OneShot#4: Sana

28 0 0
                                    

Sana
by: Erik Santos

Bata palang ako, hilig ko na ang pagguhit. Nagsimula ako sa paggaya ko sa mga tao at mga bagay sa paligid ko. Grade  two ako, marunong na akong gumamit ng brush at magpinta. Grade three naman ako nang matuto akong mag-sketch at gumaya ng mga mukha ng tao. Simula noon, sinasali na ako sa mga drawing contests, poster making contests, at art contests na pinapanalo ko naman. Hanggang ngayon, itong sining pa rin ang naging sandalan at buhay ko.

Nag-aaral palang ako noon nang magsimula akong gumawa ng online blog at site kung saan nagbebenta ako ng mga gawa ko. Pumatok 'yon pagkalipas ng ilang buwan. Di nagtagal, tumatanggap na rin ako ng mga made-to-order customized requests na pinapa-deliver ko sa mga kliyente ko. Dahil don, masasabi kong nakapagpundar na ako ng pera ko.

Isang araw noon ang hindi ko makakalimutan. Araw 'yon ng pagbubukas ng art shop na itinayo ko. Habang abala ako sa pag-sketch, isang magandang babae ang dumating at pinuri ang mga gawa ko. Hindi ako naniniwala sa sinasabi nilang spark o love at first sight pero tila nagbago ang paniniwala ko nang araw na 'yon.

Naging simple lang ang araw na 'yon. Pinakita at pinagmalaki ko sa kanya ang mga artworks ko. Pinuri niya ang mga 'yon. Bago siya umalis ay bumili siya ng isa sa pinaka-espesyal kong sketch--ang kauna-unahan kong sketch na ginawa ko pa nung grade three ako. May sentimental value 'yon kaya laking tuwa ko na siya ang bumili non.

Dumating siya noon bilang simpleng customer ko, pero nang umalis siya, parang naging kakaiba. Nag-iwan siya ng di maalis-alis na ngiti sa labi ko at tibok sa puso ko.

Gabi-gabi noon, lagi ko nalang siyang naiisip. Lagi kong pinagdadasal na makita at mas makilala ko siya. Naging interesado ako sa kanya, at dahil sa sobrang pag-alala ko sa kanya, nakagawa na rin ako ng sketch ng mukha niya. Ikinwadro ko 'yon at nilagay sa loob ng kwarto ko para lagi ko siyang nakikita.

Isang araw pagtapos kong magawa ang imahe niya, bumisita siya ulit. Laking tuwa ko dahil hindi lang ang pagtingin at pagbili ang ginawa niya sa shop ko. Talagang nakipagkwentuhan pa siya sa'kin. Malugod siyang nagkwento ng tungkol sa kanya. May mga nalaman ako tulad ng mahilig din siyang mag-drawing pero hindi raw siya magaling, mahilig siya kilay na rosas, at ang ikinatuwa ko sa lahat, wala pa siyang nobyo.

Mas lumalim tuloy ang pagtingin ko sa kanya. Ang pagkagustong nararamdaman ko ay mas lumalim, lalo na nung mga panahong halos araw-araw siyang bumibisita sa shop ko para makipagkwentuhan. Hindi man niya sadya ang pagbili sa mga tinda ko, ayos na sa'kin, makausap ko lang siya. Kulang ang  araw ko pag wala siya. Mas lalo kaming nagkakilanlan. Dumating pa sa puntong naaaya ko siyang kumain sa labas kapag hapon.

Yung mga sketches ko ng mukha niya ay naibibigay ko na nang libre sa kanya. Regalo, kumbaga. Ikinatutuwa ko naman kapag sonasabi niyang gusto niya ang mga 'yon. Para bang sinasabi niyang gusto niya rin ako.

Nahulog ako. Minahal ko na siya.

Kasabay ng pagtuklas ko sa nararamdaman ko ay ang paggawa ko ng ireregalo ko sa kanya. Sketch naming dalawa iyon--isang larawan sa panaginip ko na gusto kong mangyari sa'ming dalawa sa hinaharap.

Pero isang araw, bumisita siya ulit sa shop ko. May ipapasadya raw siyang sketch. "Okay lang ba, Kristian? Hindi ba masyado nang marami ang orders sa'yo?" tanong niya nang mapansing dinagsa ang shop ko.

Nginitian ko naman siya. "Ano ka ba, Geline! Hindi naman! Saka kahit ano para sa'yo!" Lumapit ako nang kaunti sa kanya. "Wag ka lang maingay sa iba kong customers pero dahil special ka, yung iyo ang lagi kong uunahin."

Nangiti naman siya dahil doon.

"Ano ba ang ipapagawa mo?" excited kong tanong. May inabot siyang papel sa'kin kung saan may sukat na nakalagay. "Ganyan kalaki ang ipapagawa mo? Ang laki ah?" Tinawanan ko pa siya, pero ang totoo ay excited din akong masubukang gumawa ng ganun kalaking artwork for the first time. Para sa babaeng mahal ko.

"Sukat 'yan ng isang side ng magiging kwarto namin ni June," sabi niya.

June? Bahagyang napakunot ang noo ko. Sino naman 'yon? "Ah. Ayos ah. So lalagyan mo ng gawa ko ang buong 'yan. Sige sige. Ano ba ang ilalagay ko?"

"Sketch..." May nilabas siya mula sa bulsa niya at inabot sa'kin. "...nito."

Napanganga nalang ako sa nakita ko. Larawan niya 'yon... at ni June. Nung pre-nup nila. Pinilit kong ngumiti. "I-ikakasal ka na pala."

"Oo. Gusto ko na mga siyang dalhin dito at ipakilala sa'yo pero gusto ko muna siyang i-surprise sa ipapagawa ko sa'yo." Nangiti siya at bahagyang napayuko sa di ko malamang dahilan.

"Ah ganun ba? M-maganda yon." Binaling ko nalang din sa ibang bagay ang direksyon ng paningin at atensyon ko. "Kelan mo ba gustong matapos 'to?"

"Next month yung kasal namin, so sana bago yun?"

"Ah sige. Kaya ko naman eh." Nilingon ko siya at nginitian.

"Ahm, Kristian..." tawag niya muli kaya napatitig ako sa kanya. Ang sunod niyang sinabi ay isa sa mga tanong na hindi ko akalaing maaari kong sagutin sa tanang buhay ko. "Punta ka sa kasal namin ah?"

Ang totoo ay hindi ko alam kung ano ang isasagot ko kaya nginitian ko nalang siya.

***

Araw na ng kasal ni Geline ngayon at ng kung sinumang swerteng lalaking iyon. Mas pinili kong hindi na pumunta. Ayokong makita iyang may suot na puting bestida at lumalakad sa altar kung hindi lang naman ako ang nasa dulo nun. Sapat nang nakita ko siya sa huling pagkakataon nung isang araw para i-deliver yung pinagawa niya sa'kin.

Hindi ko na rin sinabi sa kanya na aalis na ako. Ililipat ko na itong shop sa isang lugar na malayo sa kanya... at sa sakit.

Naiayos ko na ang lahat at hinihintay ko nalang ang truck na susundo sa'kin at sa mga gamit ko. Ang inaasikaso ko nalang ay ang artwork na ibibigay ko sana noon para sa kanya. Binago ko ang nakalagay doon. Imbes na kaming dalawa na magkasama sa hinaharap ang nakaukit doon, siya nalang ang ginawa ko. Pininta ko ang maganda  at nakangiting siya habang ang ako na sana ay nasa tabi niya ay pininta ko nalang na nakayukong naglalakad palayo sa kanya.

"Kristian! Andito na yung trak!"

Tumayo na ako at sinimulang ligpitin ang mga gamit ko. Ang huli kong ginawa ay iniwan ang artwork kong iyon sa harap ng sarado kong shop. Alam kong babalik si Geline doon. Alam kong makikita niya iyon.

Pero gaya ng katotohanan, hanggang doon nalang ang lahat.

At umalis na ako. Ayoko na rin sigurong bumalik.

-finished.

I wish I still write the way I wrote before. Huhuhu.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 15, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Melodic Tales [One Shot Collections]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon