Year 1889
"LOLO!" Magiliw na naglakad pabalik sa kanilang maliit na kubo ang labing-siyam na taong gulang na si Sinag, kaniyang sinasayaw habang naglalakad ang kaniyang suot na bestida. Naabutan niya sa silong ng kubo ang kaniyang lolo Consor na nagpapanday ng panibagong aparador. Magiliw niya itong nilapitan at ipinakita sa rito ang dala-dala niyang bayong.
"Napakahusay mo apo, nagbunga nga ang ilang buwan mong paghihintay na tumubo ang mga halamang gamot na iyong itinanim." Ngumiti ito sa kaniya at binigyan siya ng tapik sa ulo.
"Magagamot ko na ho ulit ang iyong iniindang sakit sa inyong likuran," Umupo si Sinag sa tabi ng lolo nito at kinuha ang dahon ng bayabas, kasama ito sa mga halamang gamot na kaniyang pinitas kani-kanina lang.
Kaniya itong hinugasan at pinakuluan sa isang palayok na kanina pa bumubuga ng usok.
"Kamusta ang iyong pakiramdam, Lolo? Umayos na ba ang inyong likuran? Ang iyong rayuma ho ba ay hindi na gaanong masakit?" Sunod-sunod niyang katanungan. Dahan-dahang umayos ng upo ang kaniyang lolo at humawak sa bandang likuran nito, napaisip ito at tumingala.
"Pakiramdam ko nga ay wala akong sakit," Tugon nito dahilan para matuwa si Sinag.
"Mabuti naman po iyon, lalo na't kailangan niyo ho talagang magpagaling." Tumayo siya at pinagpagan ang kaniyang kamay.
"Akin lamang pong iaakyat sa silid pagamutan ang mga ito, bababa ako pagkatapos." Ngumiti sa kaniya si Lolo Consor at masaya siyang umakyat sa kubo.
Inilapag niya sa isang silid ang dalang bayong at inilagay sa lalagyan ang mga halamang gamot. Kaniya ring binuksan ang bintana roon at sandaling tumanaw sa pangpang. Sumilay ang kaunting ngiti sa kaniyang mukha at dinama ang hangin na dumaraan. Hindi siya kailanman nakaramdam ng lungkot kahit na hindi siya namumuhay tulad ng ibang mga kabataan. Mulat siya sa katotohanan, mulat siya sa ideyang siya ay lumaki na malayo sa kabihasnan. Huminga siya ng malalim at tumalikod upang kunin ang isa sa mga librong kaniyang inimbak mula nang siya'y magkaroon ng isipan.
"Optalmolohiya..." Pinaglandas niya ang mga daliring kasing ganda ng mga kandila, dinama niya ang bawat letrang nakaukit sa libro. Naramdaman niya ang pag-usbong ng pambihirang pagkasabik sa kaniyang susunod na matututunan tungkol sa medisina.
Nasulyapan niya ang isang libro na matagal na ang lumipas simula noong huli niya itong binigyang-pansin. "Ang Babae at Lalaki" Napatingala siya at tumingin sa labas ng bintana. Matatayog na puno lamang ang nasisilayan niya sa angulo na iyon. Kaniyang ibinalik ang pansin sa libro at pinagpagan iyon sapagkat dumarami na ang alikabok na nakapirmi rito. Pumikit siya at napaupo, inilayo niya ito sa kaniyang mukha sapagkat pinakainiingatan niya ang kaniyang mga mata.
Nang maglaho ang mga alikabok ay dahan-dahan niyang binuksan ang libro. Nararamdaman niya ang pagtunog nito, tila ay tumigas na ito sapagkat ilang taon na rin itong nakaipit at napapailaliman ng mas makakapal na librong pang medisina. Hinawi niya ang ilang buhok na nakawala mula sa likuran ng kaniyang tainga at sinimulang magtitingin-tingin sa bawat pahina.
Napahugot siya ng hininga ng mabasa ang nakasulat sa libro. Nakasulat doon ang mga ginagampanan ng mga lalaki kumpara sa ginagampanan ng babae. Mulat siya sa katotohanang sa mundong kaniyang ginagalawan, ay may mas malawak na kapaligiran kung saan ang kaniyang natututunan at nagagawa ay hindi talaga pinagbibigyan ng pahinutulot sa tulad niyang babae. Alam niyang hindi siya maaaring mag-aral sa mga unibersidad, at maging isang ganap na doktor na ninanais niya. Ngunit, hindi iyon naging hadlang, lalo pa't siya'y lumaki sa gitna ng kagubatan at kabundukan, kung saan ang kabihasnan ay hindi pa nakakarating.
BINABASA MO ANG
Banaag
Historical FictionSinag was a girl with dreams and hopes. She's raised away from the society that will only hinder her dreams, but what will happen when one day she will need to enter that society where there's no place for a girl like her? She doesn't know anything...