Twisted Fairytales - 2

53 1 0
                                    

Narito ang isang maikling kwento para sa ating antolohiya na may temang Twisted Fairytales mula sa isang talentadong manunulat sa ating community. Pinamagatang A Not So Fairytale Cinderella, ang kwentong ito ay isinulat ng walang sinuman kundi ni LROA_26. Halina't tayo'y magsimula.

Halimuyak ng sariwang bulaklak ang sumalubong sa akin pagkalabas ko ng aking silid. Ang madilim na paligid ay napalitan ng liwanag na siyang nakapagpangiti sa akin. Hindi ko maiwasang idapa ang pareho kong braso sa ere habang pinapakiramdaman ang bawat hampas ng hangin sa aking mukha. Napakagandang simula para sa isang napakagandang umaga. Isang ngiti ang pumaskil sa labi ko na siyang agad nabura pagkatapos kong marinig ang boses ng aking madrasta.

"Elena! Nasaan ka na?! Ang pagkain! Wala pang nakahandang pagkain! May kailangan akong daluhan sa araw na ito kaya bilisan mo ang iyong kilos! Elena!"

Araw-araw ay iyon ang bumubungad sa akin. Hindi naman bago ang bawat sigaw at pang-aalipusta nila, pero nais kong umasa na darating din ang panahon na makakawala ako sa pagkakagapos nila sa akin.

Sampung taon na gulang pa lang ako ng mawala ang aking tunay na ina. Labis na pagdaramdam ang inabot ng aking ama sa pangyayaring iyon kaya ay hinayaan ko siyang magdala ng babae sa amin. Na nang magtagal ay pinakilala niyang bago kong ina. Paglipas ng panahon, nang tumuntong akong dise sies, ay pumanaw ang aking ama dahil sa isang kapansanan. Doon nagsimula ang pagbabago ng buhay ko.

Dahil ang inakala kong mabait, maalaga at mapagmahal na madrasta ay purong kasinungalingan lang pala. Nais niya lamang na magbalat-kayo upang mapa-ibig ang aking ama. At ngayong wala na ito ay wala na rin siyang dahilan para tratuhin ako nang maayos.

"Ano ba, Elena?! Bakit ang bagal-bagal ng iyong kilos?! Pakibilisan at kanina pa ako nagugutom!" Ang nakapameywang na madrasta ang bumungad sa akin pagkapasok ko sa kusina.

Pagkatalikod ko upang sundin ang mga inutos nito ay siyang pagdating ng mga anak nitong babae. Malayo pa man ang mga ito sa puwesto ko ay rinig ko na ang tilian nilang dalawa. Ang masasaya nilang kuwentuhan tungkol sa mga lalaking nais nilang pakasalan.

"Siya nga, Anastasia! Ang kaniyang mukha ay walang kakupas-kupas! Labis ang aking paghanga sa kaniyang yaman at kakisigan! Kung nanaisin ni ina ay gusto kong pakasalan ang marangal na iyon."

"Ngunit hindi ba ay mas kaaya-aya kung ang prinsepe ng palasyo ang ating papakasalan? Paniguradong matutuwa si ina kapag siya ang ipinakilala natin sa kaniya."

Pasimple akong lumingon sa dalawa habang ginagawa ang utos ni madrasta. Si Anastasia ay may malawak na ngiti sa labi, ang kaniyang magandang mukha ay mas lalong nahubog dahil sa liwanag ng mukha niya. Hindi ko rin naiwasang mapaisip sa kaniyang sinabi.

Ang prinsepe. Siya ang lalaking pinakamayaman sa buong lugar ng aming nayon. Minsan ko lang nasilayan ang kaniyang mukha ngunit tumatak na iyon sa aking isipan. Ang kaniyang maninipis na labi, matangos na ilong at kayumangging balat na siyang mas lalong nagpatingkad sa kaniyang tsokolateng mga mata ay tunay na bumihag sa akin. Kung papalarin ay nais kong mapalapit sa prinsepe. Nais kong mapansin niya ako.

"Elena, huwag mong lisanin ang mansyon. Nais kong linisan mo ito hangga't hindi pa kami nakararating. Oras na malaman kong umalis ka ay maaasahan mong ikukulong kita sa iyong silid," ang matigas na sambit ng aking madrasta.

Nais kong hindi sumang-ayon ngunit alam kong mas lalo lamang itong magagalit sa akin kaya wala akong nagawa kung hindi ang tumango rito. Nanatili akong nakatingin sa mag-iina na siyang papalayo na sa mansyon.

Isang mahinang buntonghininga ang aking pinakawalan bago napasandal sa hamba ng pintuan. Naninikip ang aking dibdib sa kaalaman na hindi na ako kasing-laya noon. Ngayon ay mayroon akong kailangan gampanan kahit hindi kailangan. Gusto kong sisihin ang aking ama sa pagpili sa isang mapang-alimpusta na babae ngunit wala na akong magagawa pa. Naloko lamang ang aking ama. Alam kong hindi niya rin nanaisin na magdusa ako.

FantasyPH AnthologiesWhere stories live. Discover now