Chapter 4

2 0 0
                                    


Nang magmulat si Nathaniel, agad na tinambol ng kaba ang kanyang dibdib nang mapagtanto niyang nasa parang siyang muli. Lumakas sa tainga niya ang huni ng mga ibon, ang mabining pagaspas ng hangin, maging ang payapang pagdaloy ng tubig mula sa batis. Sandali siyang nagpalinga-linga. Alam na niya ang susunod doon. Lilitaw ang leon at tigre at muli siyang sasagpangin.

Dahil sa takot, nagsimulang tumakbo si Nathaniel palayo sa parang. Subalit nakakailang hakbang pa lamang siya nang magsimulang bumigat ang kanyang mga paa. Tila inululubog ang mga iyon sa mainit na lupa. Nang yumuko siya, nakita niyang nakabaon na ang kanyang mga paa sa buhangin. Taranta siyang nag-angat ng tingin. Doon tumambad sa kanya na wala na siya sa parang at napapalibutan na siya ng milya-milyang buhangin.

Disyerto. Nasa gitna siya ng malawak at mainit disyerto.

Pilit siyang humakbang, subalit muling bumaon ang kanyang mga paa sa nakakapasong buhangin ng disyerto—lalo siyang pinahihirapan. Pilit siyang itinutulos sa mainit na kalagitnaan niyon. Subalit muli siyang humakbang, pauit-ulit. Hanggang sa ilang sandali pa, tuluyan na siyang nahapo. Nanuyo na rin ang kanyang lalamunan.

Tubig. Kailangan niya ng tubig.

Hindi naglipat sandali, mula sa kung saan, lumitaw ang isang tigre. Kumukinang ang balahibo nito sa ilalim ng araw. Ang mga mata nitong nanlilisik ay nakatutok sa kanya.

Agad na gumapang ang takot sa kanyang dibdib. Pinilit niyang tumayo nang maayos, humakbang palayo sa nagbabadyang kapahamakan na papapalit sa kanya. Subalit sa isang iglap, nakalapit na sa kanya tigre at mabilis na ibinaon ang mga pangil nito sa kanyang leeg.

Nagsisigaw si Nathaniel, pilit na nanlaban. Hanggang sa...

Malakas na tunog mula sa kung saan ang nagpamulat sa kanya. Bumungad sa kanya ang pamilyar na kisame ng guard quarters sa kanilang opisina. Nakiramdam siya, nasa sofa pa rin siya, nakaupo. Noon niya napagtanto na nagiginip siyang muli.

Nagbuga siya ng pagod na hininga. Panaginip lang ang lahat.

Muling rumehistro sa kanyang tainga ang malakas na tunog na siyang nagpagising sa kanya. Nang yumuko siya,naroon na sa sahig ang cellphone niya at tumutunog. Tumatawag sa kanya si Ms. Annie.

---

Alanganing kumatok si Nathaniel sa pinto opisina ni Mrs. Posadas, ang HR Manager ng kanilang kumpanya. Itinawag ni Ms. Annie ang pagpunta niya roon. Kung bakit, hindi niya alam. Hindi na kasi siya nagtanong pa nang tumawag si Ms. Annie sa kanya. Nahimigan pa niya kasi ang inis sa boses nito nang tumawag ito. Baka lalo lang itong mainis kapag nagtanong pa siya.

"Come in," anang pamilyar na tinig Mrs. Posadas sa loob ng silid.

Marahan niyang pinihit ang seradura at tinulak pabukas ang pinto. "Pinapunta po ako rito ni Ms. Annie, Ma'am," sabi niya sa may katabaang babae na nakaupo sa likod ng mesa na naroon.

Mula sa laptop nito ay nag-angat ng tingin si Mrs. Posadas sa kanya. Sandali siyang pinagsino gamit ang makapal na eyeglass nito bago nangunot-noo. "Pumasok ka at maupo, Nathaniel," anito, tinuro ang upuan sa harap ng mesa bago muling tumipa sa laptop nito.

Tahimik siyang tumalima kahit na puno ng kaba ang kanyang dibdib. Sa loob ng anim na taon niya sa kumpanya, bilang pa lang sa kamay ang mga pagkakataon na nakipag-usap siya ng solo sa babae. Istrikta kasi ito, may pagkasuplada rin kaya iwas siya rito.

Nang makaupo siya, tumikhim si Mrs. Posadas. "Nakausap ko si Boss. Ikaw raw ang dahilan ng gulo kaninang umaga sa executive floor," anito nang hindi tumitingin sa kanya, tuloy lang sa pagtipa sa laptop nito.

Ang Panaginip ni Nathaniel Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon