-----
Salamat sa bonggang paghihintay! Kahapon dapat itong WHY's of the Story... kaso, 36 hours akong gising at nagpunta ako sa PUP Literary Fest so ang ending, pag-uwi ko ay bangag na ako para i-update ito.
So, enough of that. Narito ang kasagutan sa palaisipan.
Tan-tan-tanan... *drum rolls* Flash VTR!
May ibinigay akong tatlong clue na makakatulong sa pag-iisip-isip sa kaugnayan ng tatlong kwento sa koleksyon na ito. Iyon ay lupa, lapida at Eli.
Narito ang dahilan...
Lupa - ito ang ipinapakain sa mga biktima ng nilalang na kumukuha sa dilim. Sa ikatlong kwento, sinabi na ang lupa ang sagisag ng materyal na katawan. Ang tanong, bakit kaya ito ipinapakain sa mga biktima?
Lapida - iisang lapida ang binanggit ko sa kwento at iyon ay ang lapida ng puntod sa looban ng sementeryo na katapat ng bahay ng sepulturero: ang lapida ni Agustin Timulog. Sa hindi malamang dahilan, may dalawandaang tao na nakipaglibing kay Agustin. Taga-ibang bayan din ito na dumayo sa maliit na nayon nina Marte para ilibing. Bakit?
Eli - si Eli ay nasa panimula ng kwento bilang tatay nina Yuli at Otep. Siya rin ang batang Eli na nasa ikatlong kwento na 'Sementeryo'. Pagkatapos ng engkwentro sa ikatlong kwentong 'Sementeryo ', may nagbago kay Eli. Siya ay nag-impake, kinuha ang mga anak niya at tumira sa bahay sa looban ng sementeryo na ipinagbili raw ni Marte. Bakit?
Heto ang clue sa mga kwento at ang kahulugan:
Sa Panimula ng kwento ay may isang mag-anak: ang tatay na si Eli, si Otep na 15 years old lang at si Yuli na ten years old.
Tuwing alas-sais, may dumadalaw sa kanilang bisita. Isang bisita na gustong pumasok sa loob ng bahay nila at minsan ay ginagaya pa ang boses ng kanilang ina. Hindi nakakapasok ang bisita basta nagsisindi sila ng kandila at nagdarasal. Nawawala ito pagkatapos ng isang oras o tuwing alas-sais ng gabi.
Ang tunay na nangyari:
Ang bisita na tumatawag kina Otep at Yuli at gustong pumasok sa loob ng bahay ay walang iba kundi ang tunay na espirito ni Eli.
***
ATAUL
May biniling ataul ang shop nina Donnie at Mang Ramon mula kay Tata Golyo. Mula nang dumating ang ataul, nananaginip ng masama si Don kung saan sumisigaw siya ng 'Papatayin Kita!'. May nilalang din na dumadalaw sa kanya sa gabi. Papatayin daw siya. Ibinababa ang kumot niya, nililiha ang kuko at binubuhusan siya ng tubig.
May kaluskos din na naririnig sa shop - iyong pagkakamot sa tela at matigas na kahoy.
Sa dulo ng kwento, ipinakita na si Donnie ay namatay sa loob ng ataul pero kahit nang niliha at binuhusan na siya ng tubig nang dalhin siya sa embalsamador na si Mang Ricky, buhay pa naman siya. May consciousness pa siya sa mga nangyayari. Pero ang nakikita ng mga tao ay patay na siya.
Ang tunay na nangyari:
Ginaya ng masamang nilalang si Donnie. Ito ang sumigaw ng 'Papatayin kita!' ng gabi na magising ang binata sa loob ng ataul. Para sa halip na makita siya nina Mang Ramon at Aling Lulu na nasa loob ng ataul, tumakbo ang mga ito sa kuwarto niya. Dahil dito, tuluyang 'namatay' si Donnie. Kinabukasan, natagpuan siya sa loob ng ataul.
***
KANDILA
Si Marte ang sepulturero sa bayan. Matapos ilibing ang isang Agustin Timulog sa harap ng bahay niya, hindi na siya nilubayan ng isang babaeng nakaitim na belo. Nang tawasin siya ni Aling Francia ay dalawang lalaking espirito at isang kabaong ang nakita.
Ang lalaking espirito ay si Agustin Timulog at siya. Ang kabaong na nakita ay ang paghahanda para sa mga papatayin pa.
Napanaginipan ni Marte na nagdarasal siya at tinatawag si Agustin Timulog. Nabuong korteng babaeng may belo ang mantsa ng usok ng kandila sa altar. Nakita ni Marte si Candida at isinalin nito sa kanya ang dugo gamit ang sariling bibig.
