Panay ang palatak at buntong-hinga ni Nathaniel habang nakaupo siya sa loob ng company car na kanyang mimamaneho. Hinihintay niyang matapos ang pag-iinspeksyon ni Mr. Dizon sa bagong building na pinapatayo ng kumpanya nito. Halos isa’t kalahating oras na siya roon at naghihintay sa pagbalik ng boss niya kaya naman hindi niya maiwasang makaramdam ng pagkabagot.
Madalas talagang ganoon ang gawain niya, ang ipag-drive ang boss sa building projects nito sa iba’t-ibang dako ng Maynila at karatig lalawigan.
Kung tutuusin, maayos ang trabaho niya kahit na hindi gaanong mataas ang suweldo. Sa totoo lang, gusto na rin niyang sumubok mag-apply sa ibang kumpanya. Kaso, sa estado niya ngayon na maraming utang at bayarin, parang hindi iyon posible. Hindi tuloy maalis sa isip niya na humingi ng dagdag sweldo. Ilang beses na rin humirit ng dagdag-sahod ang mga maliit na empleyado sa kumpanya ni Mr. Dizon, kasama na siya roon. Kaso ayaw silang pagbigyan ng kanilang boss. Ang rason nito lagi, hindi raw inaprubahan ng board ang hiling nilang umento. Sa katunayan, marami sa mga kasabayan niyang pumasok sa kumpanya ang nagsialisan na. Siya na lang ang natira sa mga datihan.Wala e. Kailangan niyang kumayod. Kailangan niyang kumita. Kailangan niyang buhayin ang pamilya niya. At hindi niya magagawa iyon kung makikipagsapalaran siyang humanap ng bagong mapapasukan.
Napabuntong-hininga siya. ‘Di bale kapag nagkatrabaho na si Noel, makakatulong na rin ito sa kanya. Sana
Sinipat niya ang kanyang relong pambisig, humikab bago nagpalinga-linga. Matagal pa siguro si Mr. Dizon. Puwede pa siya sigurong umidlip nang kaunti. Nagpasya siyang i-on ang stereo bago tuluyang sumandal sa driver’s seat at pumikit.Ilang sandali pa, dinalaw na siya ng antok at dinala siya sa lugar ng mga panaginip. Sa panaginip ni Nathaniel ay nasa isang malawak na parang daw siya na puno ng mga bulaklak at mga puno. Maririnig sa buong parang ang nakahahalinang huni ng mga ibon. At sa ‘di kalayuan ay dinig niya ang payapang pag-agos ng batis. Payapa sa parang. Malayo sa kanyang mga utang, bayarin at iba pang isipin. Hanggang sa… mula sa kung saan ay lumitaw ang isang leon. Agad na nanlisik ang mga mata nito nang makita siya. Hindi naglapit sandali, dinaluhong na siya nito at walang habas siyang sinagpang.
---
Malakas at sunod-sunod na katok mula sa kung saan ang nagpagising kay Nathaniel. Nang imulat niya ang kanyang mga mata, agad niyang nakita si Mr. Dizon na panay ang katok sa bintana ng kotse. Agad siyang napatuwid ng upo at tarantang lumabas ng sasakyan.“S-sorry po, Sir. H-hindi ko po—“ Hindi na naituloy pa ni Nathaniel ang paghingi ng paumanhin dahil malakas na tinapik ng amo ang kanyang sentido.
“Ang sarap ng buhay natin a. Natutulog ka pa talaga sa oras ng trabaho, Nathaniel. Ang lakas din ng loob mo, ‘no?” gigil na sabi nito.
Yumuko siya, pasimpleng minasahe ang nasaktang sentido. “P-pasensiya na po, Sir. Hindi na po mauulit,” aniya bago alistong pinagbuksan ng pinto ng kotse si Mr. Dizon.
“Siguruhin mo lang, Nathaniel. Hindi ako mangingiming palitan ka kung tatamad-tamad ka sa trabaho!” anito bago tuluyang pumasok sa sasakyan.
Marahan niyang isinara ang pinto ng kotse, muling minasahe ang nasaktang sentido.
Bukod sa mababang pasahod, isa pa sa pinakaiiwasan niya sa trabaho niyang iyon ang magaspang na ugali ni Mr. Dizon. Nananakit ito tuwing nagkakamali siya. Ang sabi ni Ms. Annie, pagtiyagaan na lang daw niya at iwasan ang magkamali. Kaya lang, nitong nakaraang ilang linggo, mainit talaga ang dugo nito sa kanya, magkamali man siya o hindi. Mukhang iyon na ang magtutulak sa kanya para maghanap na ng ibang mapapasukan.
Tumunog ang cellphone niya. Mabilis niya iyong hinugot mula sa kanyang bulsa. Agad siyang nanlumo sa nabasang mensahe ni Noemi. Kailangan raw i-confine si Ashley dahil sa pulmonya.
Lihim na siyang napamura. Pera na naman.
![](https://img.wattpad.com/cover/345106219-288-k708177.jpg)
BINABASA MO ANG
Ang Panaginip ni Nathaniel
ParanormalIsang paulit-ulit na panaginip ang bumabagabag kay Nathaniel. Paano kung isang araw, magising na lamang siya na hindi panaginip ang lahat kundi isang kasuklam-suklam na katotohanan na siya mismo ang may gawa?