasagot at puro iwas lang. Sinabi niya na lamang na mahigpit ang kanyang mga magulang at nais muna na magtapos siya bago magkaroon ng kasintahan.
"Hindi naman sa ganoon, pero siguro naman kaya mo na akong ipakilala sa kanila. Hindi naman ako naging masamang impluwensiya sa pag-aaral mo. At kaya ko namang ipangako sa kanila na magtatapos tayong dalawa." Pagpupumilit nito.
Napakunot ng noo si Isabelle. Kinuha nito ang kanyang bag na nasa bench at saka naglakad papalayo sa lugar ni Jonathan. Hindi na niya ito sinagot. Alam niyang maraming tanong ang isipan nito ngunit wala siyang maisasagot.
"Isabelle! Tatalikuran mo na naman ba ako?" pahabol pa niya ngunit hindi na lumingon si Isabelle.
Habang naglalakad si Isabelle ay malayo ang iniisip niya. Hindi niya alam na magiging ganito ka-kumplikado ang sitwasyon niya. Noong una naman ay ayaw niya talaga kay Jonathan. Bukod sa may pagka-brusko ang dating nito ay malayo sa isipan niya ang magkaroon ng kasintahan noong mga panahon na iyon. Hanggang sa unti-unti na lamang siyang nahulog dito. Taliwas sa pag-aakala niya, mahinahon ang binata at magaan na kasama. Naging masaya ang bawat oras na kasama niya si Jonathan. Perpekto na nga sana kung hindi lamang sa isang bagay na palagi nilang pinagtatalunan, ang ipakilala ang binata sa magulang ni Isabelle.
Pinara ni Isabelle ang unang taksi na nakita niya. Uuwi na lamang siya kahit na gusto pa niya sanang manatili sa loob ng University at makausap nang mas matagal si Jonathan. Iniiwasan niya lamang na magtalo na naman sila.
"Bakit ba kasi kailangan pa niyang makilala ang parents ko?" Hindi sinadyang napalakas ni Isabelle ang boses niya at aksidenteng narinig iyon ng drayber.
"Po?" pagtatakang tanong nito.
"Ah, wala po. Sa may Carriedo po tayo."
Napasapo siya sa kanyang ulo. Wala siyang kaliligtasan sa pag-iwas sa binata tungkol sa isyu na iyon. Darating ang panahon na kailangan na nitong malaman ang lahat at mas maganda na sa kanya na mismo manggaling ang bagay na iyon kesa naman sa iba pa.
Makalipas ang ilang sandali ay narating na nila ang kanilang bahay. Inabot niya ang kanyang bayad sa taksi at bumaba na siya. Hindi na niya hinintay ang sukli dahil karaniwan naman sa mga taksi driver ay hindi na nagbibigay ng sukli. Pagtapat niya sa kanilang gate ay isinuot niya sa may siwang ang kanyang mga kamay upang maabot ang kandado. Hinatak niya iyon at bumukas ang gate. Sinalubong siya ng kanyang aso na regalo pa sa kanya ni Jonathan. Kumakaway ang buntot nito at halatang sabik na sabik siyang muling makita.
"Ikaw ha. Na-miss mo ako ano?" umupo si Isabelle upang makipaglaro nang sandali sa kanyang aso. "Buti pa ang aso. Hindi ka na tatanungin ng kung anu-ano para tanggapin ka niya sa buhay niya."
BINABASA MO ANG
Amor Vincit Omnia (Part of Psicom's Stupid Love New Season)
RomanceCollection of one-shot love stories starring my loyal readers. This is my way of saying thank you to them.