Kinabukasan, nagising si Marte at 'mayuming' naghanda ng almusal. Wala na ang mantsa sa altar.
Ang tunay na nangyari:
Hindi makapasok si Candida sa loob ng bahay ni Marte. Pero ang sunog ng kandila ang naging daanan niya papasok sa loob. Sa huli, kinuha ni Candida, ang babaeng nakaitim na belo, ang katawan ni Marte.
***
SEMENTERYO
Laging tumatambay sa sementeryo ang magkakaibigan na sina Onad, Amon, Estong at Eman para mag-rugby. Isang gabi, naghukay sa isang puntod si Eman. Ang kwento nito, pinakain daw ito ng lupa ng isang babae. Pagkatapos noon ay nagkasakit ito. Nagkasugat din. Hanggang sa mamatay.
Nang gabi na magkakasama sina Estong, Amon, Eli at dalawang barkada nito, sinalakay si Estong ng sepulturero na si Marte (na si Candida na rito) at pinakain ng isang 'tila may buhay' na lupa. Pero nakatakas siya. Nang makatakas siya, kinuha ang mga natutulog na kasama niya.
Kinabukasan, nalaman ni Estong na parang nabaliw na rin ang mga nakasama niya nang nagdaang gabi sa sementeryo. Maliban kay Eli na nag-impake at lumipat sa bahay sa looban ng sementeryo.
May simbolong sinabi rito: Asin. Lupa. Kandila.
Ang tunay na nangyari:
Gamit ang ritwal ng lupa, isasalin sana ni Candida sa katawan ni Estong ang espirito ni Agustin Timulog. Pero nakatakas ang binatilyo. Kaya kinuha nito ang mga kasama ni Estong at pinakain din ng lupa. Kaso, halos lahat ay parang nabaliw maliban kay Eli.
***
Sa Pang-wakas, nakitang may hawak na libro si Eli. Nanalangin. Kumain ng lupa. Ang sabi, mawawalan ng kapangyarihang makabalik ang nilalang na dumadalaw tuwing alas-sais.
Ang tunay na nangyari:
Sa katawan ni Eli matagumpay na naisalin ang kaluluwa ni Agustin Timulog sa tulong ni Candida na nasa katauhan ni Marte.
*****
Sa kabuuan, heto ang mga naganap...
Si Eli na si Agustin Timulog ang naging sepulturero sa bayan matapos ang gabi ng Pista ng Patay. Sa tuwing kumakain siya ng lupa mula sa dati niyang puntod pagkatapos magbasa ng libro ng ritwal, nawawalan ng kapangyarihan ang tunay na espirito ni Eli para bumalik sa tunay nitong katawan.
Ang ataul na pinasukan ni Donnie sa kwentong 'Ataul' ay ang parehong ataul na ginamit ni Agustin Timulog. Abuhin. May mga ukit. Hinukay iyon ni Tata Golyo, nilinis at ipinagbili. Kaya naman, kumukuha ito ng katawan kahit na buhay pa ang espirito.
Si Candida o ang babaeng nakaitim na belo ang kanang kamay ni Agustin Timulog. Isa silang kulto (pansinin ang description ng damit, ritwal, kilos at mga tattoo nila).
Si Agustin Timulog ay ilang ulit nang nagpalipat-lipat sa iba't ibang katawan.
Ang tamang pagkakasunod-sunod ng kwento: Kandila, Sementeryo, Panimula, Pangwakas at ang Ataul.
*****
Tumama ka ba sa hula mo? Kung OO, congratulations! Matalas ang pag-iisip mo! Hihi. At matalas din ang katapangan mo para basahin ang koleksyong ito.
Kung HINDI, okay lang 'yan! Magkakaroon pa ng Book 3. Mas magiging magaling ka na sigurong magtagpi-tagpi ng clues mula roon! Haha.
*****
Sa lahat ng nagbasa, kahit na matagal bago ko ito natapos (na sana hindi na maulit), maraming salamat sa inyo! Sa uulitin ha? Samahan n'yo uli ako sa takutan, hulaan at bukingan sa Kwentong Hukay!
The best kayo! :)
BINABASA MO ANG
Kwentong Hukay Book 2 (Completed)
HorrorPista ng mga espirito - mga espiritong nasa ilalim. Nag-aabang. Naghihintay sa magkakamali. Nakamasid na tahimik. Psst. Mag-ingat sa pagbisita sa mga yumao. Mag-ingat sa bawat paghiling. Mag-ingat sa bawat pangalang babanggitin.