CHAPTER TWO

92 2 0
                                    

"SAAN ka pupunta, Consta?"

            Naantala ang paglabas ni Constellation nang marinig ang pagsita ni Craze. Buong-puso niyang sinimangutan ang kaibigan. "Bakit no'ng si Cola ang lumabas kanina, hindi mo in-interrogate?"

            Tumaas ang kilay ni Craze. "Kasi alam ko naman kung saan siya pupunta—kay Seventeen. Eh, ikaw? Wala ka namang boyfriend na kakatagpuin nang ganitong oras." Sinipat nito ang wall clock sa dingding. "At hello? Alas-diyes na ng gabi. Gusto mong bumingo kay Tobie kapag nakita ka niyang nasa labas na naman ng kuwarto gayong curfew na?"

            "Mabilis lang 'to. May titingnan lang ako," paiwas na sabi niya, saka nagmamadaling lumabas ng kuwarto. Deadma sa pagtawag ni Craze.

            Nagtungo si Constellation sa lounging area na nagsisilbi ring hallway ng palapag. Umupo siya sa settee at nagsalpak ng earphones. Hininaan lang niya ang volume ng kanyang iPhone para marinig pa rin ang machong boses ni Tobie. Mayamaya lang, may narinig siyang kalansing ng mga susi at mga yabag ng paa paakyat.

            Napakunot-noo siya. Medyo iba ang tunog ng footsteps ni Tobie ngayon at iba rin ang tunog ng kalansing. Walang ritmo ang mga iyon.

            Pero naisip niya na baka guni-guni lang niya iyon. Kaya ipinatong niya ang mga braso sa armrest ng settee at niyukyok ang mukha. Habang nagpapanggap na tulog ay naalala niya kung paanong pikit-mata niyang pinakulayan ng blonde ang buhok para lang bumagay sa pagka-blond ni Tobie. So they would be just like real-life's Barbie and Ken.

            Hay, naku, Tobie. Tingnan mo nga 'tong pinaggagagawa ko para sa 'yo. Kapag hindi ka pa naantig, ewan ko na sa 'yo. It's either manhid ka o bakla ka.

            Pero mabilis ding binura ni Constellation sa isip na bakla si Tobie. Umaapaw ang sex appeal at ka-macho-han ng lalaki kaya tatalon siya mula sa third floor ng tenement kung isang araw ay matuklasan niyang bakla ito. Well, wala namang masama sa pagiging bakla. Masakit lang para sa kanya kung ganoon magtatapos ang love story nila ni Tobie.

            Naputol lang ang pagmumuni-muni niya nang maramdaman ang presensiya ng lalaki sa tabi niya. Napasimangot siya nang maamoy ang hindi kagandahang amoy na malayong-malayo sa pabango ni Tobie na madalas niyang sinisinghot kapag nasa malapit ang binata.

            Iminulat niya ang mga mata at napasinghap nang may impaktong sumalubong sa kanya—impakto sa katauhan ng malaking mama, kalbo, at may tattoo ang buong kaliwang braso. Nasa akto ito nang dahan-dahang pagkuha sa kanyangiPhone. Na mabilis nitong hinila at binulsa dahilan para sumakit ang mga tainga niya dahil nahila rin ang kanyang earphones.

            "Magnanakaw!" bulalas ni Constellation, sabay tayo at layo sa lalaki.

            Dumaan ang iritasyon sa mukha ng lalaki, saka naglakad nang mabilis palapit sa kanya. "Tumahimik ka!"

            Akmang tatakpan ng magnanakaw ang bibig ni Constellation pero mabilis siyang nakaiwas. Mabuti na lang at maliksi siya dahil sa kanyang Taekwondo training noong high school. At dahil na rin sa kanyang reflex, hinawakan niya ang braso ng lalaki at pinilipit. Kahit na malaki ang mamang ito, magkasintangkad lang sila kaya mas napadali ang ginawa niyang pag-atake. Humiyaw sa sakit ang lalaki, kaya lalo pa niyang binali ang braso nito. Pagkatapos ay binigyan niya ito ng sidekick sa mukha gamit ang mahaba niyang binti.

            Napasimangot si Constellation sa ginagawa. She had always known that she had an unusual strength for a girl, and she was ashamed of it. Naniniwala kasi siya na ang mga prinsesang gaya niya ay damsel-in-distress ang peg at hindi knight-in-shining-armor. Mas bet niya ang ililigtas kaysa nanliligtas. Kaya naman itinago niya ang kaalaman sa Taekwon do sa mga lalaki, at nagpapanggap na mahina sa harap ng mga ito.

Girl Talk Trilogy 2: The Prince Or The Pauper (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon