A/N : Pasensiya na kayo kung matagal bago ko nabalikan ito! Hihihi. Gomenasai! May parts po per story ha! Bukas mag-a-update ako ng karugtong nito. :D
-----
Humihithit si Marte sa sigarilyong nakaipit sa daliri. Palingon-lingon siya sa naglilibing. Naghihintay na matapos ang mga ito.
Mag-a-alas sais na. Labinlimang minuto nang lagpas sa oras na pinag-usapan ang pag-iyak ng mahigit sa dalawang daang taong nakaitim at dumalo sa libing. Hindi niya kilala ang namatay. Ang balita niya ay malayo ang bayang pinanggalingan nito. Kung bakit dito sa sementeryong apat na bayan ang layo naisipang ilibing, hindi siya sigurado. At wala siyang planong usyosohin.
Siya ang sepulturero sa maliit na sementeryo ng baryo nila. Minana niya ang gawain sa kamamatay lang din na ama. Dalawampu’t anim lang siya pero mas matandang tingnan dahil sa bigoteng kinatatamaran niyang ahitin at sa madalas na nangingitim na mata. Mayroon siyang asawa dati. Pero lumayas. Binitbit ang dalawa nilang anak.
May tumunog na gong.
Napalingon siya. Kunot ang noo. Ang sa hula niya ay pinakapari ng mga nagluluksa ay may hawak na maliit at bilugang gong. Malapad at malagong ang tunog niyon na umaalingawngaw sa buong lugar. Nagpapakaba sa puso niya ang tunog kahit na hindi naman siya nerbyoso.
Humithit uli siya sa sigarilyo. Pinahid ng palad ang mata niya. Baka naaapektuhan siya dahil sa sigarilyo at madalas na pagkakape.
Tumunog uli ang gong. Ngayon, tila may kasama nang pabulong na tinig ng babae ang tunog niyon. Kumaba uli ang puso niya. Dumoble sa tibok. At pag-ihip ng hangin ay tumayo ang balahibo niya.
Lumingon siya. Nag-iiyakan pa rin ang karamihan. Dahan-dahan namang ibinababa ng mahigit sa anim na lalaking naghahawak sa lubid ang kabaong ng yumao. Napansin niyang may nakatayong babae sa tabi ng kabaong, malapit sa hukay ng lupa. Nakahiwalay ito sa karamihan. At tuwid na tuwid ang pagkakatayo. Nililipad ng hangin ang itim na belong nakatakip sa mukha nito.
Tunog ng gong. At pagtitig niya sa babae. Hindi niya maialis ang mata nito.
Umangat ang braso nito. Umunat sa tagiliran nito. May itinuturo.
Kunot-noo niyang sinundan ang kamay nito. Para lang mapailing.
Sabog siguro ang babae. Bahay niya kasi ang itinuturo nito.
Oo. Sa tapat ng bahay niya ang magiging libingan ng hindi kilalang yumao.
Humithit siya ng sigarilyo. Pinasuot sa baga niya ang usok at marahang inilabas sa ilong. Dapat kumakalma na siya kahit na paano. Pero kabaligtaran. Nagtataasan ang balahibo niya nang hindi niya alam. Pakiramdam niya ay may mga matang nakatingin sa kanya. Nakasunod sa gagawin niya. Nakamasid sa bawat hithit niya sa nauupos nang lason.
Sumusuot sa tainga niya ang malagong na tunog ng gong. At naaalala niya sa balintataw niya ang babaeng may itim na belo.
Nang lumingon siya uli ay nakita niyang hindi pa rin lubusang naibababa ang kabaong. Hirap na hirap pa rin ang anim na taong may hawak sa lubid. Naiinip na siya. Napag-interesan namang tingnan ang kabaong.
Sa lapidang kinauupuan ay kitang-kita ang kintab noon. Mukhang mamahalin. Kapansin-pansin din ang tila kakaibang mga ukit sa kahoy na katawan. At base roon at sa dami ng tao, mukhang importanteng persona ang inililibing.
Umiling siya at tumungo habang nakaupo. Sana ay matapos na ang mga nagluluksa. Mauubos na ang sigarilyo niya. At didilim na. Magluluto pa siya ng kakainin.
Tumunog uli ang gong. Sumuot ang malagom na tunog sa tainga niya. Pinigilan na niyang lumingon ngayon. At lalong lumalala ang pakiramdam na may nakatingin sa bawat kilos niya. Na para bang... nakamasid ang kung ilan mang taong nasa likod niya.
Pero hindi. Baka imahinasyon niya lang. O baka nga may nakatingin. Gaya ng mga naglilibing.
Hinithit niya ang maliit nang sigarilyo at nagkamot ng tainga. Pero nahatak niya ang kamay nang may nadaanang malamig na balat ang hinliliit niya. Napalunok siya. Diretso ang tingin sa lupa. Walang kagalaw-galaw.
May tao sa tagiliran niya. Nakikita niya ang maitim na damit nito sa sulok ng mata. Pero kahit na gusto niyang sitahin o lingunin... may boses na nagsasabi sa kanyang ‘huwag’. Na isang malaking pagkakamali kung sisilip siya.
Tunog ng gong. Isa. Dalawa. Tatlo.
Tila umaabante rin ang nilalang na nasa tagiliran niya kasabay ng tunog. Ngayon ay nakikita na niya ang palda nito. Itim na palda. Parang sa kulambo.
Apat. Lima.
Maputi ang balat nito. Tuwid at walang kakilos-kilos ang kamay na nasa tagiliran niya.
Anim.
May pumapatak. Sa lupa sa tagiliran niya.
Pito.
Papabilis ang patak na bahagya niyang nakikita. Sinisimsim ng lupa ang mapulang likido.
Walo.
Gumalaw ng kaunti ang kamay ng nilalang na nasa tagiliran niya. Parang aabutin ang balat niya. Nanlalamig ang paa niya. Hindi makakilos ang katawan. Higit niya ang hininga.
Siyam. Sampu.
Nakita niya kung ano ang pumapatak. At kung saan nagmumula.
May guhit ng pulang likido ang braso nito tuloy-tuloy sa mahahaba at mapupulang kuko sa kamay. Sa katulisan ng mga kuko ay tumutulo at nagpapatak-patak ang malapot na dugo.
Pumikit siya. Imposibleng may nakikita siyang nilalang ng dilim. Matagal na siya sa sementeryo pero hindi pa nangyari ang ganito.
Labing-isang tunog.
Bumagsak sa bubong ng paa niya ang ilang patak ng dugo.
Labindalawa.
Isang maputing mukha ang buong-buong sumilip sa kanya at nakipagtitigan. Na para bang wala itong dinurugtungang katawan.
Nangusap ang bibig habang malaki ang mata niya.
“Uwi na.”
Nanigas si Marte sa pagkakaupo. Ngumisi naman ang mukha. At nagtawa.
Umalingawngaw ang halakhak nito sa buong sementeryo kasabay ng gong. #
-----
To be continued...
BINABASA MO ANG
Kwentong Hukay Book 2 (Completed)
TerrorPista ng mga espirito - mga espiritong nasa ilalim. Nag-aabang. Naghihintay sa magkakamali. Nakamasid na tahimik. Psst. Mag-ingat sa pagbisita sa mga yumao. Mag-ingat sa bawat paghiling. Mag-ingat sa bawat pangalang babanggitin.