L

66 2 0
                                    

Tuldok, naghahanap ako ng tuldok sa buhay. Marami akong mga tinapos na relasyon na hindi naman talaga nagtapos sa tuldok. At gusto ko nang tuldukan ang mga bahaging iyon ng buhay ko. Maraming tuldok na puwedeng daanan. Pero hindi pala ganon kadaling mamulot ng mga tuldok.

Nahugot ko na ang pinakahuling peg ng tent. Naitiklop na namin ni Joanne ang tent, flysheet, at groundsheet. Nakapag-pack na kami at nililinis na lang namin ang campsite na ginamit namin.

Bago kami tuluyang bumaba ay sandali kaming tumayo sa may gilid ng tuktok. Inilibot namin ang aming paningin sa lahat ng kayang abutin ng aming mga mata, ang langit, ang ulap, ang mga bundok sa dulo ng mundo, ang mga damo sa maliliit at alon-along bundok sa ibaba. Isa pang buntong-hininga, magkakambal na buntong-hiningang pinakawalan din naman namin.

Huling sulyap iyon sa kabuuan ng lahat ng aming pinagsamahan ni Joanne, lahat ng aming minahal sa isa't isa, ng lahat ng aming itatapon, o kukupkupin, o kikimkimin.

Napakaliit ng pakiramdam ko nang mga sandaling iyon. Napakalawak ng mundo, napakatayog ng mga realidad, parang napakalayo ng mga katotohanan. Nagpakalayo-layo ang katahimikan at narito kaming sinasamantala ang natitira pang kapayapaang maaari naming saglit na isabuhay sa mga huling sandali ng aming pagsasama bilang mag-asawa.

Pumasok sa aking isip ang imahe ng mga mummy na nakita namin ni Joanne habang paakyat kami ng Pulag. Natahimik ako nang isa-isa kong makita ang mga bakas na iyon ng kamatayan. Hindi nga lang pala buhay ang nag-iiwan ng mga gunita, higit na maraming iniiwang alaala ang kamatayan.

Nasabi ko tuloy sa aking sarili na gusto kong mamatay nang maaga, di tulad ng matandang mag-asawang nakatanghod s bintana, di tulad ng mga lumang bahay sa gilid ng kalsada. Ano pa ba ang gagawin ko sa buhay kung wala na ang mga ka-batch ko sa mundo? Paano ba ako makikihalubilo sa isang henerasyong hindi ko naman kinabibilangan, sa isang mundong hinihintay na lang akong mawala, sa isang panahong nakikisama na lang sa akin?

Pero paano kong ihahanda ang aking sarili sa kamatayan? Gusto ko, kung kakayanin ko, at sana'y kayanin ko nga, ay ibalik ang aking kamalayan sa kalagayan nito noong ako'y nasa sinapupunan pa ng aking ina. Ganoon naman sguro dapat isabuhay ang buhay. Mag-a-unload

ako ng mag-a-unload ng mga bagahe ko sa buhay, mga bagaheng kusa kong pinulot, mga bagaheng ipinasan sa akin ng iba sa aking paglalayag,hanggang makabalik ako sa pinagmulan ng aking kamalayan.

Siguro kapag nagawa ko iyon, handang-handa na akong mamatay. Kahit hindi ko pa siguro. naising mamatay, kusang-loob na yayakapin ako ng kamatayan, bukas-palad akong sasalubungin nito, parang isang kaibigang matagal nang di nakikita.

Noong mga sandaling iyon, 'yung kaming dalawa lang ni Joanne sa tuktok ng Pulag, 'yung aming-amin ang aming mundo, 'yung mga yugtong iyon ng pamamaalam sa isa't isa, noong mga sandaling iyon, ang pakiramdam ko ay kinikilabutan ang mundo sa aming kapaslitan.

Bumaba na kami ni Joanne..

Habang kami'y bumababa ni Joanne ay naalala ko ang isang bagay na pumasok sa isip ko noong ako'y bumababa sa tuktok ng Halcon. Sa hawat pag-akyat at pagbaba ng bundok ay lagi't laging may kaluluwang iniiwan, may kaakuhang nagbabago, may bagong identitad na binubuo.

Si Joanne, tiyak siya sa sarili kung saan siya pupunta pagkababa namin sa Pulag. Ako, saan. kaya ako pupunta? Naalala ko ang sinabi sa akin ni Lizette nu'ng minsang kami'y mag-usap.. Isang taon na kaming hiwalay noon, pero wala pa rin siyang karelasyon o kasama sa apartment na inuupahan. Sabi niya, hindi raw ganoon kadaling maghanap o bumuo ng relasyon,permanente man o transient.

Ano ang naghihintay sa akin sa ibaba? Bahala na, kung ano ang ibibigay sa akin ng pagkakataon, o kung anong pagkakataon ang puwede kong likhain para may mapuntahan. ako.

Pero bago kami bumaba, corny mang sabihin, nangako ako kay Joanne, parang noong kami'y ikasal. Sabi ko sa kanya, 'yung iisipin kita habambuhay, iyon,tiyak ako, puwede kong ipangako iyon sa iyo. At 'yung mamahalin kita habambuhay, puwede ko na rin sigurong ipangako iyon sa iyo. Kahit hindi na tayo magkasama.

KASALWhere stories live. Discover now