Chapter 15

188 11 2
                                    

>>> Third Person's POV >>>

"Esnatu (gising) !!!" sigaw ng sundalo habang kinakalampag ang rehas gamit ang bakal na sibat.

Napaungol si Luno at tinakpan ang mga tenga. Masakit ang buong katawan niya kaya nahihirapan siyang bumangon mula sa pagkakahiga sa malamig na selda. Isang linggo  na silang bihag at araw-araw silang pinapahirapan sa pamamagitan ng pagtatrabaho buong araw. Nagpapagawa ang Hari ng "Murru ng Kinura" (Wall of Kinura) upang protektahan ang kanilang kaharian sa sinumang kalaban. Kahit gusto niyang gamitin ang kanyang kapangyarihan ay hindi maari.

Alam niyang nahihirapan din ang kanyang mga kasamahan. Bilang Prinsipe ay kapakanan ng kasamahan niya ang mahalaga. Halos lahat sa kanila ay nawawalan na ng pag-asang makakalaya at makakauwi pa sa kani-kanilang pamilya. Ngunit pinapangako niya sa kanila na makakabalik din sila sa kaharian.

Magtatakipsilim na nang makabalik sila galing sa paggawa ng Murru.

Nakasandal ang hapo niyang katawan sa malamig na pader habang  nakapikit ang mga mata. Nakahiga naman ang kanyang mga kasamahan sa sahig.

Napamulat siya nang makarinig ng ungol.

"Anong nangyari?" tanong niya sabay lapit sa kawal.

"May malaking sugat po siya sa likod Mahal na Prinsipe." Ang kasama nito ang sumagot.

Pagtingin niya ay malaki nga ang sugat nito.

"Nahuli po kasi siya ng isang tagabantay na nagpapahinga kaya hinampas po siya ng greba (whip/latigo).

Napatiimbagang siya. Kahit magalit siya ay wala ring mangyayari.
Pinunit niya ang kanyang damit at kinuha ang tubig na nakalagay sa balakang niya. Nakasilid ito sa maliit na lalagyan sa balat ng isang kaiman (alligator).

Binasa niya ang pinunit na damit at nilinis ang sugat nito.

Nakamasid ang mga kawal sa Prinsipe. Kahit gusto na nilang sumuko at mamatay na lang ay hindi nila ginawa dahil sa tuwing nakikita nila ang Prinsipe na nahihirapan, kahit isang salita ay hindi nila narinig na nagrereklamo ito. Dahil sa katatagan na ipinakita ng Prinsipe ay nagiging matatag din sila at umaasang makakabalik sila sa kaharian.

Habang nililinisan ni Luno ang sugat ng kasama niya ay may lumapit na tagabantay.

"Pumili kayo ng dalawa kung sino ang lalaban sa ruedo (arena). Dadalo ang Mahal na Hari kaya galingan niyo. Kung hindi, k-e-e-e-k ... baka sa ruedo na kayo mamamatay, hahaha," halaklak ng kawal at kita pa pati ang bulok nitong mga ngipin.

"Ano naman ang makukuha namin kung mananalo kami?" Interesadong tanong ni Luno.

Napatigil sa pagtawa ang kawal at ngumiti ng pang-asar.

"Hah! Kayo mananalo? Hindi mangyayari yon! Wala pang nananalo sa laban na ito. Pero kung manalo man kayo, pwede kayong humingi ng tatlong kahilingan sa Hari."

Napaisip si Luno.

"Sasali ako," matatag na anunsyo niya.

Napatingin sa kanya ang mga kasama.

"Pero mahal na Prinsipe, mapanganib po ang gagawin niyo," nababahalang sambit ni Nizu, ang punong heneral ng hukbo.

"Bilang Prinsipe, tungkulin kong iligtas kayo kahit sa ano mang paraan."

"Kung gayon ay sasamahan kita Mahal na Prinsipe. Tungkulin ko rin pong bantayan ang iyong kaligtasan," sabi ni Nizu sabay yuko.

Naghahanda na silang dalawa. Ipinasuot sa kanila ang arropa (damit pandigma) ngunit wala silang dalang sandata.

Malakas ang sigawan ng mga tao sa labas. Binuksan na ang malaking pintuan at lumabas silang dalawa. Pumunta sila sa pinakagitna ng ruedo. May mga iba't-ibang sandata ang nakahanda sa gitna ng buhangin. Ito ang mga gagamitin nila sa pakikipaglaban.

"Ngayong gabi masasaksihan natin ang paglalaban ng mga piztia (halimaw) at ng ating bihag. Magsisimula ang laban pagdating ng Mahal na Hari," pagpapahayag ng Hizlari (tagapagsalita).

Nakatayo ang dalawa habang hinihintay ang pagdating ng Hari.  Umalingawngaw ang batingaw hudyat na dumating na ang Hari. Nagsitayo ang mga tao na nakaupo sa paikot na upuan ng ruedo.

Kasunod na umupo ng Hari ang Prinsesa.
Nagtama ang mga mata nila ni Luno. Bigla siyang nakaramdam ng kakaibang kaba nang magtama ang kanilang  paningin.

Nakatakip ang mukha nito at tanging ang mga mata ng Prinsesa lang ang nakikita niya kaya hindi siya sigurado.

"Simulan na ang laban!" Sigaw ng Hizlari.

Bumukas ang kabilang pintuan ng ruedo at lumabas ang limang piztia.
Iba-iba ang mga hitsura nito at malahigante ang mga katawan. Pero ang kapansinpansin ay pareho silang may malaking buztana (buntot).

Isa-isang sumalakay ang piztia. Naghiwalay sina Luno at Nizu para kalabanin ang mga ito.

Hindi napansin ni Nizu ang paghampas ng buztana ng piztia kaya tumilapon siya sa kabilang dulo ng ruedo. Sa pagkatilapon ni Nizu ay mas lalong umingay ang sigawan ng mga tao.

"Nizu !" Sigaw ni Luno.

Tutulungan sana niya ito ngunit siya naman ang puntirya ng mga kalaban. Maingat siyang lumapit sa mga sandatang nakalatag sa buhangin. Akmang lalapit ang tatlo nang kinuha niya ang arcus at pinuntirya ang mga buntot ng mga piztia.

Napasigaw ang mga ito sa sakit. Ilang sandali pa ay nasunog ang mga katawan nito at naging abo. Dalawa nalang ang natitira. Galit ang mukha ng dalawa at nagbuga ng hangin na may dalang lason.

Napatakip ng ilong si Luno at tumakbo sa kabilang bahagi ng ruedo. Ipinosisyon niya ang arcus at tinira ang buztana ng dalawang natitirang piztia. 

Katulad kanina nasunog ang mga ito at naging abo.

Itinaas niya ang kanyang kanang kamay na may hawak na arcus simbolo ng kanyang pagkapanalo at nahiyawan ang mga tao. Pagod na napaluhod siya sa buhangin.

"Hindi kapani-paniwala ang mga naganap. Ngunit, ayon sa batas kapag nanalo ang bihag ay may tatlo siyang kahilingan. Ano ang iyong mga kahilingan bihag?" Atubiling tanong ng Hizlari.

"Pakawalan niyo ang mga kasamahan ko at ibalik sa kaharian,"  sigaw ni Luno.

Pinalapit ng Hari ang Hizlari at may ibinulong.

"Masusunod ngunit dapat manatili ka dito sa aming kaharian. Iyon ang gusto ng Mahal na Hari."

Wala siyang nagawa kundi ang pumayag sa kagustuhan nila.

"Pangalawa ..." Huminto siya sa pagsasalita at tumingin sa mga mata ng Prinsesa.

"Gusto kong makasama ang Mahal na Prinsesa sa loob ng isang linggo."

Napasinghap ang mga tao. Pati ang Prinsesa ay nabigla sa hiling niya.

Muling may binulong ang Hari.

"Hindi maaari ang isang linggo. Isang araw lang ang pahintulot ng Mahal na Hari," pahayag ng Hizlari.

Inaasahan na niya ito kaya napatango siya bilang pagtugon.

"Ano ang iyong ikatlong kahilingan?"

"Sa ngayon, iyan muna. Pag-iisipan ko pa kung ano ang panghuli kong kahilingan ..." Sambit niya habang matiim na nakatitig sa Prinsesa at napansin niyang napakuyom ng kamao ang Hari.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 06, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Unexpected Fairy TaleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon