A

58 2 0
                                    

paglipad sa burol. Tumingin ako sa ibaba. Nakalulula, nakatatakot mabuhay sa matayog na gilid ng mundo.

Sa ibaba ay naroon ang isang makitid na ilog. May ilang babaeng naglalaba,mga dalaga't matanda. Mayamaya'y lumayo sa kinaroroonan namin ang lawin, tinaasan pa ang paglipad, dumako sa loob ng bundok na nauubusan na ng puno...

Hinanap namin ang daan pababa sa may ilog. Inakay namin ang aming mga bike sa hato- batong footpath hanggang marating namin ang mas mabatong patag patungo sa ilog. Tinanggal ko ang aking helmet at shades, hinubad ko ang aking medyas, sapatos, at tishirt. Tumalon ako sa ilog at lumangoy patungo sa kahilang pampang kung saan naroon ang mga bata't mga babaeng naglalaba. Maligamgam ang tubig.

Sinenyasan ko si Joanne na sumunod sa akin. Umiling lang siya. Hihintayin na lang kita dito, sigaw niya. Nang marating ko ang pampang ay tumingin lang sa akin ang mga bata. Nagtawanan ang mga kababaihan. Umupo ako. Kinilig ako ng kaunti nang dampian ng tuyot na hangin ang aking katawan. Mapapasma ako sa ginagawa kong ito, pero hindi bale, sabi ko, minsan ko lang namang gawin ang ganito.

Pagkatapos ay bumalik ako kaagad sa pampang na kinaroroonan ni Joanne. Umiinom si Joanne ng tubig sa cannister, sa lilim ng isang punong mangga. Nagyaya siyang ipagpatuloy. na ang aming pagba-bike. Muli kong isinuot ang pawisan kong damit. Naramdaman ko ang pawis at tubig na sumusuot sa aking katawan.

Sa gawing Bustos ay nadaanan namin ni Joanne ang isang dampa, at sa bintana ay nakatanghod ang dalawang matanda, malamang ay mag-asawa,na tahimik sa kanilang pagkakaupo, nakatingin lang sa labas. Sinundan ng kanilang mga tingin ang mabilis na pagdaan namin ni Joanne.

At bago pa namin marating ang bayan ng Bustos ay marami kaming nadaanang mga lumang bahay, paisa-isa, payapa,tahimik na nakatayo sa gilid ng kalsada, subalit tila ipinagyayabang ang kanilang katatagan, ang kanilang kasaysayan.

Nalungkot ako, napagod ako sa pakikipagtitigan sa mga lumang bahay.

Napaka-introspective ng pagba-bike. Parang mountain climbing. Nakiipag-usap ka sa iyong sarili. Nakikipag-usap ka sa paligid na iyong nadaraanan. Kadalasan, habang nagba-bike o naglalakad sa mga dalisdis ng bundok, ay naiisp kong napakaraming sandali ang basta- basta ko na lamang pinalilipas.

Napakaraming mga paslit na pagkakataong hinahayaan ko na lamang dumaan sa harap ng aking gunita. Dumarating na lang basta ang mga saloobin, mabilis na magdaraan sa aking harapan na parang aninong tinatangay ng kumpas ng liwanag, at sa ilang saglit ay wala na, hindi mo na maalala kung ano ang bagay na iyon, daig pa ang panaginip na kahit papaano ay may iniiwang tanda.

Sana ay ganito kapayapa ang lahat ng pagkakataon. Nakakapagod mabuhay sa pagitan ng mga saknong. Nakapanlulumong ikulong sa loob ng mga panaklong, na para bang kilala na ng iba ang iyong pagkatao batay sa mga kategorya kung saan ka nila ibinubulsa. Nakabubusal ang mga pagkakahong iyon.

At sa bawat pag-iwas sa itinatakda ng iba na depinisyon ng sarili ay ang kanilang walang- katapusang paghalughog ng iba pang mga kategorya upang ikaw ay kanilang maibuslo roon. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi nila maintindihan na sarili lang ang makakapagpaliwanag ng sarili,na ang sarili,higit sa lahat, ay hindi rin naman kailangang ipaliwanag ang sarili. Bakit hindi hayaang malayang dumaloy ang malay?

Siguro, yung paghahanap ng kategorya, paghahanap din siguro iyon ng permanence. Kung

gayon, parang may mali sa permanence. Mas okey pa rin yata ang transience.

Tulad ng transience ng lawing dahan-dahang nawala. Tulad ng transience ng sandaling iyon ng paglangoy sa ilog. O ng pamumundok, o ng pagpapalipad ng saranggola, ng araw na namumula sa dulo ng mundo. O ng pagba-bike, ng tanghod sa bintana ng matandang mag- asawa. O ng pakikipag-live in kay Lizette. Ng pag-alis at pagbalik ni Michael sa buhay ni Joanne, ng kasal namin ni Joanne, at ng paghihiwalay namin ni Joanne. O ng mga halik sa tuktok ng mundo, ng mga solitaryong buntong-hininga. Hindi na maibabalik ang mga iyon, hanggang doon lang iyon. At iyon lang iyon. At iyon 'yon. Nasa kanilang transcience ang kanilang permanence.

Bigla ko tuloy naisip na ang paghahanap ng permanence ay parang paghahanap sa inunan.

Minsan ay sinubukan kong mag-bike mag-isa, sa ruta pa ring madalas naming daanan ni Joanne. Pero no'n ay pinasok ko ang maliliit na rough road na hindi namin pinapansin. Mababato ang mga daang iyon. Tumatalsik ang mga batong tinitisod ng gulong ng bike, tumatalon sa mga damo sa gilid ng kalsada, ang iba ay gumugulong sa putik ng palayan, ang tunog ng bagsak sa putik ay parang sinasaksak na laman ng tao.

Nang muli kong titigan ang kalsada sa ilalim ng gulong ng aking bike ay nagmistulang kawan. ng mga tuldok ang daan. Ibinaling ko ang aking ulo sa harap, nasisilaw ako sa liwanag kahit naka-shades ako, tumutulo rin ang pawis mula sa aking noo. Puro tuldok pa rin ang aking nakikita, libo-libong tuldok sa sa isang mahaba't nag-iisang kalsada sa gitna ng berdeng parang na iyon.

KASALWhere stories live. Discover now