Chapter 26: The Downfall of Mr. Tzu

8 1 0
                                    

CHENANIAH XYRAH'S POV

Sariwang-sariwa pa rin sa aking isipan ang mga kaganapan nang lumitaw na ang katotohanan. Dugoʼt pawis akong nagbatak ng buto sa kompanya ni Raze, pero akoʼy nagkasala nang nakasanayan kong maglubid ng buhangin sa taong pinakamamahal ko. Nais kong iguhit sa tubig ang mga araw na iyon, sapagkat isang linggo na ang nakalilipas, ngunit, patuloy pa rin itong dumadalaw sa aking panaginip upang magbigay ng mensahe na akoʼy makakabalik sa takdang araw na itatakda ng kapalaran sa akin. Parami nang parami ang mga mamamayang Pilipino na patuloy pa rin nagbibilang ng poste, at isa ako roon. Bagamaʼt ako ay lantang gulay na sa kahahanap ng trabaho, hindi pa rin ako humihinto para lamang makapagbigay ng salapi sa aking pamilya.

Sa kadahilanan nang aking paghihimutok, hindi ko namalayang nasa harapan na pala ako ng aming tirahan. Umuwi akong mag-isa dahil may mahalagang pupuntahan si lelang, ngunit, aking ipinagtataka ang kaniyang ikinikilos noʼng humiwalay na ito sa akin kanina.

Mula sa pintuan pa lamang, kumukulo na ang dugo ni nanay sa akin, sapagkat, mahigpit niyang hinawakan ang aking braso upang akoʼy pakaladkarin papasok ng bahay.

"Mano po, inay." Hahawakan ko na sana ang kaniyang kamay, ngunit, dalawang malutong na sampal ang sumalubong sa aking magkabilang pisngi. "Bakit?" naguguluhan akong napatanong sa kaniya.

"Bakit?! Nagmamaang-maangan ka pang, hayop ka! Sa kabilang kanto ko pa nalaman na ikaʼy nagbibilang ng poste!" pagsesermon niya sa akin, saka sinakal-sakal ako, ngunit, sinusubukan kong igalaw ang aking leeg para lamang makahinga sa kaniyang pagtali nang mahigpit. "Butas ang bulsa ko kayaʼt gumawa ka ng paraan upang magkapera! Tuluyan kang tinanggal sa pinapasukan mong kompanya dahil mapurol ang utak mo, kilos pagong, at hindi makapal ang palad!" pagmamaliit niya sa akin.

"Inay, nawaʼy huwag ka nang masyadong gumasto kung kayaʼt parati na lamang lagot ang iyong pisi," paliwanag ko sa kaniya.

"Talagang nagdadahilan ka pa, a!" Marahas niya akong hinila patungo sa kuwarto ni tatay, o sa kuwartong ayaw ko nang balik-balikan. "Tayoʼy magbalik-tanaw, Niah! Sa torture room!"

Umiling-iling ako, pero, binibigyan niya lamang ako nang napakalakas na bungisngis. Siya ay tumigil sa pagkakahila sa akin noʼng nasa bandang gitna na kami na kung saan nahagip ng kaniyang mata ang nakatayong poste. Tumulo na lang ang aking luha habang itinatali sa poste ang mga kamay ko. Nilagyan niya rin ng duct tape ang aking bibig upang hindi ako makahiyaw o magsaklolo.

"Luhod!" sumunod ako sa kaniyang pinag-uutos sa akin. "Kapag marinig ko pa na akoʼy iyong pinagbabawalan o ikaʼy magdadahilan pa, hindi lamang latigo ang iyong aabutin!" Naipikit ko na lamang ang aking mga mata nang may materyal ang dumapo sa aking katawan. Nakasanayan ko na ang kirot nang pamamalo ng latigo sa aking balat kung kayaʼt hindi ko na kinakailangan ang humiyaw, sapagkat, walang nilalang ang magsisilbing instrumento upang akoʼy makatakas sa kuwartong ito. Ang likidong tumutulo sa aking likuran ay nangangahulugang maraming beses na niya akong pinagpapapalo. "Makinig ka, hayop ka!" Pinagsasampal niya ang aking pisngi sa poste. "Huwag na huwag mo akong susubukan!" Ibinalik na niya ang paghahampas sa aking likuran. Walang salita ang lumalabas sa aking bibig, sapagkat kagaya ng dugo at pawis na umaagos sa aking likuran, ang luha mula sa aking mata ay sumisimbolo ng kasakitan, kapighatian, at ang aking paghihinagpis na walang nakaririnig.

Naihagis ng aking nanay ang latigo na kaniyang hawak sa sahig, saka ang duct tape sa aking bibig, sapagkat matiwasay at kontento na siya sa kaniyang pinaggagawa sa akin. Hindi na ako masyadong makakilos sa mga hapdi o sugat na aking tinatamasa. Ang hinuha koʼy, bumabaha na ng dugo ang kuwartong ito sa bagsik niyang pagpapalo. Lilisan man ang kirot sa aking katawan, pero lilitaw o babati naman ito ng mga galos o peklat na siyang magpapaalala sa akin araw-araw.

LOVE REVENGE GAME (ON-GOING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon