01 :: Achilles

297 11 0
                                    

"Gusto akong kunin ng anak kong nasa America, anak. Nag-aalala kasi ang panganay ko ngayong mag-isa na lang ako sa bahay," pahayag ni Lola Jessa isang gabi pagkatapos mailibing si Lolo Jerry.

Bahagya akong nalungkot nang marinig iyon. Siya na ang naging pamilya ko sa loob ng limang taon. Nakakalungkot lang dahil kailangan na niyang umalis. Pero wala naman akong magagawa dahil ang totoong anak na niya ang kukuha sa kan'ya.

"Nakakalungkot, Lola, pero wala naman akong magagawa. Alam kong nami-miss mo na rin ang mga anak at apo mo kaya oras na rin na sumama ka sa kanila," ani ko.

Tumango siya at nakangiting hinawakan ang kamay ko.

"Parang tunay na anak na rin kita," aniya. "Masaya akong nakilala kita, Ivy. Napakabuti mong tao, anak, at ina. Sana kapag nagbalik ako rito'y may asawa ka na. Lahat ng lalaki'y kailangan ng isang Angelus Ivy sa buhay nila."

"Pero hindi kailangan ng isang Angelus Ivy ng lalaki sa buhay niya," pagbibiro ko.

Pareho kaming natawa bago nagyakapan.

"Siguradong iiyak 'yon si Alliyah kapag umalis ka na, La. Lagot ka sa batang 'yon," saad ko.

"Ako na ang bahalang magpaalam sa bata. Pumupunta iyon siya rito tuwing gabi para samahan ako. Doon ko na lang siya kakausapin."

"Paano ka po pala kukunin ng anak mo, La? Pupunta ba sila rito?"

"Hindi. Pupunta rito ang apo kong galing sa Manila tutal may project daw sila diyan sa Sipalay. Dadaan na lang daw siya rito kapag babalik na siyang Manila para isama ako. Mula roon, sasamahan ako ng anak ko papuntang America," paliwanag niya.

"Mabuti naman po. Si Achilles po ba ang tinutukoy mong kukuha sa 'yo rito?" tanong ko.

Tumango siya. "Hindi mo pa siya nakikilala, ano? Mabuti na lang at dadaan 'yon dito. Para naman maipakilala kita. Binata pa ang apo ko. Baka matipuhan mo," pambubugaw niya sa sariling apo na ikinatawa ko.

May dalawang anak sina Lola Jessa at Lolo Jerry. Isang babae at isang lalaki. Ang alam ko ay pareho na silang nasa labas at may pamilya. Mukhang parehong foreigner ang napangasawa ng dalawa. Ilang beses na rin nilang pinipilit na tumira silang dalawa ni Lola at Lolo kasama nila sa America pero ayaw naman nila dahil mas gusto nila ang probinsya. Ngayong mag-isa na lang si Lola, siguradong wala ng hahadlang kay Lola na umalis.

Sa loob ng limang taon, isang beses lang nakauwi ang isa sa mga anak ni Lola. Nakilala ko ang anak niyang babae na si Tita Emilyn, habang ang anak naman niyang lalaki ay hindi pa nakakauwi rito kaya hindi ko personal na kilala. Hindi rin ako nagtatanong masyado tungkol sa pamilya nila. Nihindi ko alam kung ilan lahat ang apo ni Lola sa dalawang anak. Basta ang madalas ko lang naririnig na pangalan ay si Achilles. Siya kasi ang madalas tumatawag kay Lola nitong mga nakaraang taon. May isang beses na nakapunta siya rito ngunit wala rin ako dahil may seminar kaya hindi kami nagpang-abot.

"Pass na ako sa gan'yan, La. 30 na ako. Isang taon na lang at mamamaalam na sa kalendaryo ang edad. Mas gugustuhin ko pang mag-focus na lang muna kay Alliyah kesa pasakitin ang ulo ko dahil sa lalaki," sagot ko.

Natawa siya. "O siya sige. Malay mo lang naman magustuhan mo ang apo ko, 'di ba? Nagbabasakali lang naman ang matanda Pogi naman 'yon saka mabait."

"Tignan natin, La. Baka may sparks," pagsasabay ko na lang sa sinasabi niya.

Sakto namang pumasok sa loob si Alliyah na may malaki ang ngiti.

"Nay! Nabuo ko na po ang puzzle!" masayang sigaw niya sabay lapag ng puzzle piece na kanina pa niya ginagawa.

"Oh? Anong nakikita mo sa puzzle?" nakangiting tanong ko sa aking anak.

"It's a mountain, Nanay!" masigla niyang sagot.

BS #3: Angelus' One-Night MistakeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon