Anim na taong gulang pa lamang siya ay saksi na siya sa lahat ng paghihirap ng damdamin ng kaniyang ina. Paulit-ulit na nag-cheat ang daddy niya kahit na napakabait ng kaniyang mommy. Tinanggap nito at paulit-ulit na pinatawad ang daddy niya pero hindi pa rin ito nagbago. Hanggang sa sumapit ang ikalabintatlong kaarawan niya at ginanap ang isang birthday party sa bahay nila. Naroon ang lahat ng kaniyang mga kaibigan at ilang kamag-anak na inimbita ng mommy niya.
Masayang nagsasalo-salo ang lahat nang biglang dumating ang isang babae at hinahanap ang daddy niya. Nagsisisigaw ito sa labas ng kanilang gate at kahit ang mga security guard ay hindi ito naawat.
Agad na lumabas ang daddy niya na halos kadarating lang din noon at hinarap ang babaeng nageeskandalo.
Sa harap ng lahat ay pinapili nito ang daddy ni Elton kung sila na pamilya nito o ang babaeng 'yon ang sasamahan niya.
Napayuko lamang ang daddy ni Elton kaya lalong nagwala ang babae nito. Ang mommy naman niya na nasa garden ng mga sandaling iyon ay tuluyan nang hinimatay. Agad nila itong dinala sa ospital at doon nila nalaman na inatake ito sa puso. Ipinasok ito sa ICU dahil sa malalang kondisyon nito. Tumagal doon ng limang araw ang mommy ni Elton ngunit pagsapit ng ikaanim na araw ay tuluyan na itong namaalam.
Tanging si Elton lamang at ang tita niya ang naroon ng mga oras na iyon. Tinatawagan niya ang daddy niya ngunit naiburol na nila at lahat ang mommy niya ay hindi pa rin ito nakakausap.
Lumipas pa ang isang buong araw bago nito nalaman na patay na ang asawa. Nang umuwi ito ng bahay ay pinagtitinginan ito ng mga kamag-anak at kapitbahay nila na puno ng galit ang mga mata. Si Elton naman ay walang kibo at halos hindi lingunin ang ama niya.
"Paano mo nagagawang humarap sa kabaong ng asawa mo sa kabila ng lahat ng kasalanang ginawa mo? Ang kapal ng mukha mo, Rodrigo. Isinusumpa ko, sa harap ng bangkay ng kapatid ko, na habambuhay kang hindi patatahimikin ng konsensya mo!" galit na galit na wika ng Auntie Helen ni Elton na kapatid ng kaniyang ina.
Tahimik lamang na nakayuko ang daddy ni Elton. Alam nito sa sarili na napakalaki ng pagkukulang at kasalanan niya sa kaniyang pamilya ngunit, huli na ang lahat para magsisi.
Makalipas ang tatlong araw ay inilibing na ang mommy ni Elton. Pagbalik sa bahay ay napakatahimik ng buong paligid. Ang mga kasambahay nila ay tahimik na lumuluha pa rin dahil sa pagkawala ng kanilang mabait na among babae. Awang-awa sila kay Elton dahil napakabata pa nito para maulila sa ina.
"Iho, gusto mo bang ipaghain kita? Kahapon ka pa di kumakain," wika ni Yaya Sally na siyang nag-alaga kay Elton.
"Ayos lang po ako, yaya. Di po ako nagugutom. Magpapahinga lang po ako sa kuwarto ko," wika ni Elton saka ito pumasok ng kuwarto. Ini-lock niya ang pintuan at saka doon tahimik na ipinagluksa ang pagkawala ng ina.
Tatlong araw—ganoon katagal niyang pinigilan ang damdamin at ang mga luha na nagbabadyang pumatak sa kaniyang mga mata.
"Bakit ikaw pa, mommy? Sana si daddy na lang ang nawala," paulit-ulit na bulong niya habang umiiyak nang tahimik.
Nagpatuloy ang buhay nilang mag-ama na halos di nagkikita sa araw-araw kahit sa iisang bahay lang sila nakatira.
Ang daddy ni Elton ay madalas nasa labas ng bansa dahil sa mga business meetings at iba pang bagay na pinagkakaabalahan nito samantalang si Elton naman ay itinuon sa pag-aaral ang atensyon. Halos ang mga tita at mga kasambahay lamang niya ang nakakasama niya sa mahahalagang okasyon sa buhay niya. Sa kabila ng kakulangan sa atensyon ay nakukuha naman ni Elton ang lahat ng pangangailangan bukod sa inaasam na pagmamahal ng ama.
***
"Watch your words, young man!" sigaw ng daddy ni Elton.
"Bakit, dad? Totoo naman, di ba? Pinabayaan mo kami ni mommy noon para lang makasama 'yang kabit mo?!" balik na sigaw ng noon ay labing-anim na taong gulang na si Elton. Nagkaroon sila ng komprontasyon ng ama nang sabihin nito na pakakasalan na nito ang kinakasamang babae. Iyon rin ang babaeng naging dahilan ng kamatayan ng mommy ni Elton noon.
Isang malakas na suntok ang tumama sa mukha ng binata. Nabuwal ito sa sahig habang tumutulo ang dugo sa pumutok na labi.
"Buong buhay mo, wala akong ibang ginawa kundi ang ibigay lahat ng pangangailangan mo. I fed and clothed you. Anak lang kita kaya wala kang karapatan na pagsalitaan ako nang ganiyan!"
Unti-unting bumangon si Elton. Tumayo itong muli sa harapan ng ama. Matatalim ang tingin na ibinaling kay Don Enrico bago muli nagsalita.
"Hindi ko kailangan lahat ng materyal na bagay na ibinibigay mo, Dad. Hindi ko hiningi ang kahit na anong materyal na bagay na galing sa iyo. Ikaw ang kusang Ikaw ang kailangan ko. Ang presensya mo. Pero mas pinili mong kasama 'yang kabit mo at ang anak niya. Mas naging tatay ka pa nga roon kaysa sa akin. Kailan ba kita huling nakasama ng Pasko? Bagong Taon? Kahit nga birthday ko nakalimutan mo na! Masyado kang abala sa bagong pamilya mo kaya itinatapon mo na lang ako!"
"Ikaw ang lumalayo sa akin—sa amin, Elton!"
"Alam mo ba kung bakit, Dad? Dahil pagod na ako. Pagod na akong manlimos ng pagmamahal mo."
Pagkasabi niyon ay dumiretso na si Elton sa hagdan paakyat sa sariling kuwarto.
Nagmamadali itong inempake ang mga damit at gamit na magkakasya sa maletang inilabas niya.
Samantala, nanatili naman sa sala si Don Enrico. Nakaupo na ito at madilim ang ekspresyon na nakalatag sa kaniyang mukha.
Maya-maya ay bumaba na si Elton bitbit ang maleta. Dinaanan lamang nito ang ama sa sala at walang lingon-likod na lumabas ng bahay.
Sinalubong siya ng personal driver niya at agad na kinuha ang mga gamit na dala niya.
"Bakit may dala kang maleta, san ka pupunta?" tanong nito.
"Sa condo, Kuya Nico," matipid na sagot ni Elton.
Dahil sa nag-iisang anak lang siya ay madali niyang nakapalagayang-loob ang kaniyang personal driver. Nakatatandang kapatid na ang turing niya rito at naging hingahan ng sama ng loob sa ama.
"Nag-away na naman kayo ng Daddy mo?" tanong nito nang makasakay na sila sa sasakyan. In-start na nito ang kotse at maingat na pinaandar ang sasakyan. 'Kita mo 'yang labi mo, ni hindi mo napunasan ng mabuti, namumuo pa 'yang dugo."
"Hindi ko na kayang makisama pa sa kanila. Pagod na akong intindihin si Dad. Pag pinakasalan niya 'yong babae na 'yon, magkakalimutan na talaga kami—kalimutan na niya ako at ganoon din ako sa kaniya."
"Bakit hindi mo bigyan ng chance na makaroon ka ulit ng buong pamilya, El?"
"Kuya, matagal na akong walang pamilya—sinira ni Dad ang pamilya ko noon pa."
Sa murang edad ni Elton ay napuno na ng galit ang puso niya hindi lang para sa ama kundi sa babaeng sumira ng buhay nilang mag-anak. Ipinangako niya sa sarili na habambuhay niyang kasusuklaman ang mga ito.
BINABASA MO ANG
Ang Pinakamagandang Bukang-liwayway
RomansaPublished under Le Sorelle Publishing (Marked for Love, Marked for Destiny Vol.1 Sept. 2018 Anthology)