Pinunasan ko ang dugong tumutulo sa aking ilong. Hindi ko namalayang kanina pa pala may tumutulong dugo rito. Tumingala ako at matagal na tumitig sa kisame—para mapigilan ang pagtulo ng dugo.
Nahagip ng aking paningin ang orasang naka sabit, alas dos na pala ng madaling araw. Kaya pala tahimik na ang mga kapitbahay. Kanina pa kasi ako nagri-review para sa quiz namin bukas, lahat ng napag-aralan namin ng third quarter ay isinaulo ko. Kahit ang iba ay wala naman sa pointer's to review ay binasa ko pa rin. Baka kasi mamaya ay isama ni Ma'am. Pati ang mga possible na topic namin ng fourth quarter ay sinama ko sa review—baka lang isama ni Ma'am.
Para siguradong wala akong mali.
Nang mawala ang dugong tumutulo ay lumabas ako sa k'warto para hugasan ang mukha. Dahan-dahan at tahimik lang ang lakad ko para hindi ako mapansin. Tulog naman na siguro sila—pero ayakong magising sila nang dahil sa akin. Mas ayos pa sa akin na tahimik lamang sa bahay at hindi ako napapansin.
Bago matulog ay inulit kong basahin muli ang lahat ng ni-review. Gumising ako nang alas sinko, bali ilang oras lamang ang tulog ko. Mabuti na lamang at hindi ako nahihilo nang magising. Wala na sina Mama nang matapos akong maligo—umalis na papunta sa trabaho nila. Si Mama ay highschool teacher sa isang kilalang paaralan dito sa lugar namin. Teacher Diana Flores kung siya'y tawagin.
Wala kami sa kabayanan kaya't ang paaralang pinagtatrabahuhan ni Mama ang pinaka kilala rito sa amin. Kilala rin si Mama bilang matapobreng guro. Hindi ko na lang 'yon pinapansin—baka kapag nalaman ni Mama na pumapatol ako sa mga taong walang ginawa kung hindi pagk'wentuhan ang buhay ng iba, ay baka sa akin pa siya magalit.
Si Papa naman ay isang nurse dito sa lugar namin. Walang hospital dito dahil nga maliit lamang ang aming lugar, tanging clinic lamang ang mayroon. May doctor doon pero iisa lamang, at isa lamang din na nurse—si Papa. Kaya't kapag may aksidente o magkakasakit ay sa amin ang takbuhan nilang lahat. Kahit na takot silang lahat kay Mama ay wala silang magawa kapag sila'y nangangailangan. Kilala si Papa sa lugar namin dahil sa taglay niyang kabutihan—na kahit kailan ay hindi ko nakita sa kaniya.
“Denver Vince Flores, highest with the score of thirty over thirty,” sabi ni Ma'am De Castro na nasa unahan matapos naming mag-check ng quiz. “Congratulations, Dev. As expected from you," sabi pa niya bago i-abot sa akin ang papel na sinagutan ko.
I smiled. "Thank you, Ma'am."
Umalis din siya agad matapos mag-announce ng mga scores namin. Tinago ko ang papel sa bag ko at nilabas ang aklat namin sa Science.
Kaysa gumaya ako sa mga kaklase ko na puro paganda't papogi lamang ang ginagawa ay mas pipiliin kong magbasa ng lessons namin kapag may free time.
Seryoso akong nagbabasa nang biglang may marinig akong bulungan sa gilid ko.
"Jelly juice ba siya?" rinig ko.
Hindi ko 'yon pinansin at binalik muli ang atens'yon sa binabasang aklat.
"Siguro. Tignan mo naman kasi umasta, mas masungit pa yata sa babae, saka tignan mo 'yung gamit niya, ayos na ayos. May lalake bang gan'yan? Jelly juice nga yata."
Tumaas ang kilay ko. Ako ba ang pinag-uusapan nila? Ako lang naman ang may malinis na gamit dito sa room namin. Humarap ako sa kaklase kong nag-uusap. Hindi ko kilala kung sino sila—hindi sila katanda-tanda. Parehas silang umiwas ng tingin nang humarap ako sa kanila.
"Ako ba—" hindi ko natuloy ang sasabihin nang biglang sumabat si Carmela.
"Alam n'yo? Mas intindihin n'yo 'yang mga buhay niyo kaysa sa buhay ng ibang tao." Sabi niya habang naglalagay ng napaka pulang lipstick sa kaniyang labi. Hindi man lang niya tinatapunan ng tingin ang dalawang kaklaseng nasa harapan.
"Ano? Kami ba ang sinasabihan mo?"
"Sarili ko kausap ko, okay? Epal ka." Sabi ni Carmela bago binitawan ang lipstick na hawak at hinawakan naman ang baby powder niya at nagtaktak niyon sa kaniyang palad.
Tumaas ang sulok ng aking labi. Ano bang away ito? Para namang mga bata.
"Ikaw ang mas epal! Hindi ka naman namin kinakausap tapos sumasabat ka bigla! Ang sabihin mo warfreak ka lang, 'no!" asik ng babae at lumapit na bahagya kay Carmela na busy pa rin sa pulbo niya.
Natatawa na lamang ako sa kanila. Teka. Ako? Natatawa? Hindi ako 'yon. Guni-guni lang 'yon.
Umayos akong muli ng upo at binalik na lamang ang paningin sa librong kanina'y binabasa. Pero binaba ko rin 'yon agad dahil sa ingay nila. Inis akong humarap sa kanila, pero, laking gulat ko nang makitang nag-aaway na pala talaga sila. Nagsasabunutan sila!
Agad akong tumayo—gulat na nagising si Yesha na nasa likod ko. Hindi ko siya pinansin at lumapit na kay Carmela at sa kaklaseng nagsasabunutan.
"Awat na! Mga bata ba kayo?! Nasa paaralan kayo, bakit dito kayo nag-aaway?! Hoy! Tumigil nga kayo!" sigaw ko habang pilit silang inaawat. Ang mga lalake ko namang kaklase ay todo katyaw pa imbis na tumulong sa pag-awat.
Lumapit na rin si Yesha at hinila si Carmela palayo. "Hoy! Mga warfreak kayo! Bakit n'yo inaaway ang bestie ko?! Pinagtutulungan n'yo pa, iisa siya tapos dalawa kayo! Nasaan ang hustisya?! Hindi n'yo man lang ako ginising para two versus two! Mga weak pala kayo, e!" sigaw niya.
Napa hawak ako sa aking sintido dahil sa ingay nila. Nahilo rin ako bigla dahil sa sigaw ni Yesha. Dalawang oras nga lang pala ang tulog ko.
"Please, tumigil na kayo—" hindi ko natuloy ang sasabihin dahil biglang hinila ni Yesha ang buhok ng isang babae na kaaway. Nagkagulo na naman sila, nabunggo ako kaya't napunta ako sa gilid.
Huminga ako nang malalim. "Hindi ba kayo titigil?" kalmadong tanong ko. Walang pumansin sa akin.
"Isusumbong ko kayo sa guidance." Sambit ko. Kalmado pa rin. Kusa silang tumigil at humarap sa akin. Gulo-gulo ang mga buhok nila, ang mga lalake naman ay naiwang naka taas sa ere ang kamay.
"Sa wakas.. tumahimik din kayo.." sabi ko bago maging malabo ang paningin at unti-unting nawala ang ingay.
YOU ARE READING
Ikaw
Teen FictionLibro. Papel. Salamin. Ang mga bagay kung saan umiikot ang mundo ni Dev. Aral. Bahay. Aral. Bahay. Paulit-ulit na routine ng buhay ni Dev. Kaya nga tinatawag na siyang 'nerd' ng mga kaibigan. Pero paano kung isang araw.. sa hindi inaasahan, biglan...