. : 1 : .
LATIUM, ITALY (Year 1795)
"Kailangan natin syang ingatan, siguradong ngayon ay hinahanap na nila ang ating anak." Nag aalalang sambit ni Bolivia sa kanyang asawa.
Nakarinig sila ng pagkaluskos sa paligid. Parang may mga papalapit sa kanilang pwesto.
"Bolivia, itakas mo na ang anak natin! Ako na ang bahala sa kanila!" Mahina ang pagkakasabi ni Leandro ngunit madiin at maawtoridad.
"Pero Leandro-"
"Mas mahalaga ang kaligtasan ng ating anak, huwag mo syang pababayaan. Mahal na mahal ko kayo. Pangalanan mo syang Arahpaz, maaari ba iyon?" Tumango si Bolivia habang lumuluha. Niyakap nya ang asawa ng sobrang higpit. Hinalikan ni Leandro sa unang pagkakataon ang kanyang bagong silang na anak.
Ngunit iyon na rin ang naging huli.
Dahil matapos makalayo ng nanghihinang si Bolivia sa lugar kung saan nya isinilang ang sanggol, nagdatingan na ang kanilang inaasahan.
Ang mga Lamians.
Sila ang pinaka matatandang konseho na dumarating sa oras ng paglilitis. Sinubukang lumaban ni Leandro. Sampu sa mga pinaka mahihinang Lamians ay napatay nya.
Natira ang anim pa na pinaka malalakas. Umangil sya sa mga ito, isang kisapmata lamang ay hawak na sya sa leeg ng lider ng mga Lamians-si Clemente.
"Nasaan ang bata?" Malamig na sambit nito habang hawak ng napaka higpit ang kanyang leeg.
"Namatay sya..." Tinumbasan nya ang lamig ng boses ng kaharap.
"Sinungaling!" Ibinalibag sya nito sa isang pader. Sa sobrang lakas ng pagkakatama nya ay parang nabali ang ilang buto sa kanyang likod kaya't nanatili na lamang syang nakahiga sa madilim na kalsada.
"Leandro, naamoy namin ang dugo ng iyong anak. Ang dugo ng itinakda." Pahayag ni Ultimo, kapatid at kanang kamay ni Clemente.
Pinilit nyang ngumisi sa kabila ng sakit na nararamdaman.
"Namatay sya, kasama na ang asawa ko. Hindi nya kinayang makaligtas ng bata. Kung ayaw nyong maniwala ay pwede nyong ungkatin ang isipan ko." Kalmadong pahayag nya.
Hinablot ni Ultimo ang kanyang buhok at ikinulong ang kanyang mata sa mga mata nito. Nang nasigurado na ni Ultimo ang daan papasok sa kanyang isipan ay pumikit ito at nilakbay ang nilalaman ng isipan ni Leandro.
Sa isip nito ay nanganganak ang asawa, lumabas ang sanggol, umiiyak. Ngunit makalipas ang tatlong segundo ay tumigil ang palahaw at napalitan ng katahimikan.
Namatay ang bata, at nagalit ng todo si Leandro sa asawa na halos patayin na nya ito. Sa sobrang takot ni Bolivia ay tumakas ito ng napakabilis, umiiyak, naghihinagpis, kasama ang patay na sanggol.
Ang sanggol na itinakda.
"Clemente..." Nilingon nya si Ultimo.
"Nagsasabi ng totoo si Leandro." Nilapitan ni Clemente si Leandro at inihampas ang ulo nito sa gilid ng kalsada.
"Wala kang silbi!" Namamanhid na si Leandro sa sakit.