Sino ang mag-aakalang nang mga sandaling iyon ay pinupunit namin sa aming mga puso ang mga dokumento ng aming relasyon.
Kahapon ng hapon ay pinunit ng hangin ang pinalilipad naming saranggola. Sinadya naming agahan ang pag-akyat sa Pulag nang sa gano'n ay marami pa kaming puwedeng gawin, at pag-usapan. At sinadya rin naming umakyat ng Enero, at weekday. Kinuha namin sa Maynila ang last trip pa-Baguio. Nagkape kami sandali sa terminal ng bus, nagpahinga ng isang oras sa isang bukas na restaurant sa Baguio na may na may mangilan-ngilang nag-iinuman o nagpapalipas din lang ng oras, pagkatapos ay naghanap ng dyip na aming masasakyan papunta sa isa sa mga jump off point papuntang Pulag.
Mas maganda itong mga off season climbs, mas nasasarili ang hangin ng paligid,ang huni, bulong,halakhak,at pighati ng lahat ng uri ng buhay sa mahanging bundok na ito. Higit sa lahat,para mapakinggan namin, kami lang, ang mga impit na sigaw ng aming mga kaluluwa.
Mabilis na namayagpag ang saranggola nang bitawan ko ito. Nakita kong medyo nahirapang maniobrahin ni Joanne ang saranggola nang itulak ito ng hangin paitaas.
Simpleng-simple ang tabas ng saranggola, isang malapad na triyanggulong papel, kulay dilaw, berde, at pula. Hindi tulad ng mga guryong na pinalilipad ko noong ako'y bata pa,na ako. rin ang gumawa,na lakas-loob kong ipinanlalaban sa iba pang saranggola,minsan natatalo, minsan ay nananalo.
Tumawa na lang kami nang pilasin ng hangin ang saranggola,tutal mura lang naman ang bili namin dit. Pero siguro kung kami ang gumawa ng saranggola,hindi ganoon kadaling pakawalan iyon.
Kung paanong hindi ganoon kadaling pakawalan ang isang buhay na alam mong sa iyo nanggaling. Namatay ang aming panganay dalawang taon na ang nakararaan. Tatlong taon na si Toni noon,binaha ng tubig ang kaniyang utak, at walang nagawa ang mga doktor. Walang nagawa ang Diyos kahit na anong dasal ang gawin ko, kahit na anong pagsusumamo ang gawin ko sa lahat ng espiritu ng mundo't kalawakan.
Isang tanong ang magpahanggang ngayon ay hindi namin alam ang sagot. Bakit kailangang mamatay ni Toni? Hindi dapat namamatay ang mga bata. Hindi tamang mamatay ang mga bata.
Gano'n yata talaga iyon. May mga bagay na agad-agad na nawawala, may mga bagay na madaling mawala. Parang pagpapalipad ng saranggola. Kahit na anong maniobra ang gawin
mo sa pisi, kahit na anong pag-ayon at paglaban ang gawin mo sa hangin,malakas man
ito,hanayad o mahina, kahit na anong tibay ng iyong pisi, ng papel o ng kahit na anong materyal ng saranggla,at ng nagpapalipad, mapupunit ang saranggola, o mapipigtas ang pisi,o mapapagod ang nagpapalipad,o simpleng mawawalan ng hininga ang hangin.
Malalim ang magkakambal na buntong-hiningang pinakawalan ko nang huli kong dalawin ang puntod ni Toni.
Malalim din ang magkakambal na buntong-hiningang pinakawalan namin ni Joanne nang maghiwalay ang aming mga labi. Maingat, tahimik, mabagal, ang sandaling paglalaro ng aming mga dila. Mataas na ang araw, bagama't nasa gilid pa rin ito ng mundo.
Bumalik kami sa may tent. Kinuha ko ang stove sa tabi ng tent na natatakpan pa rin ng flysheet. Habang binobomba ko ang stove ay nilagyan ni Joanne ng tubig ang cookset. Pagkasindi ng stove ay ipinatong dito ni Joanne ang cookset. Habang hinihintay na kumulo ang tubig ay pinunasan namin ng tissue paper ang aming mga tasa at kutsarita na mamasa- masa pa sa hamog.
Kanina habang hinihintay namin ang pagsikat ng araw ay tinanong naming muli ang aming mga sarili kung sino ang dapat sisihin sa patutunguhan ng aming relasyon, o sa kawalan ng patutunguhan nito. Pero wala kaming makitang kasalanan o pagkakamali, kung kasalanan nga o kamaliang matatawag ang aming pagpapakasal gayong alam naming posibleng may hinihintay pa kaming ibang pag-ibig, o may ibang naghihintay sa aming mga iniimbak na pag- ibig
At lalo kaming nagulat nang matanto naming hindi namin kailangang maghanap ng kasalanan para tapusin lang ang amingrelasyon. Puwede namang wakasan ito nang walag galit sa isa't-isa, nang walang hintuturong nanduduro ng paninisi, nang walang pagkataong mawawasak, nang walang pusong masasaktan, nang walang kaluluwang mapupunit.
Noong isang taon ay muling bumalikbuhat sa Canada si Michael, dating boyfriend ni Joanne bago kami magpakasal. Alam ni Joanne na mahal pa rin siya ni Michael. Alam ko rin iyon. Pero tiyak si Joanne na hindi na babalik si Michael sa buhay niya dahil wala naman nang plano si Michael na umuwi ng Pilipinas. At wala rin namng plano si Joanne na sumunod sa Canada. Pero biglang nagbago ang mga pangyayari.
Muli ngang bumalik si Michael, at sa Pilipinas na uli maninirahan. Akala ni Joanne ay hindi na niya mamahalin pa si Michael. Pitong taon na rin naman silang cut off sa isa't isa.