#ROR03
Shot
Umuwi muna ako ng Pangasinan dahil birthday ni Papa bukas. Papasok pa lang sa bahay ay alam na alam ko na ang mga sasabihin ni Mama sa akin.
"Kung hindi pa magbi-birthday 'yung Papa mo, hindi ka uuwi." Bungad niya pagkatapos ko magmano.
"Laging busy sa trabaho, Mama. Sa halip na magbyahe pa, itutulog ko na lang," dahilan ko.
Lumapit ako kay Papa at nagmano rin. Ang kapatid ko ay tinapunan ko lang ng tingin bago umupo sa tabi niya sa sofa.
"Kumusta trabaho?" tanong ni Mama. Si Mama ay bumalik na sa kusina para maghanda ng hapunan.
"Magagalit ka ba, Pa, kung magre-resign na ako?"
"Oh, bakit naman? Hindi ba't PIC ka na roon?"
"Opo, pero sobrang toxic."
"Maghanap ka muna ng ibang kompanya bago tuluyang mag-resign."
"Balak ko sanang mag-freelance muna. That way, hawak ko ang oras ko at less toxic pa."
"PIC ka na nga, gusto mo pang mag-freelance. Bakit, hindi mo ba kaya 'yung trabaho?" sabi ni Queences sa gilid ko. Mas matanda siya sa akin ng isang taon kaya galit si Mama sa akin dahil hindi ko siya tinatawag na Ate. Matanda nga, kung umasta naman parang bata.
"Kaya ko, okay? Toxic lang talaga. Isa pa, kikitain ko rin naman 'yung sahod ko na 'yun sa freelancing."
She snickered. "Hindi mo pa nga yata tapos bayaran 'yung kotse mo," bulong niya. "Nakatira ka na nga lang sa staff house niyo para makatipid ka."
"Tapos ko nang bayaran 'yun. Isa pa, problema ko naman 'to."
"Tama na 'yan," suway ni Papa. "Desisyon mo naman 'yan, Quinn. Nandito lang naman kami para sumuporta sa 'yo."
"Thank you, Papa."
Hindi alam ng pamilya ko na sa nirerentahang condo ako ngayon nakatira. Paano ba naman kasi, halos lahat ng mga pinsan ko ay hinihintay akong magkaroon ng sariling apartment sa Manila para makitira sa akin.
Nang malaman ni Mama ang tungkol sa pagre-resign ko, hindi niya ako tinantanan ng sermon hanggang kinabukasan. Kahit kagagaling lang namin sa simbahan ay paulit-ulit ang kanyang sinasabi.
"Engineer ka na gusto mo pa ng mas mababang trabaho? Ano mapapala mo sa pagde-design na 'yan?"
"Mama, graphic designer. Mas mataas pa nga sweldo ng isang graphic designer kaysa sa mga engineer dito sa Pilipinas. Sosyal lang pakinggan 'yung engineer pero mababa ang sahod."
"Kahit na! Limang taon kang nag-aral tapos diyan ka lang din babagsak?"
Umirap ako sa kawalan. "Alam mo namang ito talaga 'yung gusto ko simula pa lang. Kung hindi lang dahil sa inyo ni Papa, hindi ako magte-take ng engineering sa college."
"Kami ang nagpa-aral sa 'yo kaya dapat lang na sumunod ka sa amin. Ikaw sana nagbayad ng tuition mo para ikaw nasunod sa kursong gusto mo."
Napabuntung-hininga na lang ako. Kaya nang isa-isang dumating ang mga kamag-anak namin, mas lalong umingay na ang buong kabahayan.
"Quinn, ano ba 'yang suot mo! Hindi mo ba alam na taong-simbahan ang Mama tapos parang lalabas na 'yung kaluluwa mo," puna ng aking tiyahin pagkatapos tingnan ako mula ulo hanggang paa. Tiningnan ko ang suot ko. Tank top at denim shorts.
"Ano pong problema sa suot ko?"
"Mag-shirt ka nga at kumuha ng pajama. Ang daming bisita, parang nilalantad mo pa 'yung katawan mo."
BINABASA MO ANG
Reek of Rebellion
RomanceQuinn was raised by a religious family. Her family is a regular church-goer who misuses religion because, in reality, they are a bunch of hypocrites who believe that the true definition of godliness is demonstrated by their hypocritical deeds.