yakap

14 0 0
                                    

Hindi ko maalala kung ilang taon ako nang nahilig sa yakap
Sa pagkakatanda ko, ayaw ko ng hawak.
Dahil sa tuwing sasayad ang balat,
hindi ko maiwasang umiwas at umiyak.

Takot kasi ako sa mga hampas
Iniisip kong sasaktan ako sa bawat tama —
Kamay na nagsasabing tumahan na,
Kahit hindi pa naman umaalpas ang luha.

Pero nang lumaki ako, ginusto ko ito
hindi ko maalala kung saan, paano at kanino
Gusto ko lang nakakulong sa bisig ng tao
Normal ba kung sasabihing dahil takot ako?

Pero paano nga ba masasabing takot ito —
kung gusto ko ngang nakadikit sa bisig ng tao?
Sabagay — hindi ko naman sinabing sanay ako,
Sinabi ko lang ay gusto ko.

Teka, biglang naalala ko
Alam ko na pala kung bakit yakap ang gusto ko.
Nakatago nga pala kasi ang muka sa dibdib ng tao.
Hindi makikita ninuman ang takot ko.

Hindi pala ako takot sa hawak.
Gusto ko rin tuwing mag sasanggi ang balat.
Ang ayoko pala ay makita ng iba.
Kaya yakap ang gusto ko sapagkat nakaharap sa likod nila.

Ayaw kong magmukang mahina.
Hindi katanggap tanggap ang rason,
na pinalaki ka sa palo at sigaw,
tapos matatakot kang masaktan.

Pwede bang maging makasarili?

Mawalan ng pake sa panginginig.
Isantabi na muna ang namumutlang bibig.
Huwag pansinin ang hindi kumukurap na mata.
Saka na isipin ang namamawis na balat at tenga.

Yakapin mo ako.

Ikulong sa bisig mo.

Takpan mo ang natutulog kong pagkatao.
Hindi mo ba nakikita? Takot na takot ako.

Takot ako pero hindi ako bobo.

Kaya itulak mo ako.

Palayo sa bisig mo.

'Wag mong hayaang yumakap ka ng tao —
na hindi imposibleng sumira sayo.

—SDMP.

Bulong ng IsipTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon