Kung ihahambing kita sa isang lugar maaari kang maging dagat.
Yung alon na walang sawang bumabalik sa pampang.
O ang mga sigay na naglalaro sa dalampasigan,
Dahil kagaya ng dagat ay namumukod tangi kang talaga.
Na nagsisilbi kong puntahan kapag sa palagay ko'y pasan ko na ang lahat.
Ang mga kabibe na nakalatag sa buhanginan.
Nagbibigay sa akin ng kasiguraduhang hindi ako kailanman magiisa.
O ang mga bula sa tubig na sa pagagos nito'y tinatangay din pabalik sa kanyang tahanan.
Dahil sa piling mo, nahanap ko ang kapanatagan na hindi ko aakalaing makukuha ko sa isang tao lamang.
Sino nga bang magaakala na maaari ko palang maging tahanan ang isang nilalang?
Hindi ko din mawari kung paano nangyari ang lahat.
Basta ang tanging naalala ko lamang ay sa bawat pagtakbo ko sa dalampasigan,
Naroon ka't hindi na mawala ang imahe mo sa aking isipan.
Ang bawat bakas ng paa sa may pantalan ang nagpapahiwatig ng iyong hindi paglisan.
Kailan nga ba tayo muling magtatagpo munti kong tahanan?
Kasama na kaya kita sa muli kong pagbisita sa pampang?
At mauupo sa tabing dagat para panoorin kung paanong humalik ang araw sa tila mga kumot ng alon sa karagatan?
Na sa pagbabalik ng mga bangka galing sa laot ay kasama ka na nilang sasalubungin ko ng mainit na yakap,
At ng pangakong hindi na muling paglayo.
YOU ARE READING
Alpas
De TodoHalika, sabay tayong lumaya sa reyalidad ng buhay kahit panandalian lamang...