Biloy

63 2 2
                                    

Nang malapit na kaming makarating ni Kuya Patrick sa tapat ng aming mga bahay, nakita kong kausap ni Inay si Nanay Beth. Siguro hinahanap ako ni Inay dahil lampas tanghali na at wala pa rin ako sa bahay.

"Ayan na pala ang anak ko." ang sabi ni Inay kay Nanay Beth. Napansin kong nakangiti si Nanay Beth sa amin ni Kuya Patrick nang lumingon siya sa'min.

Nang ako'y makalapit kay Inay, agad niya akong inakbayan at tinanong. "San ka ba nagpunta? Kanina pa nakahanda ang tanghalian."

Hindi na niya inintay ang sagot ko. Mabuti na rin sakin yun para hindi na ako mag-isip kung anong pwede kong idahilan.

"Ito nga pala ang anak kong si Benzon." ang pagpapakilala ni Inay kina Nanay Beth at Kuya Patrick.

"Siya yung pumunta sa amin kanina habang nagbababa kami ng mga gamit." Ang nakangiting sagot ni Nanay Beth kay Inay. "Ito naman ang nag-iisa kong anak na si Patrick. Nasa 3rd-year highschool na siya ngayon kaso tumigil muna siya this school year dahil kinailangan namin lumipat." Ang pagpapakilala ni Nanay Beth kay Kuya Patrick.

Biglang lumapit si Kuya Patrick kay Inay at nagmano. Napansin kong mas matangkad si Kuya Patrick kina Inay at Nanay Beth. Napansin ko ring nabigla si Inay sa tinuran ni Kuya Patrick. Madalas kasing halik ang natatanggap ni Inay sa akin. Hindi na namin nakagawian ni Kuya Billy ang magmano kina Inay at Itay. Tanging sila Inay at Itay lang ang nakikita kong nagmamano kina Lolo at Lola tuwing umuuwi kami sa kani-kanilang probinsya.

Napangiti na rin si Inay. "Ka-gwapong bata. Sana magustuhan niyo ang pamamalagi niyo dito." Ang sabi ni Inay kay Kuya Patrick at Nanay Beth.

"Mukha nga pong magugustuhan ko dito. Malaki po kasi ang basketball court." Ang ngiting sagot ni Kuya Patrick kay Inay. Lumabas ang biloy ni Kuya Patrick sa taas ng kanang pisngi at ilalim ng kanyang mata.

"Ay oo anak. At marami ka ring makakalaro dito na mga ka-edad mo. Baka makalaro mo pa ang panganay kong si Billy Joel. Nasa 2nd-year highschool siya ngayon at baka makasabay mo pa siyang mag 3rd-year kung saka-sakaling parehas kayo ng papasukan." Ang sabi naman ni Inay kay Kuya Patrick.

"Naalala ko nga palang nag-iintay si Beejay sa loob. Hindi pa kasi kami kumakain dahil hinahanap pa namin tong si Benz kanina." Ang dagdag ni Inay kay Kuya Patrick at Nanay Beth.

(Beejay ang nakagawiang tawag ni Itay at Inay kay Kuya — B.J. sa Billy Joel.)

"Gusto niyo bang sumabay na sa amin sa pagkain?" Ang tanong ni Inay kay Nanay Beth.

"Naku hindi na Jean. May dala naman kaming pagkain bago kami makarating dito." Ang sagot ni Nanay Beth kay Inay.

"O siya, maiwan muna namin kayo ha? Para na rin makapagpahinga kayo." Ang sabi ni Inay kay Nanay Beth habang hinahanap niya ang isa kong kamay para hilahin papasok ng bahay.

"Aray!" Bigla kong sigaw nang madali ni Inay ang sugat ko.

"Napano yan?" Ang tanong sakin ni Inay habang kaharap pa namin sina Nanay Beth at Kuya Patrick.

Napatingin ako sa mga kaharap namin ni Inay. Hindi ko kasi kayang magsinungaling kay Inay habang may ibang taong nagmamasid. Isa pa, alam nila Nanay Beth at Kuya kung ano talaga ang nangyari sakin kanina.

Napansin kong nakangiti lang si Nanay Beth sa'kin. Tinignan ko rin ang reaksyon ni Kuya Patrick. Binigyan niya ako ng nakakalokong mga ngiti at biglang tinaas ang hintuturo na parang nagsasabing, "Hala! Lagot ka."

Bigla kong nilingon si Inay para tignan kung nakita niya ang ginawa ni Kuya. Paranoid na ako ng oras na yon kasi baka ako'y pagalitan ni Inay sa harap nila Nanay Beth. Buti na lang at sa sugat nakatingin si Inay.

"Halika na sa loob at doon natin yan pag-usapan." Ang sabi ni Inay sa'kin. Lumingon si Inay kina Nanay Beth para magpaalam. Kumaway pa si Kuya sa amin habang papasok na kami ng tarangkahan.

Habang sinasarado ni Inay ang gate ng bahay ay nilingon ko pa si Kuya Patrick. Titignan ko pa sana siya ng masama dahil sa pang-aasar sakin pero napansin kong papasok na rin sila.

Inintay kong lingunin ako ni Kuya Patrick.

Nang mapansin nyang nakatingin ako ay pinakita na naman niya ang nakakaloko niyang mga ngiti. Kumunot ang aking noo at sabay na dinilaan si Kuya. Hindi ko inaasahang sasagutin niya ko ng kindat.

Hindi ko alam non kung ako'y magagalit o matutuwa...

Alaala ng Nakaraan (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon