"Tao po!" Ang tawag ko sa harap ng gate nila Kuya Patrick.
Pero walang sumagot...
Natatanaw ko sa may gate na parang naka-ON ang television. Pero hindi ko masilip sa loob ng sliding glass-door kung nanunuod si Kuya Patrick dahil may kurtinang tumataklob sa salaming pinto.
Nagdesisyon na kong pumasok ng gate para ihatid ang pagkaing pinadala ni Inay. Napansin ko pang parang may kandado ang gate ngunit nakasabit lang ang lock kaya mabilis rin akong nakapasok.
Sa pagkakataong ito, kumatok naman ako sa sliding-door ngunit wala pa ring sumagot.
"Wow! Masyadong tutok sa pinapanuod at hindi napapansin na may kumakatok." Yun na lang ang naisip ko.
Nagkamali ako ng hinala nang mabuksan ko ang pinto. Wala pala dun si Kuya Patrick at iniwang nakabukas ang television.
Napansin kong PBA ang pinapalabas sa tv kaya naisip ko na malamang nandito nga si Kuya Patrick sa loob ng bahay.
Ngunit naalala ko na kanina ay kasama pa lang ni Kuya Patrick si Kuya nung umalis ng bahay. Nakakapagtakang hindi ko naabutan si Kuya sa bahay bago ako umalis habang si Kuya Patrick ay nakauwi na sa kanila.
Pumasok pa ko sa loob ng bahay para hanapin ang dining area na agad ko naman nakita.
Pagkatapos kong ilapag ang mga pagkain ay akma na akong aalis. Marahil ay hinahanap na ko ni Inay sa mga oras na yun.
"Bakit ka nandito?" Ang nakakagulat na tanong na bigla kong narinig mula sa aking likuran.
Bigla akong napalingon sa lugar kung saan ko narinig ang kilala kong boses. Nakita ko si Kuya Patrick na nakatapis at mukhang kagagaling lang sa banyo at parang hindi pa natatapos sa paliligo.
"Si Kuya!?!" Ang aking gulat na tanong. Ni hindi ko man lang matandaan kung bakit nga ba ko nasa loob ng bahay nila.
Napansin kong basang basa pa ang kanyang buhok. Tumutulo din ang tubig na nanggagaling sa kanyang buhok papunta sa kanyang katawan. Napansin kong may paghihinala ang kanyang mga tingin.
Sa kaba ay hindi ko siya matignan sa mga mata kaya sa abot lang ng mga mata ko, ko siya tinignan -- nagkataon naman na yun ay ang kanyang dibdib.
Medyo alanganin ang sitwasyon ko nun. Buti na lang at naalala ko ang tunay kong pakay kung bakit ako nandun.
"Pinadala ni Inay tong mga pagkain para sa inyo ni Tita Beth." Ang mabilis kong paliwanag sa nauna nyang tanong habang hindi nakatingin sa kanyang mga mata.
Hindi ko alam kung siya ba dapat ang tumugon pagkatapos kong magpaliwanag o kailangan ko pang palawigin ang aking explanasyon mula sa nauna kong sinabi.
Sa tagal ng sandaling pag-iintay kung sino ba samin ang dapat tumugon, napansin ko tuloy ang tumulong tubig na nanggaling marahil sa kanya leeg papunta sa gitna ng may korte nyang dibdib at pababa sa kanyang pusod na tinutubuan ng manipis na buhok.
Doon na ko natauhan at biglang napatingin sa kanyang mga matang nakatingin sa akin na parang nagtatanong.
Siguro ay napansin niya kung saan ako nakatingin kaya napatingin din siya sa kung saan ako nakatingin kanina. Sinipat nya marahil kung may sabon o dumi ba sa parteng yun ng kanyang katawan.
Doon ko ulit nakuha ang pagkakataon na pagmasdam ang katawan ni Kuya Patrick. Hubog na ang kanyang katawan na parang hindi akma sa kanyang antuking mga mata at malungkutin niyang mukha. Hindi katulad ni Kuya na braso lang ang may korte pero patpatin pa rin ang pangangatawan subalit akma naman sa kanyang edad.
Nang mapansin niyang walang dumi o sabon sa parte kung saan ako napatingin kanina ay saka niya bigla binalik ang tingin sa akin.
Doon na nag-init ang aking mukha nang mahuli niya ulit akong nakatingin sa kanyang katawan. Parang nabasa ko sa mga mata niya na hindi dumi o sabon ang aking kanina pang tinitignan.
Para bang may lalabas na mainit na usok sa aking tainga at ilong sa pagkakahuli niya ulit sa akin. Naririnig ko rin ang aking dumadagungdong na puso na parang idinikit sa aking tainga.
Bago pa makapagsalita si Kuya Patrick sa kanyang hinala ay umiral na ang aking abilidad sa pagpapalusot. "May pupuntahan kayo ni Kuya noh! Tinatawag na siya ni Inay. Bawal daw siya lumabas ngayon!"
"Hindi ako sumama sa Kuya mo. Pero sabi niya ay pupunta lang daw siya sa iba pa niyang mga ka-klase para tapusin ang group assignment nila bago mag-December." Ang nakakaginhawang tugon niya sa akin.
Kung tutuusin, hindi ko naman talaga alam kung sa bakit ba ako parang nabawasan ng pasanin sa kanyang tinuran. Marahil hindi na niya napansin ang pagmamasid ko sa kanya kanina o pilit niyang hindi na lang pansinin, o baka dahil nalaman ko na kung saan patungo si Kuya ng mga oras na yon.
Alin man sa tatlo ay hindi ko na inalinta.
"Good night, Kuya Pat." Ang tipid kong sinabi bago ako umalis.
"Good night! Happy birthday ulit." Ang tugon naman niya sa akin habang ako'y nakatalikod na sa kanya at malapit na sa pintuan.
Hindi na ko lumingon pa at nagmamadaling binuksan ang gate pagkatapos isara ang sliding-door ng bahay.
Tumakbo ako sa papunta sa loob ng aming bahay at derederechong tumungo sa kwarto. Narinig ko lang si Inay na nagsabing, "Si Ate Ning mo na lang ang nag-abot ng ibang pagkain sa kapitbahay. Matulog ka na, ha? Good night, anak!"
"Good night, Nay!" Ang pasigaw kong tugon kay Inay bago matulog.
Sinubukan ko pang magbasa ng katawan bago ako matulog para lang malamigan. Ngunit hindi mawala sa isip ko ang nangyari sa akin kani-kanina lang.
Matagal bago ako dinalaw ng antok...
BINABASA MO ANG
Alaala ng Nakaraan (Ongoing)
Short StoryI got inspired by the song 'Hiling' by Silent Sanctuary. I've also read a story that has no title and no author. I was so moved by the story that I've decided to create my own. However, I got tired of thinking of a specific plot for my story, that's...