Story 2 : Kandila Part 4

3.5K 151 9
                                    

A/N : Juskolord. Finally, nai-update ko rin ito! Yes! ^_^

-----
"Anong aalis ka? Di ba, malinaw ang usapan natin? Kung magbabakasyon ka o uuwi sa probinsiya n'yo, kailangan mo munang maghintay ng relyebo." sabi ni Edgar habang naglalaro sa computer nito.

Tanghaling tapat. Nanginginig si Marte sa gutom at sa takot. Pero ang kinakausap niyang namamahala sa sementeryo, walang anumang pakialam. Dumidighay ito paminsan-minsan, nagkakamot ng puwitan at sige ang pindot sa hawak na mouse.

Ilang gabi na rin. Nakakaligtas si Marte sa babaeng dumadalaw sa kanya tuwing alas sais pero bawat gabi ay lalo itong lumalapit sa bukana ng pinto. Nakikipagtitigan. Humahalakhak. Nanlilibak. At gabi-gabi... natatakot siyang makalagpas ito sa kung saan ito nakatayo at tuluyang makapasok.

"Boss... sa isang araw naman na ang balik ni Ato. Baka pwede na 'kong umalis. Wala namang ililibing sa mga susunod na araw." kumbinse niya.

Lumingon ito. Napakunot pa ang noo nang makita ang itsura niya.

"Putcha, Marte. Namumutla ka. Totoo ba'ng nababalitaan ko tungkol sayo? Na nagkakasayad ka na raw?"

Kung naiba ang araw at wala siyang kailangan sa lalaking mapanga, binigwasan na niya ito. Pero dahil nakikiusap siya ngayon, hahayaan niya ang lalaki.

Hindi siya kumibo.

"Iinom mo ng alak kung anuman yang gumugulo sayo. Hintayin mo ang relyebo mo bago ka umalis. Malapit na yun." may inis na sabi nito. Isinuksok ang hinliliit sa tainga at iniikot pambungkal ng dumi. "Wag kang duwag. Wala namang mamamatay."

Naggitgitan ang ipin niya sa inis sa lalaki.

"Sige. Salamat na lang." saka siya nagdugtong sa isip. 'Tang ina mo.'

Tumalikod siya at umuwi.

Pagdating niya sa bahay ay luminga siya sa paligid. Nitong mga nakaraang araw ay naging madasalin siya. Bukambibig niya ang paghingi ng tulong kay Kristo at sa iba pang arkanghel. Pero bakit pakiramdam niya ay lalong napapalapit ang paa niya sa hukay? Ano ang bagay na hindi niya napapansin?

Parehas pa rin naman ang lahat sa dati. Ang altar lang niya ang nagbago. Nagdikit na sa patungan noon ang natunaw na kandila. Nagmantsa na sa dingding ang usok na mula sa pagsisindi niya. Malaki at maitim ang mantsa. May korte na parang...

Natigilan siya sa tinitingnan at napalunok. Kabado siyang natawa.

Nababaliw na nga siguro siya. Nababahag ang buntot. Imposible ang nakikita niya, hindi ba?

Kumurap siya at tinitigan ang mantsa. Korteng tao talaga. Parang babaeng may belo.

Nanigas ang panga niya sa pagtitig sa imahe. Halos naaaninag niya sa mantsa ang mukha ng nakabelo - ang maputing balat, itim na itim na mga mata at nakasisindak na ngisi. Tumayo siya para kumuha sana ng pamunas. Buburahin niya ang mantsang iyon doon.

Pero pagtayo niya ay umikot ang paligid at nakatulog siya nang walang laban.

May mga boses na bumubulong. Hindi. Hindi lang bulong. May tono iyon na mabibilis at maindayog.

Dasal. May nagdarasal.

At may tinatawag itong pangalan: Agustin Timulog. Ang lalaki sa libingan!

Pero bakit parang sa kanya nanggagaling ang tinig?

Nagmulat siya ng mata. Para lang salubungin ang mukha ng babaeng nakabelo. Nakahiga siya. Padukwang naman itong nakangisi. Inilalapit na mainam ang puting mukha sa kanya. Ngumanga ito. At naramdaman niyang bumuka ang sariling bibig.

Kwentong Hukay Book 2 (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon