CHAPTER ONE

319 5 0
                                    


NAPASIMANGOT si Suzanne nang maamoy ang alak at sigarilyo sa pagpasok niya sa bahay ni Ranzelle. Nakita niya ang mga basyo ng alak na nagkalat sa sala habang ang mga upos ng sigarilyo ay umapaw na sa ashtray sa ibabaw ng mesa. Bukod doon ay nagkalat din ang mga cushion pillow, maruruming damit, at sari-saring kalat sa kung saan-saan. Parang dinaanan ng bagyo ang dati ay palaging malinis na bahay ng binata.

Napabuntong-hininga na lang si Suzanne. Isa-isa niyang pinulot ang mga basura at tinapon sa basurahan. Sinamsam niya ang maruruming damit na nagkalat at inilagay sa laundry bin. Inayos din niya ang mga nagkalat na gamit tulad ng mga libro, DVD tapes, et cetera. Nagsimula siyang linisin ang bahay. Hindi lang iisang beses siyang napabahin sa dami ng alikabok na namuo sa pader, aparador, bintana at sa kung saan-saan pang parte ng bahay. Pagkatapos ay naglagay rin siya ng air freshener sa lahat ng sulok ng bahay. Nang masigurong malinis na at hindi na mabaho sa bahay ay nagpunta naman siya sa kusina. Nadismaya siya nang pagbukas sa ref ay wala iyong lamang pagkain. Pulos canned beer lang ang naroon. Napilitan tuloy siyang lumabas para mamili ng pagkain sa grocery. Pagbalik niya ay nagluto siya.

"What are you doing here?"

Natigilan si Suzanne nang marinig ang boses ni Ranzelle. Mukhang sa wakas ay nagising na rin ito. Hindi na siya nag-abalang lingunin ang lalaki. Ipinagpatuloy lang niya ang pagluluto.

"Ang baho-baho na dito nang dumating ako.'Tapos, puro alak pa ang laman ng ref mo. Kailan ka pa huling kumain nang matino? O kumakain ka pa ba?"

Pinatay niya ang induction cooker nang masigurong luto na ang pagkain.

"Wala ka nang pakialam do'n," malamig na sabi nito.

Doon na nagpasyang lingunin ni Suzanne ang binata. Hindi na siya nagulat ng makita itong walang kabuhay-buhay. Ang haba na ng bigote at balbas nito. Nangingitim din ang palibot ng mga mata. Magulo ang dati ay palaging maayos nitong buhok at ang damit ay gusot-gusot. He still looked handsome as ever but he also looked like hell. Hindi naman na nakapagtataka iyon dahil heartbroken ito. Isang buwan pa lang ang nakalilipas mula noong ipagpalit ito ng girlfriend sa ibang lalaki at sumama pa ang girlfriend nito sa lalaking iyon papunta sa ibang bansa. Simula noon ay nagkulong na si Ranzelle sa bahay nito.

Alam iyon ni Suzanne sapagkat best friend niya ito. Naging magkaklase sila noong nag-aaral pa sila sa college at naging sobrang malapit sila sa isa't isa, hanggang sa dumating sa punto na nagkaroon siya ng lihim na pagtingin para dito. Lihim siyang umibig sa kanyang best friend pero walang katugon ang kanyang damdamin. Hanggang kaibigan lang ang turing nito sa kanya.

Na-realize niya iyon nang makilala ni Ranzelle ang Ate Marianne niya noong graduation nila. Unang kita pa lang ng binata sa ate niya ay nagkagusto kaagad ito. Hindi nagtagal ay ipinakita na ni Ranzelle ang interes sa ate niya. Niligawan nito ang kapatid niya.

Labis na nasaktan si Suzanne noong mga panahong iyon. Paano, tuwing dadalaw si Ranzelle sa bahay nila ay hindi siya ang ipinupunta nito kundi ang ate niya. Sobra-sobrang selos ang naramdaman niya noon. Pero alam niyang wala siyang karapatang maramdaman iyon. Wala silang relasyon. Best friend lang siya nito. Tuloy ay nainggit siya sa ate niya.

Alam ni Suzanne na masama ang mainggit pero hindi naman niya maiwasan. Noon pa man ay nakakaramdam na siya ng inggit para sa ate niya. Alam naman niya kasi noon pa man na ubod ng ganda ang kapatid niya. Higit na mas matalino at mas elegante rin itong tingnan kaysa sa kanya. Maraming lalaki ang nagkakagusto rito pero sa kanya ay wala ni isang magkamali. Hindi kasi siya katulad ng ate niya. Siya ay simple lang ang ganda at hindi rin ganoon katalino. Kung mayroon man siyang maipagmamalaki na wala ang ate niya, iyon ay ang pagiging artist niya. Isa siyang well-known shoe designer. Lahat ng sapatos na siya ang nagdisenyo ay bumebenta at nauuso. Isang bagay na ipinagmamalaki niya sa sarili.

HOW TO BE YOURS FOREVERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon