39

379 8 0
                                    


“Luhod.”

Marahas na lumingon sa akin si Preston at kunot noo akong tiningnan. “What?” Parang hindi makapaniwalang tanong niya sa akin.

Humakbang ako palapit sa kaniya bago tumingin kina Chantal at Jarvis na ngayon ay nakaluhod na at kapwa nagdarasal. Pinaluhod din kanina ni Jarvis si Chantal dahil mukhang hindi rin nito alam ang gagawin. Hindi ko rin naman alam na pati pala ang tatay, hindi nagsisimba.

“Sabi mo sa akin noon, luluhod ka sa harap ko, ‘di ba?”

Mabilis na tumango si Preston. “Yes, of course. Tinatanong pa ba ‘yan, babe? Ilang beses ko nang nagawa—“

“E ‘di lumuhod ka rin sa harap ni Lord,” pagputol ko sa sasabihin niya bago siya malapad na nginitian.

“What?!” Bahagyang tumaas ang boses niya kaya’t napatigil sa pagdarasal sina Chantal at Jarvis at lumingon sa amin. Ngumiti naman ako at umiling bilang tanda na ayos lang at nag-uusap lang kaming dalawa.

Nang magpatuloy na sa pagdarasal ang dalawa ay saka ko binalikan ng tingin si Preston at masama siyang tiningnan. “Kung sa akin nga nakakaluhod ka, kay Lord pa kaya? Pakiayos ng desisyon mo sa buhay, Preston. Lumuhod ka na riyan at magdasal,” utos ko at lumuhod na.

Narinig ko pa ang malakas niyang pagbuntong hininga bago lumuhod sa tabi ko. Hindi ko na naintindihan pa ang ibinulong niya dahil ipinikit ko na ang aking mga mata para magdasal sa Maykapal.

Hindi naman ako maka-Diyos. Alam iyon ng kaibigan ko at ni Tiyang—alam ko rin naman. May mga pagkakataon ding kinuwestiyon ko ang Diyos dahil sa mga problemang kinaharap ko.

Hindi ko siya mapigilang tanungin kung bakit sa dami ng pamilyang maaari akong ipinanganak, bakit sa mahirap na pamilya pa? Bakit maagang nawala sina Nanay at Tatay at iniwan sa akin lahat ng resposibilidad nila bilang magulang? Bakit hindi Niya ako ginabayan sa pagpili ng tamang lalaki para sa akin kaya napunta ako sa dati kong karelasyon? Bakit hindi Niya pinrotektahan ang anak ko noon? Bakit Niya hinayaang mamatay?

Sa ilang taon, ganoon palagi ang tanong ko. Wala akong ginawa kung hindi ang manisi sa iba kahit na ang totoo, wala naman akong kailangang sisihin.

Nang dumating sa akin si Jarvis, saka ko naisip na wala palang kasalanan ang Maykapal sa mga desisyon kong ginawa noon— at wala rin siyang kasalanan sa mga kamalasang nangyari sa akin. Nangyari iyon dahil iyon ang nakatadhanang mangyari sa akin. At hindi naman iyon mangyayari nang walang dahilan.

Simula nang dumating si Jarvis, mas umigting ang paniniwala ko sa Diyos. May mga doubts man ako noon sa pagiging nanay, kung hindi ako nanalig sa Maykapal, baka ngayon, wala na rin si Jarvis. Ginabayan Niya ako para maging mabuting tao at maging mabuting nanay.

Ipinikit ko ang aking mga mata at nagpasalamat sa mga biyayang ibinigay Niya sa akin at kay Jarvis nitong mga nakakaraang buwan. Sa dami ng dapat kong ikapagpasalamat sa Kaniya, naramdaman kong nakaupo na ang tatlo pero hindi pa rin ako tapos sa pagdarasal. Wala tuloy akong nahiling kung hindi sana maging maayos na ang lahat sa pagitan naming apat.

“Yaya Lyana, ang dami niyo naman pong dinasal,” komento ni Chantal nang makaupo ako sa tabi niya.

Tipid ko siyang nginitian. “Marami kasi akong ipinagpasalamat,” tanging sagot ko sa kaniya.

Ngumiti lamang sa akin si Chantal at tumango kaya’t ibinaling ko na ang tingin ko kay Jarvis. “Nagdasal ka, Jarvis ‘nak? Anong dinasal mo?”

“Marami, Mama. Kaso secret po,” sambit niya at mahinang tumawa. Napailing na lamang ako at nag-thumbs up sa kaniya. Mabuti na lamang at hanggang ngayon, hindi niya pa pala ipinagsasabi ang mga ipinagdarasal niya. Pamahiin kasi ‘yon sa amin na kapag daw sinabi mo kung anong ipinagdasal mo, hindi magkakatotoo. Sabi lang naman nila, hindi ko naman alam kung totoo ‘yon.

The Billionaire's Baby MakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon