Tahimik ang buong opisina nang dumating doon si Nathaniel kinabukasan. Kaiba iyon sa kanyang inaasahang madaratnan. Bahagya siyang na-late dahil tinanghali siya ng gising. Paano, nanaginip na naman siya ng tungkol sa parang. Subalit maliban sa leon, isang tigre pa ang kasama nitong sumagpang sa kanya. Kung hindi pa siya ginising ng nanay niya, baka natuluyan na siyang talaga. Pakiramdam niya kasi, totoo ang panaginip. Pero hindi naman. Nagising siyang nasa bahay at wala sa parang.
Akala nga niya pagagalitan na naman siya ni Ms. Annie o 'di kaya ni Mr. Dizon mismo dahil na-late na siya sa pagpasok kaso, parang hindi ganoon ang mangyayari. Natitiyak niya, may nangyari bago siya makarating sa opisina.
Imbes na tumuloy sa opisina ni Mr. Dizon, nilapitan niya si Harold, ang isa sa mga janitor nila roon. "Anong balita? Bakit parang tahimik?" pabulong niyang tanong Harold habang nagmama-mop ito malapit sa water dispenser.
Alanganing sumulyap si Harold sa kanya. "H'wag kang maingay. Marinig ka ni boss, malintikan ka," bulong nito, patuloy sa pagmama-mop.
Pasimple siyang kumuha ng disposable cup at nagkunwaring kumukuha ng tubig. "Bakit nga? Anong nangayari?"
Pumalatak si Harold aat marahan siyang hinila sa gilid ng opisina, malapit sa fire exit. "Dumating si Mrs. Dizon. Nagtatalak. Nalaman na 'ata ang pinupuntahan ninyong chicks ni boss sa Bulacan." Marahan itong umiling, nagkamot ng batok. "Pinagmumura nga kaming lahat na nandito na kanina e. Kesyo raw kinakampihan namin si boss. Nagbanta pa nga. Bukas daw, wala na kaming trabaho. Malas nga e. Buti ka pa, late."
Bahagya siyang napangiwi. Kilala niya si Mrs. Dizon, istrikta ito at higit sa lahat selosa. Subalit ngayon lang talaga kasi nahumaling nang husto sa bago nitong babae si Mr. Dizon na halos araw-arawin na nito ang pagdalaw. Mukhang nakahalata na si Mrs. Dizon.
"Imposible naman tatanggalin kayo ni boss dahil lang do'n. Wala naman kayong kasalanan na nandito kanina," alo niya sa kasama.
Umiling si Harold. "Hindi mo kasi nakita si Mrs. Dizon e. Galit na galit. Parang may sapi! Ang dami ngang pinunit na papel."
Marahan siyang nagbuga ng hininga. Ayaw niyang maniwala na magtatanggal ng tao sa kumpanya si Mr. Dizon dahil lang sa gusto ng asawa nito. Pero... hindi rin siya sigurado.
Maya-maya pa, sabay pa silang napatingin ni Harold nang bumukas ang pinto opisina ni Mr. Dizon. Agad na naningkit ang mga mata nito nang makita siya.
"Nathaniel, pumasok ka nga rito! Bilis!" mataas ang boses na utos nito.
Agad na tumalima si Nathaniel sa utos ng boss. Pagkapasok na pagkapasok niya sa loob ng opisina ng amo, agad itong nagtanong.
"Tumawag ba sa 'yo ang misis ko kahapon?" anito, may halong inis ang boses.
Kumurap siya, pilit na inalala ang mga kaganapan ng nagdaang araw. "Si Melody lang po ang tumawag, boss." Si Melody ang mayordoma sa bahay ng mga Dizon. Halos kaedaran lang niya ito at ilang beses na ri niyang nakasalamuha.
"Sinabi mo kung nasaan tayo?"
Umiling siya. "Sinabi ko lang po na nasa site tayo tapos wala na."
"Saang site ang sinabi mo?"
"'Yong sa Bocaue po." May pinapatayong building doon ang amo niya. Doon din nakatira ang bagong kabit nito. Totoong sumaglit sila sa project site bago tumaloy sa kabit ng boss niya. Subalit wala pang kalahating oras doon si Mr. Dizon. Noon naman siya tinawagan ni Melody.
Nagmura si Mr. Dizon, namula ang mukha bago dinampot ang sign pen sa ibabaw ng mesa nito at ibinato sa kanya. Hindi siya agad nakaiwas. Tumama iyon sa kanyang noo. Agad siyang napasapo roon nang makaramdam siya ng hapdi roon.
BINABASA MO ANG
Ang Panaginip ni Nathaniel
ParanormalIsang paulit-ulit na panaginip ang bumabagabag kay Nathaniel. Paano kung isang araw, magising na lamang siya na hindi panaginip ang lahat kundi isang kasuklam-suklam na katotohanan na siya mismo ang may gawa?