Chapter Two

6 0 0
                                        


CHAPTER TWO-THE JOB

"Maupo kayong dalawa," seryosong utos sa kanila ni Sister Ester.

Tikom ang mga bibig na naupo sila ni Sister Amanda. Pakiramdam niya ay napapalibutan sila ng kulay itim at nakakatakot na aura.

"May sasabihin po kayo, Sister Ester?" tanong niya rito.

"Natuwa ako ng pumayag si Don Tiburcio sa gusto mong mangyari, Sister Asper ngunit malaking problema para sa atin kung saan tayo kukuha ng limang libo bawat katapusan. Napapayag mo nga siya ngunit mukhang maibebenta rin niya ang lupang ito dahil wala tayong pambayad. Kaming dalawa ni Sister Amanda ay maaaring lumipat sa kabilang kumbento. Ikaw naman Sister Asper ay alam mo kung saan ka pupunta. Pero ang inaalala ko ay ang mga bata." Bumuntunghininga ito. "Masyadong nang maraming ulilang kinupkop sa kumbentong lilipatan namin at sigurado akong hindi sila maalagaan ng maayos doon."

"Sister Asper..." humihikbing yakap sa kanya ni Sister Amanda. Kahit kailan talaga ay napakababaw ng luha nito. Umiiyak kahit pokemon lang ang pinapanood.

"Kumalma ka nga, Sister Amanda." Tinapik niya ang balikat nito. "Ako ang bahala."

"Nakikiusap ako sayo, Asper." Sa kauna-unahang pagkakataon ay tinawag siya ni Sister Ester sa pangalan niya nang walang kalakip na "Sister" "Huwag ka nang gumawa ng bagay na mas lalong mapapa-komplikado sa lahat."

"Maghahanap ako ng pera."

Tiningnan siya nito na parang tinatantiya kung seryoso ba siya o nagbibiro na naman. "Ano ang gagawin mo? Pupuntahan mo ang iyon-"

"Hinding-hindi ko gagawin iyon, Sister Ester," seryosong sagot niya rito. "Maghahanap ako ng trabaho."

"Paano mo gagawin iyon gayong limitado ang aksyon na puwede mong gawin?"

"Kapag gusto ay maraming paraan, Sister Ester. Gagawin ko po ang lahat para makatulong bilang ganti sa pagtulong niyo rin sa akin." Napabuntung-hininga na lamang ito.

"Kung iyan ang gusto mo ay susuportahan kita basta at huwag kang gagawa ng mga kalokohan na magpapahamak sa iyo. Ang inaalala ko lang ay paano kung mahanap ka nila?"

Natigilan siya sinabi nito. Oo nga, paano kung mahanap siya ng dad niya? Masasayang ang lahat ng effort niyang makalayo, magtago, at magpanggap bilang madre.

Ngumiti siya ng alanganin dito. "Hindi naman po siguro niya ako mahahanap, Sister Ester. Ang layo ng Solare para mahanap niya ako rito."

"Huwag mong kalimutan kung sino ka at kung gaano ka maimpluwensiyang tao ang pinagtataguan mo, Asper."

Tumawa siya kahit kinakabahan. "Kalma lang kayo. Ako po ang bahala. Kayang kaya ko ito," aniya kahit sa totoo lang ay nag-aalala rin siya. Kilala niya ang tatay niya. Hindi talaga ito titigil hanggang hindi nasusunod ang gusto nito.

***

"Ano ito?" tanong niya kay Sister Amanda habang sinisipat ang binigay nitong wig.

"Wig. Sinusuot sa ulo," sagot naman nito.

Tiningnan niya ito ng masama. "Huwag kang pilosopo, Sister Amanda."

"Sinagot ko lang naman ang tanong mo." Kinuha nito ang wig mula sa kamay isinuot sa ulo niya. "Gamitin mo para hindi ka makilala ng mga tauhan ng tatay mo."

Pumunta siya sa harap ng salamin at tiningnan ang sarili. Maikli lang ang wig at kulay mapusyaw na kulay brown. Kahit ganoon ay bumagay pa rin sa hugis ng mukha niya. Hindi naman sa nagmamayabang pero maganda siya at makurba ang hugis ng katawan. Kung may isang bagay man na wala siya, iyon ay ang dibdib. Mukhang nakatulog yata siya nang nagpaulan ng dibdib ang langit kaya ang natanggap niya ay isang kapiranggot lang.

The Deceiver's TalesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon