[i.] Ikaw pa rin ang nagsisilbing tanglaw sa malumbay kong tanawin; lingid sa'yong kaalaman, ako'y nananatili pa rin sa kadahilanang nag-aasam akong matatamasa ko pa ang siglang bunga ng nakasisilaw mong kislap.
At sa muling pagharap mo sa kabilang panig, wari ba ako'y nabulag sa karimlan, kung kaya't di ako makakibo sa nakakabighaning saklaw ng sansinakpang 'to— kung sa'n ilang milya ang agwat ng ating mundo.
[ii.] Ayokong umabot sa punto na ako'y umaasa na lamang sa luningning na iyong hatid upang anyo ko'y maipakita sa mundo na pumapagitna lamang sa kalawakan. Datapuwa't kung ihahambing sa nakapalibot sa'yong mga celestial na katawan ako'y isang hamak na buwan lamang na nangangailangan ng isang bituing kumikinang, at kung minsan pa'y tumatalima nalang sa mahagupit nitong puwersa.
[iii.] Ang prosang ito'y hinggil sa'king pagmamalisbis sapagkat mas pinili kong lumayo kesa pagbigyan ang sarili kong sumabay sa daangtala na iyong pinapahiwatig. Gayunpaman, inaasahan kong sa susunod na eklipse, ang lahat ay hihinto at hahangang muli sa'ting pagtutugma na matagal-tagal din nilang ginugunita.
(PS: sinulat ko 'to nung nauso ang "Sun & Moon" na kanta haha.)