Chapter One
"Sister Asper!" nilingon niya si Sister Amanda na parang hinahabol ng engkantong patakbong papunta sa kanya. Inilapag niya ang basket na may lamang kamatis na inani nila ng mga bata sa maliit na taniman nila sa loob ng kumbento at sinalubong ito.
"Bakit? Anong nangyari?" nagtatakang tanong niya rito.
"Si..si Don Tiburcio, dumating na!" habol ang hiningang napahawak ito sa dibdib.
"Talaga?" ngumisi siya sabay kuha ng isang kamatis sa basket at kinuyom ang mga palad hanggang sa mapisa iyon. Si Don Tiburcio ay ang matandang mayaman na pilit kinukuha ang lupa na kinatitirikan ng kumbento. Gusto nito iyong ibenta dahil sa napakalaking utang nito sa sabungan kaya kahit ang lupa na donasyon ng asawa nito ay napag-interesan pa."Mabuti kung ganoon." Sinenyasan niya ang mga bata na lumapit sa kanila.
"Pero Sister Asper, sigurado ka ba sa gagawin mo?" kinakabahang wika ni Sister Amanda.
"Ano ka ba, Sister Amanda? Huwag kang matakot, ako ang bahala sa lahat," kampanteng sagot niya rito. Mukha kasing itong kangaroo na hindi makatalon. "Si Sister Ester?" tanong niya.
"Inihiga na namin sa quarter niya."
"Sabi ko naman sa'yong kumalma ka lang." Pinagpag niya ang suot na abito.
"Pagagalitan tayo ni Sister Ester sa gagawin mo..."
"Ssshh." Tinakpan niya ang bibig nito gamit ang hintuturo. "Ilang beses ko ba dapat sabihin sayo na ako ang bahala sa lahat? Para rin ito sa atin. Gusto mo bang mawalan ng tirahan ang mga batang iyan?" tinuro niya isa-isa ang mga batang kinupkop nila.
Napatungo ito. "Kinakabahan lang talaga ako sa gagawin mo, Sister Asper."
"Buksan niyo ang gate ngayon din!" sabay silang napalingon sa labas ng gate ng kumbento. Si Don Tiburcio! Kinakalampag nito ang gate nila kasama ang dalawang bodyguard na parang mga bouncer sa club sa laki ng mga katawan.
"Mga bata, hintayin niyo ang signal ko. Maliwanag ba?" baling niya sa mga bata. "Sister Amanda, follow me. Let's bring it on baby!" napailing na lang ito na sumunod sa kanya palapit sa gate. Mahigit sampung beses na yata itong napa-antada sa sobrang kabang nararamdaman habang siya ay excited sa mga mangyayari.
"Nasaan si Sister Ester?" salubong ang kilay na bungad ni Don Tiburcio nang nasa harap na sila ng gate. "Gusto ko siyang maka-usap ngayon din."
Binuksan niya ang gate at lumabas. Huminto siya sa mismong tapat ng mukha ng Don. Humalikipkip na tiningnan niya ito.
"Don Tiburcio! Inihulog ka ng Diyos mula sa langit dahil napakaganid mo.. este para magsabog ng kabutihan dito sa lupa! Maawa ka sa amin at sa mga batang ulila na wala nang matirahan!" nagulat ito at ang dalawang kalabaw na bodyguard nang bigla na lang siyang lumuhod at niyakap ang tuhod ng Don.
"Anong ginagawa mong madre ka!" pilit na inaalis nito ang mga kamay niyang nakapulupot sa tuhod nito. "Dodong, Berting! Ano ang tinutunganga niyo riyan? Alisin niyo ang madreng to ngayon din!" utos nito sa dalawang kalabaw.
"Ang katawan ko ay pagmamay-ari ng Panginoon kaya ako ay nakikiusap sa inyo na huwag niyo akong gamitan ng dahas. Ang paggamit ng dahas sa alagad ng Diyos ay may malupit na kaparusahang naghihintay sa impyerno." Mukhang natakot sa sinabi niya ang mga ito dahil nagdalawang isip ang dalawa na alisin siya.
"Hindi niyo ba ako narinig?" muling sigaw ng Don. Dahil sa sobrang lakas ng pagkakasigaw ay naubo pa ito kaya muntik na siyang mapahagalpak ng tawa. Kaya sa halip na awatin siya ng dalawa ay natatarantang salitan ang mga itong tinapik ang likod ni Don Tiburcio.
BINABASA MO ANG
The Deceiver's Tales
Chick-LitThis story is about Asper whom trying to be invisible from her dad's eye. She pretends to be a nun and ended up pretending to be a man in searching for a job.
